
Tinulungan ng Guwardiya ang Pulubing Magkapatid; Ito ang Isusukli ng mga Ito sa Kaniyang Kabutihan
Tulad ng mga nakaraang araw ay abala ang lahat sa grocery, maging ang guwardiyang si Caloy dahil sa dami ng taong nais mamili. Habang abala ang ginoo ay siya namang lapit ng dalawang bata sa kaniya.
Sinenyasan lang muna niya ang mga ito upang hintayin siya.
“Sandali lang at marami pang tao. Kukuha lang ako ng tiyempo,” nakangiting saad ni Caloy sa batang si Elisa habang bitbit ang nakababatang kapatid nito.
Matiyaga namang naghintay ang dalawang bata hanggang sa tuluyan na ring humupa ang dagsa ng tao at nakaalis nang panandalian si Caloy sa kaniyang pwesto.
“Elisa, pasensiya na at ngayon lang. Nakita mo? Ang dami kasing tao ngayong araw. Hindi ako maaaring umalis kasi baka makita ako ng amo ko,” saad ni Caloy sa bata.
“Ayos lang po, Kuya Caloy. Ako nga po itong nahihiya sa inyo dahil kayo na nga po ang naaabala namin. Sige po, kuya, balik na kayo sa trabaho at baka po mapagalitan kayo,” saad naman ng bata.
Ilang sandali lang, pagbalik sa pwesto ni Caloy ay nakita siya ng manager na si Rico.
“At ano sa tingin mo ang ginagawa mo? Oras ng trabaho ay nakikipag-usap ka sa mga bata! Huwag mong sabihing anak mo ang mga pulubing iyon! Hanggang dito ba naman sa trabaho ay pinupuntahan ka?!” galit na sita ng manager.
“Naku, sir, hindi po. Mga bata lang po iyon na nakilala ko rito. May ibinigay lang po ako kaya sumaglit po ako. Pasensiya na po,” paghingi ng paumanhin ng ginoo.
“Sa susunod na makita ko pang umaalis ka sa pwesto sa oras ng trabaho ay irereport ko ‘yan sa agency mo, tingnan natin kung hindi ka mawalan ng trabaho!” pananakot ni Rico sa guwardiya.
Nakiusap naman si Caloy sa manager na pagbigyan siya sapagkat kailangan niya ang trabahong ito.
Sa katunayan ay namomroblema kasi itong si Caloy para sa pagpapagamot ng kaniyang ina. Hindi pa rin kasi naaprubahan ng ahensiya ang kaniyang loan. Nakikiusap siya na makapag-advance ng kaniyang sahod para maipagamot ang kaniyang matandang ina.
Ngunit dahil mainit ang dugo sa kaniya ng manager ay lagi siyang bantay-sarado sa kaniyang ginagawa.
Kinabukasan ay nagtungo na naman ang batang si Elisa kasama ang kapatid sa grocery para humingi ng pagkain kay Caloy. Ngunit dahil alam ni Caloy na bantay-sarado siya ng manager ay pinakiusapan niya si Elisa sa hintayin siya hanggang sa kaniyang break.
“Pasensiya na kayong magkapatid at alas dos na kayo makakain ng tanghalian. Ang dami pa kasing inutos sa akin ng manager ko. Tara at sa karinderya na tayo kumain ngayon. Sabay-sabay na tayo,” saad ng ginoo.
Pinapili ni Caloy ang dalawang bata ng nais nilang kainin. Samantalang ang order lamang niya ay isang kanin at ang libreng sabaw.
“Kuya, bakit ‘yan lang po ang kakainin n’yo? Sa inyo na po itong ulam at sa amin na lang po ng kapatid ko ang sabaw,” saad ni Elisa kay Caloy.
“Naku, sa inyo na ang ulam at busog pa naman kasi ako. Gusto ko lang kayong sabayan. Sige na at kumain na kayo. Damihan n’yo ang kain kasi baka mamaya ay hindi na naman kayo pakainin sa inyo,” tugon ng ginoo.
Ngunit ang totoo ay gipit na rin itong si Caloy. Wala na siyang natitirang pera kaya sa araw-araw ay kanin at sabaw lang ang kaniyang kinakain para mabigyan niya ang dalawang bata ng kanilang pananghalian.
“Elisa, kung ayos lang sa iyo ay gusto ko sanang itanong kung nasaan ang nanay at tatay mo? Bakit hinahayaan lang nilang pagmalupitan kayo ng tiyahin mo? Ang mga batang tulad niyo, dapat wala sa lansangan at dapat ay nag-aaral at saka inaalagaan,” saad pa ni Caloy.
Kitang-kita sa mata ni Elisa ang luha na pilit nitong pinipigilan.
“Hindi ko na po nakilala ang tatay ko. Pero sabi po ng nanay ko, taga-ibang bansa raw po ang tatay ko. Ayaw sa kaniya ng magulang ng tatay ko kaya pinaghiwalay sila. Sabi po ni nanay, naniniwala siyang babalik ang tatay ko para sa amin. Sabi naman ni Tiya Saleng ay nahihibang lang po si nanay. Pero naniniwala po ako sa nanay ko. Alam ko pong isang araw ay babalikan kami ng tatay ko at kukunin niya kaming magkapatid,” sambit pa ni Elisa.
“E, ang nanay mo? Nasaan siya?” usisa pa ni Caloy.
“Wala na po ang nanay namin kaya po na kay Tiya Saleng kami. Kaso hindi po siya mabait. Lagi niya po kaming sinasaktan ng kapatid ko at hindi po niya kami pinapakain. Kaya nga po sobra ang pasasalamat namin at nakilala namin kayo. Kung wala ka, Kuya Caloy, ay baka wala na rin kami ng kapatid ko dahil sa gutom. Kaya maraming salamat po. Sana isang araw ay masuklian po namin ang kabutihan n’yo,” naluluhang tugon ng bata.
Lalong nahabag itong si Caloy sa kwento ng magkapatid.
“Hayaan mo na, Elisa. Hindi naman ako humihingi ng kapalit. Sabi nga ng nanay ko ay hindi man ako gantimpalaan dito sa lupa, doon sa langit ay nag-uumapaw ang regalo sa akin ng Panginoon. Masaya na akong makatulong sa inyo,” saad pa ng ginoo.
Hindi na namalayan ni Caloy ang oras kaya nagmamadali siyang bumalik sa trabaho.
Pagbalik niya ay hinahanap na siya ng kaniyang manager at galit na galit ito.
“Talagang inuubos mo ang pasensiya ko, Caloy! Isusumbong kita sa ahensiya mo nang malaman nila na hindi mo ginagampanan ang trabaho mo rito. Maging sa may-ari ng grocery ay isusumbong kita para mawala ka na rito!” saad ng manager.
“Sir, huwag n’yo naman pong gawin ‘yan. Kailangan ko po ang trabahong ito dahil may sakit ang nanay ko. Patawarin n’yo po ako at hindi na mauulit,” pakiusap ng ginoo.
Ngunit hindi na nadaan sa pakiusap ang manager. Hindi man nasisante sa trabaho itong si Caloy ay nasuspinde naman ito.
Bukod sa inaalala ni Caloy ang gamot ng kaniyang ina dahil pansamantala siyang walang trabaho ay inaalala rin niya ang magkapatid na bata. Kung hindi siya papasok ay walang kakainin ang mga ito.
Kaya kahit na walang pasok sa trabaho ay nagtungo pa rin sa grocery si Caloy upang hintayin ang mga bata. Ngunit hindi nagpunta ang mga ito. Kaya umuwi na lamang siya sa bahay upang bantayan ang inang may sakit.
Laking gulat niya nang may isang nakaparadang kotse sa tapat ng kanilang bahay.
“Sino kaya ang bisita namin?” pagtataka ni Caloy.
Pagpasok niya sa bahay ay hindi siya makapaniwala na makita si Elisa at ang kapatid nito na iba ang ayos at maganda na ang postura.
“E-elisa, anong ginagawa n’yo rito? A-anong nangyari sa inyo?” sunud-sunod na tanong ni Caloy.
“Kuya, hindi ba kahapon ay nag-uusap lang tayo sa karinderya? Pag-uwi namin sa bahay ay naroon na ang mga tauhan ng tatay namin at pinapakuha raw kami. Sa wakas po ay natagpuan na rin kami ng tatay ko! Kaya ito, sa isang gabi lang ay nagbago na ang buhay namin. Sa wakas ay wala na rin po kami sa puder ng mapang-aping si Tiya Saleng,” umiiyak na kwento ni Elisa.
“Napakasaya ko para sa inyo, Elisa. Hindi mo alam kung gaano ko ipinapanalangin na sana ay may mag-aruga na sa inyong magkapatid. Masaya ako para sa inyo,” naluluhang sambit naman ni Caloy.
“Kuya, kaya po kami narito ay para kami naman po ang magbalik ng tulong sa inyo. Kanina po ay pinuntahan namin kayo sa grocery. Wala ka. May nagsabi po sa amin ng nangyari at sa kung ano po ang kinakaharap niyo sa buhay. Kuya, hindi mo naman sinabi na may problema ka rin pala. Maraming salamat po kasi kahit may inaalala kang problema ay tinulungan n’yo pa rin kami ng kapatid ko. Kaya hiniling ko po kay tatay na kayo naman ang tulungan namin,” saad pa ni Elisa.
Iniabot ng isang tauhan ang isang tseke kay Caloy.
“I-isang milyong piso? Totoo ba ito, Elisa? Isang milyon? Sobra-sobra ang perang ito. H-hindi ko matatanggap ito, Elisa. Sobra ito!” pagtanggi ni Caloy.
“Kuya, kunin mo na po. Utang po namin sa iyo ng kapatid ko ang buhay namin. Dahil sa inyo ay hindi kami nagutom. Kaya sana ay tanggapin n’yo na po iyan. Ipagamot mo po si nanay mo. Saka huwag ka nang bumalik sa trabaho mo. Magtayo ka na ng sarili mong grocery nang sa gayon ay marami ka pang batang matulungan,” dagdag pa ni Elisa.
Bumagsak ang luha ni Caloy. Niyakap niya ang dalawang bata.
“Hulog kayo ng langit sa akin, mga bata. Maraming salamat dahil sa wakas ay maipapagamot ko na ang nanay ko,” saad ng lumuluhang ginoo.
Dahil sa perang bigay ng ama ng magkapatid ay nag-iba ang buhay ni Caloy. Ginamit ng ginoo ang perang ito upang ipagamot ang kaniyang ina. Sinunod rin niya ang payo ni Elisa na magtayo ng isang maliit na grocery store.
Hindi natapos ang pagtulong ni Caloy sa mga nangangailangan, bilang pag-alala na rin sa dalawang batang naging malaking parte ng pagbabago sa kaniyang maalwan na ngayong buhay.