Inday TrendingInday Trending
Laging Nawawala ang Alagang Aso ng Binata; Isang Sikreto Pala ang Mabubunyag

Laging Nawawala ang Alagang Aso ng Binata; Isang Sikreto Pala ang Mabubunyag

“Brando, kanina pa kita hinihintay dito sa opisina. Iniwan na nga ako ng mga kasamahan ko, e. Susunduin mo pa ba ako?” bungad ni Jane sa kaniyang nobyo pagsagot nito ng tawag sa selpon.

“Oo nga pala, Jane. Nakalimutan ko. Nawawala kasi ang aso kong si Perry. Hanggang ngayon ay hindi ko pa rin nakikita. Sige at dadaanan na kita riyan sa opisina. Pasensiya ka na talaga,” paumanhin ng binata.

Pagkalipas ng kalahating oras ay dumating din si Brando upang sunduin ang nobya.

“Ikaw, a. Magtatampo na ako niyan sa iyo. Inuuna mo pa ang aso kaysa sa akin. Kung huwag kaya kitang pakasalan d’yan!” biro ni Jane.

“Pasensiya ka na, a. Alam mo naman kung gaano ka-importante si Perry sa akin. Kaya hindi talaga ako mapakali. Lagi na lang siyang nawawala. Sana pagbalik ko sa bahay ay naroon na siya,” sambit naman ni Brando.

Habang nagmamaneho ng sasakyan ay lumilipad pa rin ang isip ni Brando sa alaga niyang aso. Kaya naman nang makauwi at nakita niyang naroon na si Perry ay labis ang kaniyang saya.

“O, narito na pala si Perry. Wala ka nang problema. Siguro naman ay hindi ka na mag-aalala,” sambit ni Jane sa kasintahan.

“Saan kaya nagpunta ang asong ito. Hay, Perry, mabuti naman at nakabalik ka!” sambit ni Brando sabay yapos sa aso.

“Talagang mahal na mahal mo iyang si Perry, ano? Alam mo, isa iyan sa mga nagustuhan ko sa’yo. Kasi kung maalaga ka sa hayop, sigurado akong mas maalaga ka sa pamilya. Kaya hindi na ako makapaghintay na makasal tayo at bumuo ng sariling pamilya,” wika muli ng nobya.

“Sigurado ka ba? Kanina nga lang, sabi mo sa akin ay hindi mo na ako papakasalan,” sambit ni Brando.

“Siyempre, biro ko lang ‘yun, ‘no! Siguro naman ngayong narito na si Perry ay wala ka nang problema. P’wede na nating pag-usapan ang kasal natin habang naghahapunan,” saad muli ni Jane.

“Siyempre naman! Tara na at pumasok na tayo sa bahay. Dito ka ba matutulog o ihahatid kita sa inyo?”

“Dito na ako matutulog. Sasamahan muna kita ngayong gabi kasi alam kong na-stress ka sa paghahanap kay Perry,” tugon naman ni Jane.

Dalawang taon nang magkasintahan sina Brando at Jane. Dahil labis ang pagmamahal ni Brando sa dalaga ay ayaw na niya itong mawala sa kaniyang buhay kaya inaya na niya itong magpakasal. Mahal din naman siya ni Jane kaya pumayag din ito.

Pagkatapos maghapunan ay nagpahinga rin ang dalawa. Habang nasa silid ay hindi maiwasan ni Jane na magtanong ng tungkol sa mga magulang ni Brando.

“Talaga bang hindi mo na nakilala ang nanay mo, Brando? Sayang at wala kang kamag-anak na dadalo sa kasal natin,” sambit ni Jane.

“H-hindi ko na siya nakilala. Ang daddy ko lang ang nakasama ko at sa kasamaang palad ay pumanaw na siya. Sandali nga, alam mo namang ayaw kong pinag-uusapan ang bagay na ito dahil nalulungkot lang ako. Ang pag-usapan natin ay kung ano ang susuotin mo sa kasal. Nakakita ka na ba ng designer?” saad naman ni Brando.

“Oo, ako na ang bahala doon. Gusto kong masurpresa ka sa itsura ko. Hindi na talaga ako makapaghintay na maikasal sa iyo, Brando. Sigurado akong magiging masaya tayo,” saad pa ng dalaga.

Kinabukasan ay maagang umalis sina Jane para pumasok sa trabaho.

Bago naman umalis si Brando patungong opisina ng kaniyang negosyo ay hinanap niya si Perry. Wala ito nang umaga ngunit pag-uwi niya ay naroon na muli ang alagang aso.

Nang sumunod na araw ay ganito pa rin ang nangyayari. Nagtataka na si Brando kung saan nagtutungo ang alaga. Sa pag-aakalang babalik kaagad ang alaga ay hindi na ito hinanap pa ni Brando.

Ngunit lumipas na ang dalawang araw at wala pa rin si Perry.

“Hindi mo pa rin ba nakikita? Baka kailangan na nating magpaskil sa daan para mahanap siya. Alam ko kung gaano kahalaga sa iyo si Perry,” wika ni Jane.

Kaya ito ang ginawa ng dalawa. Nagtanung-tanong na rin sila sa kapitbahay kung nakita nila ang nawawalang aso ngunit walang makapagturo ni isa sa kanila.

“Huwag kang mawalan ng pag-asa. Baka mamaya ay naligaw lang si Perry at natagpuan ng isang mabuting tao. Manalig lang tayo at makakabalik din si Perry,” saad ni Jane sa nag-aalalang kasintahan.

Lumipas pa ang araw at labis na ang pag-aalala ni Brando kung napano na ang kaniyang asong si Perry.

Hanggang sa may tumawag kay Jane.

“Alam ko po kung nasaan ang asong si Perry. Punahan n’yo po siya sa itetext kong address sa inyo,” saad ng babae.

Agad itong pinuntahan ni Jane dahil alam niyang matutuwa si Brando kapag naiuwi niyang muli ang aso.

Nang puntahan niya ang address ay nagtataka siya sapagkat isa itong nursing home para sa mga matatanda. Pagpasok ni Jane ay nakita niya kaagad si Perry na nasa tabi ng isang matandang babae.

“Dati po ay pinupuntahan lang niya si Ginang Mercedes. Ngayon ay ayaw na niyang umalis,” saad ng babaeng tumawag kay Jane.

“Sa inyo po ang ang asong iyan? Kilala n’yo po ba si Ginang Mercedes?” tanong pa ng babae.

Umiling lamang si Jane.

“Hindi ko po siya kilala. Hindi po sa akin ang asong iyan kung hindi sa nobyo ko. Nakakatuwa lang tingnan si Perry dahil parang kilalang-kilala niya ang matandang babaeng iyan,” sambit naman ng dalaga.

Tiningnan ng babae ang papel na kanilang ipinaskil.

“Brando? Brando Santiago po ba ang pangalan ng nobyo mo?” usisa muli ng ale.

Tumango naman si Jane. Nagulumihanan siya nang makita niyang naluluha ang babae.

“Bakit n’yo po kilala ang nobyo ko? Siya nga po si Brando Santiago,” pagtataka ng dalaga.

Ipinakita ng babae ang dokumento ni Ginang Mercedes kay Jane. At doon ay nalaman ng dalaga na ang matandang babae palang ito ang ina ni Brando!

“Matapos siyang itaguyod ng kaniyang ina ay basta na lang niya ito pinabayaan nang magkasakit ito. Matagal na namin siyang pilit na tinatawagan pero hindi namin siya makontak. Marahil ay alam ng aso na malapit nang mawala si Ginang Mercedes kaya palagi na itong dumadalaw rito,” pahayag ng babae.

Gulat na gulat si Jane sa kaniyang nalaman. Hindi niya akalain na ang nobyong tinuturing niyang perpekto ay may tinatago pala sa kaniya.

Agad niyang kinompronta si Brando upang makipaghiwalay.

“Tapos na ang lahat sa atin, Brando. Pinaniwala mo akong mabuti ka. Ngunit ang sarili mong ina ay hindi mo maalagaan. Kung hindi pa nawala si Perry ay hindi ko malalaman ang lahat ng ito. Hindi ko kayang makisama sa isang lalaking punung-puno ng sikreto!” bulyaw ni Jane.

“H-hindi ko alam kung paano sasabihin sa iyo, Jane! Nahihirapan na akong alagaan siya kaya ko naisip na ilagay na lang siya sa isang nursing home. Huwag mo naman basta itapon na lang ang pinagsamahan natin!” saad pa ni Brando.

“Maalaga ka nga sa aso ngunit pabaya ka sa sarili mong ina. Anong pamilya kaya ang mabubuo natin kung ganiyan ka? Sa oras na hindi mo na kaya ay bigla mo na lang itatapon? Ayusin mo ang relasyon n’yo ng nanay mo, Brando. Naroon siya sa nursing home, mag-isa at nanghihina. Mabuti pa si Perry ay lagi siyang dinadalaw doon. Pero ang sarili niyang anak ay pinabayaan na siya,” umiiyak na sambit ng dalaga.

Dahil na rin kay Jane ay napagtanto ni Brando ang kaniyang kamalian. Kahit na alam niyang hindi na siya babalikan pa ng nobya ay pinuntahan pa rin ni Brando ang kaniyang ina upang ayusin ang kanilang relasyon. Naluha na lang ang binata nang makita ang kalagayan ng matandang si Mercedes.

“Kay tagal kitang hinintay, anak. Bakit ngayon ka lang dumalaw? Pero alam ko, ikaw ang nagpapapunta kay Perry dito para dalawin ako. Masaya ako sa tuwing nakikita ko siya. Nabubuhayan ako ng loob,” lumuluhang sambit ni Mercedes.

“Patawarin mo ako, ‘ma! Patawarin mo ako sa lahat ng nagawa ko! Narito na po ako ngayon. Kukunin ko na kayo rito at ako na ang mag-aalaga sa inyo,” lumuluhang sambit ni Brando.

Mula nang araw na iyon ay iniuwi na ni Brando ang ina upang alagaan ito. Hindi na rin umalis si Perry ng bahay kahit kailan.

At nang makita ni Jane ang pagbabago kay Brando ay muli niyang binuksan ang puso para sa dating nobyo.

Ibinuhos ni Brando ang lahat upang mapasaya ang kaniyang ina sa mga nalalabing araw ng buhay nito. Pinuno niya ng pagmamahal ang mga panahong nawalay ang kaniyang ina sa kaniya. Labis na saya naman ang naidulot nito sa matanda.

Hanggang ngayon ay hindi pa rin makapaniwala si Brando na natunton ng alagang si Perry ang ina. Dahil dito ay nagbukas muli ang pinto para makabawi naman siya sa babaeng nagpalaki at nagmahal sa kaniya nang lubos. Marahil na rin sa pag-aalaga at pagmamahal na ipinakita ni Brando sa ina ay tila nanumbalik ang lakas ng matanda.

Ngayon ay isang taon nang kasal si Brando at Jane, kasama pa rin nila si Mercedes na masayang-masayang nakikipaglaro sa kaniyang bagong silang na apo habang masigla namang nagtatatakbo sa loob ng bahay ang kanilang asong si Perry.

Advertisement