Tinawag Nilang ‘Beki’ ang Lalaking Ito Dahil Marunong Siya sa Lahat ng Gawaing Bahay; Mapapahiya Sila sa Kaniyang Dahilan
“Kita-kits na lang tayo sa bahay nina Jano, guys, ha?” bilin ng isa sa kaniyang mga kaeskuwelang si Billy habang nagsusukbit ito ng kaniyang bag. Uwian na kasi at napag-usapan nilang magkakagrupo na magkita-kita na lang sa kanilang bahay upang doon tapusin ang kanilang proyekto sa eskuwelahan dahil malapit na ang pasahan nito. Agad namang tumugon ang kanilang mga kaeskuwela kay Billy, maging si Jano.
Pag-uwi niya ng bahay ay agad na ipinaalam ni Jano sa kaniyang ina ang tungkol sa pagdalaw ng kaniyang mga kaeskuwela sa bahay nila para sa kanilang group study. Mabilis namang pumayag ang kaniyang ina, ngunit binilinan siya nitong maglinis muna ng bahay dahil papasok na ito sa trabaho.
Nagsimula nang maglinis ng bahay si Jano. Maya-maya pa ay dumating na rin sa kanilang tahanan ang nakababatang kapatid niyang babae na si Jana, kaya naman sandali muna niyang inihinto ang ginagawa upang asikasuhin ito.
Hindi pa man natatapos si Jano sa kaniyang ginagawa ay dumating na ang kaniyang mga kaeskuwela kaya naman minabuti niyang paupuin na ang mga ito sa kanilang salas. Nahihiya siya, dahil naabutan nilang medyo makalat pa ang kanilang bahay, lalo na at kagrupo pa man din nila ang babaeng nililigawan ni Jano, si Alyna.
Madaling tinapos ni Jano ang paglilinis ng bahay. Sumunod ay gumawa siya ng meriyenda at inihanda ito sa mga kaeskuwela. Pagkatapos ay muli siyang nagpaalam na tatapusin niya ang mga natitirang gawain upang sa pag-uwi ng kanilang ina ay wala na itong gagawin. Nag-igib na ng tubig si Jano. Nagdilig din siya ng halaman bago nilabhan ang unipormeng ginamit nila ng kapatid ngayong araw. Pagkatapos ay maaga siyang nagluto ng hapunan upang hindi na siya maistorbo pa sa gagawin nilang proyekto.
“Tapos na ako, guys, p’wede na tayong magsimula. Salamat sa paghihintay,” bahagyang nahihiyang ani Jano sa mga kaeskuwela.
“Naks, Jano! Alam mo lahat ng gawaing bahay, a! Ateng-ate ang dating!” tatawa-tawang biro ni Billy sa kaniya na sinegundahan naman ng paghalakhak ng iba pa nilang kaeskuwelang lalaki.
“Beki ka yata, e. Kasi, kahit hindi gawain ng lalaki, alam mo. Panigurado, marunong ka ring maglaba, ano?” dugtong pa nito na agad namang ikinakunot ng noo ni Jano.
“Bakit, may masama ba roon?” takhang tanong niya ngunit muli ay tanging halakhakan lamang ang itinugon sa kaniya ng mga ito.
“Hoy, tumigil nga kayo!” saway sa kanila ni Alyna. “Huwag mong pansinin ang mga ’yan, Jano. Bilib nga ako sa ’yo, e. Bihira lang ang lalaking may alam sa mga gawaing bahay sa panahon ngayon,” nakangiting puri nito sa kaniya.
“Kasi nga, beki. Beki lang ang lalaking may alam ng mga gawaing bahay sa panahon ngayon, Alyna!” ngunit muli ay tumatawang ani Billy.
Napailing na lang si Jano. “Mali ka, Billy. Sa tingin ko, hindi iyon ang basehan para matawag kang isang tunay na lalaki,” kapagkuwan ay saad niya. “Alam mo ba, noong bata pa ako ay madalas kong nakikita si mama na mag-isang gumagawa ng gawaing bahay dahil ganiyan din ang katuwiran ng tatay ko. Habang siya, umiinom ng alak, ang mama ko, hindi na magkandaugaga sa mga gawaing bahay,” naniningkit ang matang dagdag pa ni Jano.
“Si mama ang naglalaba, naglilinis, nagluluto, at nag-aalaga sa amin ng kapatid ko, habang si papa ay nagbibigay lang ng kakarampot na pera. Katuwiran niya kasi, beki lang daw ang gumagawa ng gawaing bahay dahil dapat ay babae lang ang gumagawa nito. Ayokong maging katulad ng tatay ko kaya simula noon ay inaral ko ang lahat ng gawaing bahay upang ipakita sa kaniya na mali siya. Dahil ang tunay na lalaki ay iyong mga kayang mag-alaga ng babaeng nasa paligid nila.”
Biglang natahimik si Billy sa narinig na sinabi ni Jano. Tila bigla itong naputulan ng dila at maang na napangiwi dahil hindi na niya alam ang kaniyang isasagot. Natameme ito. Biglang naalala ang kaniyang inang madalas ay nahihirapan sa gawaing bahay, ngunit kailanman ay hindi niya naisipang tulungan dahil sa baluktot niyang katuwiran. Ngayon niya napagtantong tama si Jano.
Samantalang si Alyna ay hangang-hanga naman sa sinabi ni Jano. Napapalakpak pa nga ito na lalong ikinapahiya ni Billy. Alam din kasi ni Alyna na ngayon ay hiwalay na ang mga magulang ni Jano ngunit hindi na nahihirapan ang ina nito sapagkat isang responsableng anak ang binata. Ngayon ay lalong nakasiguro ang dalaga na kapag sinagot niya si Jano ay mapupunta siya sa tamang lalaki.
Dahil doon, napag-isip-isip ni Billy na dapat na niyang baguhin ang kaniyang pag-uugali. Dapat siguro, ngayon ay simulan na niyang pag-aralan kung paano tumulong sa kaniyang ina. Nang sa ganoon ay matawag din niya ang kaniyang sarili na isang tunay na lalaki, katulad ni Jano.