Nakita ng Binata ang Nangangailangan ng Tulong na Dalaga at ‘Di Siya Nag-Atubiling Lapitan Ito; Hindi Niya Inaasahan ang Ibabalik Nito sa Kaniya
Minamaneho ni Sabel ang kaniyang kotse papunta sa kaniyang trabaho nang biglang tumirik ang kaniyang sasakyan sa kalagitnaan ng daan. Maiingay na busina ang narinig niya pagkalabas na pagkalabas niya ng sasakyan. Mga drayber na nais mauna at mga drayber na ayaw magpahuli kaya ayaw ng istorbo sa daan.
Panay ang senyas ni Sabel sa mga dumadaang sasakyan tanda na nasiraan siya. Kaya napipilitan ang iilan na lumiko na lang at umiba ng direksyon para maiwasan siya. Nang may isang sasakyang huminto sa tapat niya at nang buksan ang bintana ay isa itong lalaki, nagtatanong kung ano ang nangyari sa kaniyang sasakyan.
“Nasiraan po yata ako, kuya,” ani Sabel.
Sa kaniyang tantiya ay halos ka-edad lamang niya ang lalaki, mga nasa trenta na rin mahigit. Ngunit bilang paggalang ay kailangan niya itong tawaging kuya, dahil hindi naman niya ito kilala. Bumaba ito sa sariling sasakyan at napagtanto niyang matangkad at makisig ang lalaki. Sinuri ng lalaki kung ano ba ang naging problema ng kaniyang sasakyan at nang malaman nito kung ano ay ito na mismo ang umayos.
Ilang minuto ang lumipas ay naging maayos na ang makina sa kaniyang sasakyan at bumalik na ito sa normal. Kaya labis ang naging saya ni Sabel sa nangyari. Umikot siya sa kabilang bahagi upang kunin ang kaniyang pitaka at para abutan na rin ng pera ang lalaki, kahit pang-meryenda lang sana nito at pasasalamat na rin niya sa malaking pabor na binigay nito sa kaniya.
Hindi na niya kinailangang tumawag sa tow company upang hilahin ang kaniyang sasakyang malaking istorbo sa daan. At bukod sa mas mapapalaki ang babayaran niya’y mas maaksaya ang oras at araw niya kapag dinaan pa niya sa gano’n ang nangyari sa kaniyang sasakyan. Kaya sobrang laking pabor ang ibinigay ng lalaki sa kaniya. Ang kaso’y tinanggihan ng lalaki ang kaniyang ibinigay.
“Ayos lang iyon, miss, ginawa ko iyon para hindi ka matambay rito sa gitna ng daan sa tirik na arawan. Maliit na bagay lang naman iyon,” anito.
“P-pero, kuya, malaking bagay ang ang ginawa mo sa’kin, kaya tanggapin mo na po ito,” giit niya sa perang nais ibigay.
Ngunit matigas ang lalaki at pilit nitong tinatanggihan ang kaniyang ibinibigay. Simpleng pasasalamat lang daw ay sapat na. Pagkatapos nitong iligpit ang sariling gamit ay pumasok na itong muli sa sariling sasakyan at nagpaalam sa kaniya.
Naiwan si Sabel na nakangiti at puno ng pasasalamat ang puso. Salamat sa lalaki, dahil mas pinadali nito ang kaniyang suliranin.
“Dok Sabel, kanina pa po kayo hinihintay ni Nanay Nita sa room 307,” ani Judy, isa sa mga nurse na kaniyang kasama.
“Gano’n ba? Sige, Judy, pasensya na, nasiraan kasi ako kanina sa daan kaya natagalan ako,” aniya habang sinusuot ang kaniyang white coat. “Naroon pa rin ba siya?” tanong niya.
“Opo, Doc, si Mrs. San Antonio rin kanina ka pa niya hinihintay, ikaw ang gusto niyang umasikaso sa kaniya. Ipinapaasikaso ko na nga po siya kanina kay Doc Benitez, pero ayaw niya talaga. Hihintayin ka raw niya, kaya ang sabi ko baka maya maya ka pa dumating,” ani Judy.
“Ah… sige sabihan mo si Mrs. San Antonio na uunahin ko na muna si Nanay Nita, kasi naka-iskedyul siya sa’kin ngayon.”
Tumango ang nurse kaya agad na niyang tinungo ang pasilyo ng room 307. Si Nanay Nita ang kaniyang pasyenteng may colon c@ncer, naka-eskedyul ito para sa operasyon, dahil malala na ang sakit nito.
“Napaghintay ko ba kayo nang matagal, nanay?”
Magiliw niyang tanong sa matandang babae na agad namang umaliwalas ang mukha nang makita siya.
“Sulit naman ang pahihintay, Dok, kasi nakita na kitang muli ngayon,” anito.
Ngumiti si Sabel sa sinabi ng ginang at muling sinilip ang record nito.
“Bukas na po pala ang operasyon niyo, nanay,” ani Sabel na tinanguan ng matanda. “Nakalikom na po ba ang anak niyo ng pera?”
“Hindi ko pa nga po alam, dok, pero ang sabi niya’y may magpapahiram daw sa kaniya ng pera mamaya na siyang kaniyang pupuntahan ngayong araw, kaya huwag ko na raw alalahanin ang pera,” anito. “May tiwala naman po ako sa anak ko, dok.”
Muling ngumiti si Sabel sa matanda at nang matapos itong asikasuhin ay pinagpahinga niya ito at pumunta na sa kung saan siya hinihintay ng isa pa niyang pasyente. Nang matapos siya kay Mrs. San Antonio ay bumalik na siya sa kaniyang mesa nang mapansin niya ang isang lalaking naglalakad sa pasilyo ng ospital.
“Kilala mo ba iyan?” tanong niya kay Judy.
“Gwapo, dok, ‘no? Anak po iyan ni Nanay Nita, hindi niyo lang siya laging nakikita kasi gabing-gabi na siyang pumupunta rito sa ospital, kasi sabi nila galing pa raw iyang trabaho at paglabas sa trabaho, diretso na rito sa ospital para bantayan ang nanay niya, tapos umagang-umaga rin kung umalis, para siguro pumasok na naman sa trabaho,” mahabang paliwanag ni Judy.
Kung magbiro nga naman ang tadhana, ang tumulong sa kaniya noong nasiraan siya sa daan ay ang anak ni Nanay Nita, na kahit anong giit niya sa nais ibigay na pera ay ayaw nitong tangggapin.
“Crush mo, dok? Ang alam ko single ‘yan,” ani Judy.
“Manahimik ka nga d’yan! Kahit kailan talaga napakamalisyosa mo,” aniya saka natatawang ibinalik ang buong atensyon sa ginagawa.
Maagang pumasok sa trabaho si Sabel dahil ngayon ang iskedyul ng operasyon ni Nanay Nita, siya ang personal na doktor nito kaya dapat lang na naroon siya habang ginagawa ang operasyon. Hindi naging madali ang pagtanggal nila sa c@ncer cells na kumalat ngunit sa awa naman ng Diyos ay napagtagumpayan nila ang operasyon nito.
“Lance, sige na’t pumasok ka na sa trabaho mo. Ayos na nga ako, wala ka nang dapat ikabahala, anak. Magaling si Doktora Ganda at siya na ang bahalang mag-alaga sa’kin,” ani Nanay Nita.
“Sige po, ‘ma, basta siguradong maayos ka na kahit pumasok ako sa trabaho,” ani Lance sa ina.
Tumango ito at matamis na ngumiti. May tiwala naman si Lance sa kaniyang ina kaya nagdesisyon siyang iwanan na muna ito, pero bago siya aalis ay kukumustahin na muna niya ang bill nila sa ospital upang iyon na rin ang ipapakita niya sa amo at para mapautang siya nito.
“Mr. Lance De Jesus?” tawag sa kaniya ng teller. “Zero balance na po ang bill niyo sir, may nagbayad na po,” anito.
Labis namang nagtaka si Lance sa nangyari. Sino ang may mabuting puso ang nagbayad sa lahat ng bill nila sa ospital?
“Sino po ang nagbayad ng bill ko? Baka pwede ko pong malaman?” tanong ni Lance.
“Walang nakapangalan rito, sir, pero may iniwan siyang mensahe,” anang babae.
Saka ibinigay kay Lance ang isang kapirasong papel na may nakasulat na: “Kwits na po tayo, kuyang nag-ayos ng tumirik kong sasakyan sa gitna ng daan sa may tirik na araw ng kaumagahan. Salamat at hiling ko ang paggaling ni Nanay Nita.”
Anang nakasulat sa kapirasong papel. Halos mangiyak-ngiyak si Lance sa nabasa at naalala. Kailanman ay hindi niya naisip na balang araw, ang pagiging matulungin niya sa kapwa ay magdudulot ng maganda sa buhay niya.
Salamat sa babaeng kaniyang tinulungan noon sa gitna ng daan, higit pa ang ibinalik nito sa kaniya. Hindi lang nito niligtas ang kaniyang ina, niligtas rin siya nito sa pagkabaon sa utang.
Minsan, tumutulong tayo nang walang inaasahang balik, pero minsan ay sadyang mapaglaro ang tadhana. Hindi mo kailanman maiisip na ang taong minsan mong tinulungan ay pwede ka rin pa lang matulungan, nang higit pa sa ibinigay mong tulong sa kanila. Kaya palaging maging mabuti sa kapwa, dahil hindi mo alam kung ano ang kaya niyang ibalik sa’yo.