Pilit Ipinaglalaban ng Misis ang Kaniyang Karapatan sa Mister na Matagal na Siyang Inayawan; Siya Lang Din Pala ang Mahihirapan sa Dulo
Sabay na ipinatawag ni Mylene ang kaniyang asawang si Jhon at ang kalaguyo nitong si Sharlene sa kanilang tanggapan ng punong barangay. Sinampahan niya ng kaso ang dalawa dahil nagsama na sa iisang bubong ang dalawa gayong legal na kasal si Jhon sa kaniya!
“Gusto ko silang ipakulong, kapitan!” gigil na wika ni Mylene sa asawa at sa kabit nito.
Imbes na makita ang takot sa mukha ng asawang si Jhon ay umismid lamang ito at nginitian siya nang nakakaloko, pagkatapos ay humalukipkip at seryosong tumingin sa mukha ng kanilang kapitan na ngayon ay panay ang lipat ng tingin sa kanilang tatlo.
“Papayag ka ba, Ginoong Jhon, na makulong dahil iyon ang gusto ng misis mo?” tanong ni Kapitan Robert sa lalaki.
“Sa totoo lang, ayoko po talaga. Mahirap sa kulungan at nakakamiss dito sa labas kasi mas malaya kang nakakagalaw rito, pero kung ipipilit niyo po sa’kin na balikan si Mylene, baka pumayag na lang po akong makulong, kaysa makasama siya,” prangkang sagot ni Jhon.
Sa labis na pagtataka ay nag-isang linya ang kilay ng butihing kapitan sa sinagot ng lalaki. Mas nanaisin pa nitong makulong kaysa makasama ulit ang legal na asawa.
“Ang kapal talaga ng mukha mo, Jhon! Baka nakakalimutan mong kasal ka sa’kin kaya kaya kong ipakulong kayong dalawang mga haliparot kayo!” gigil na wika ni Mylene. “At ikaw naman babae! Hitad ka rin talagang makati! Alam mong may asawa na ang lalaki, lalandi-landi ka pa at nakakasira ka ng pamilya!”
Kulang na lang ay magwala si Mylene sa loob ng barangay sa sobrang inis sa dalawang traydor na nasa kaniyang harapan. Inaawat naman ito ng mga tanod na naroon upang hindi na lalong magkagulo ang sitwasyon.
“Bakit ayaw mo na sa asawa mo, Ginoong Jhon? Nagsawa ka na ba sa kaniya, kaya mas gusto mo na ng bago at si Madam Sharlene, iyon? Ano bang wala kay Ginang Mylene na mayroon kay Ma’m Sharlene?” tanong ni Kapitan Robert.
Naiintriga siya sa kasong ito. Sanay na siyang makaharap ng ganitong problema ng mag-asawa. ‘Yong tipong mangabit si mister kasi nagsawa na ito kay misis. Mayroon namang iba na kapag tinakot ni misis na ipapakulong ay agad na bumabahag ang buntot at walang magawa kung ‘di balikan ang asawa. Pero kakaiba si Jhon, mas nanaisin nitong makulong kaysa makasama pa ang tunay na asawa.
“Hindi ko naman po kasi talaga minahal ‘yang babaeng iyan, kap,” ani Jhon. “Ang totoo’y napilitan lamang akong pakasalan siya noon kasi ang sabi niya sa pamilya niya at sa pamilya ko ay buntis siya at pinagbantaan akong tatapusin ng pamilya niya kapag hindi ko siya pinakasalan. Syempre natakot po ako noon, kasi mahal ko ang buhay ko, kaya iniwan ko po ang totoo kong nobya— si Sharlene, po iyon. Para magpakasal sa kaniya. Pagkatapos ng kasal doon ko nalaman na hindi naman pala talaga siya totoong buntis—”
“Bakit binabalikan mo pa ang nakaraan, Jhon! Ang usapan rito ay iyang kataksilan mo!” sapaw ni Mylene.
“Syempre para malaman nila ang buong katotohanan! Palibhasa gusto mo ikaw lang ang tama,” sagot ni Jhon sa iskandalosang misis.
Tama nga naman si Jhon. Pinagharap sila dito sa barangay upang alamin ang panig ng bawat isa. Walang kinakampihan ang barangay, kaya dapat lang na pakinggan din ang kaniyang panig ng istorya.
“Magpatuloy ka, Ginoong Jhon,” ani Kapitan Robert.
“Sinikap ko naman, kap, na mahalin siya sa dalawang taong pagsasama namin, kasi wala na po akong pagpipilian e, kasal na ako sa kaniya at wala nang dapat bawian iyon, kahit na ba nagsinungaling siya sa’kin.” Tinitigan nito si Mylene na puno ng hinanakit.
“Pero paano niyo po mamahalin ang taong ‘di naman kamahal-mahal? Palagi niya po akong pinagseselosang may ibang babae, kahit wala naman. Kung ‘di niya ako bungangaan, binubugb*g o sinasaktan niya ako nang pisikal. May pasok pa ako kinabukasan, hindi niya ako pinapatulog, kasi palagi niya akong inaaway at pinagdududahang may ibang babae,” paliwanag ni Jhon.
Mariing naipikit ni Kapitan Robert ang mga mata. Ito ang patunay na hindi lamang ang babae ang inaabuso, pati rin ang iilang mga lalaki sa mga abusado nitong mga asawa.
“Papasok ako sa trabaho na puro pasa at kalmot, may mga iilang kuha po akong litrato na nagpapatunay ng ginagawa niya sa akin,” ani Jhon.
Sabay abot ng nakaprint na mga litratong may mga sugat ito sa katawan at pasa-pasa, kalmot at mga kurot ng kukong nag-iwan ng marka sa balat nito.
“Kaya nagsawa ako sa kaniya, kap. Hindi ko na nga siya mahal, hindi niya pa ako binibigyan ng pagkakataong mahalin siya. Kaya umalis ako sa bahay namin at mas piniling tumira sa bodega ng trabaho ko, hanggang sa muling nag-krus ang landas namin ni Sharlene,” ani Jhon, sabay abot ng kamay ni Sharlene.
“Si Sharlene po talaga ang babaeng minahal ko at balak ko sanang pakasalan, may mga bagay lang sa buhay na nagkakamali tayo ng desisyon at iyon din ang nagiging dahilan minsan kaya naliligaw tayo sa tamang landas na tinatahak natin. Kaya kung titingnang maigi, si Sharlene po ang nauna sa buhay ko, sumingit lang iyang babaeng iyan at naging legal dahil naikasal kami. Ngayong ayoko na sa kaniya, mas maiging makulong na lang po ako, kaysa makasama siya,” mahabang lintanya ni Jhon at buo ang desisyong nahihimigan ng lahat sa boses nito.
Nilingon ni Kapitan Robert si Mylene na ngayon ay medyo kalmado na.
“Anong gagawin mo ngayon, Ginang Mylene? Itutuloy mo ba ang kaso?” tanong niya sa babae.
Hindi ito sumagot at nanatiling nakatitig sa dalawa. Tila nag-iisip pa ito kung ano ang hakbang na gagawin, kung paninindigan ba nito ang unang naisip o ano.
“Kung ipapakulong mo si Ginoong Jhon, malaya kang magagawa ang bagay na iyon dahil sa batas ikaw ang legal na asawa. Pero ang tanong… magiging masaya ka na ba kapag nagawa mo iyon? Maipakulong mo man silang dalawa, patuloy pa ring uusbong ang pagmamahal ng asawa mo sa dati niyang kasintahan, o sa madaling salita, papel lang ang naging laban mo sa kanila, samantalang sila, tunay nilang mahal ang isa’t-isa. Nasa sa’yo pa rin ang desisyon, Ginang Mylene, at kung ano man ang desisyon mo’y igagalang namin iyon,” mahabang paliwanag ni Kapitan Robert sa kaniya.
Maya maya ay bigla na lamang humagulhol ng iyak si Mylene. Kaya labis na nagtaka ang lahat ng naroroon sa loob.
“Wala akong ibang hiniling kung ‘di sana’y mahalin mo rin ako pabalik, Jhon. Wala akong ibang ginawa kung ‘di ang mahalin ka. Kung nasasaktan man kita noon, iyon ay dahil nai-insecure ako sa sarili kong pagmamahal sa’yo. Kasi alam ko sa sarili ko na kahit ano’ng gawin ko, hindi ko kayang higitan ang pagmamahal mo kay Sharlene. Hindi ko kayang kunin ang puso mo sa kaniya,” anito saka nagpatuloy sa pag-iyak.
“Nakakapagod na rin ang mahalin ka, nakakapagod nang maghabol. Tama ka kapitan,” ani Mylene saka bumaling sa gawi ng kapitan. “Wala rin akong mapapala kung ipapakulong ko sila. Kaya huwag na lang po,” anito at muling bumaling kay Jhon. “Pinapalaya na kita, simula sa araw na ito, malaya na kayong dalawa.”
Tumayo si Jhon at niyakap ang dating asawa. “Salamat, Mylene. Maraming-maraming salamat.”
“Pero galit pa rin ako sa inyong dalawa,” anito sa tonong kalmado.
“Naiintindihan namin iyon, Mylene. Darating din ang araw na sa muli nating pagkikita, kaya na nating tumingin nang diretso sa mga mata ng isa’t-isa na wala nang galit at pagkamuhi. Patawarin mo rin ako sa lahat ng sakit na naidulot ko sa’yo,” ani Jhon.
Sa huli ay pare-parehong nagkapatawaran ng bawat panig. Naging maayos ang usapan at nagdesisyong magtulungan upang maipawalang-bisa ang kasal, para tuluyan na silang lumaya sa isa’t-isa. Nangako rin si Mylene na hindi na kailanman guguluhin ang pagsasama ng dalawa.
Naging magulo ang lahat dahil sa palpak na plano ni Mylene na ipilit ang kaniyang pag-ibig kay Jhon. Natuturuan ang pusong magmahal, ngunit hindi ito kayang pilitin ng sinuman.
Mapakla at mapait ang hinog sa pilit, kaya huwag ipilit ang sarili sa taong ayaw sa’yo, dahil ikaw lang din ang mahihirapan sa dulo.