Inday TrendingInday Trending
Ipinagpalit Siya ng Kaniyang Nobya sa Isang Mayaman at De Kotseng Lalaki; Bakit sa Muli Nilang Pagkikita’y Puno ng Pasa ang Mukha’t Katawan Nito?

Ipinagpalit Siya ng Kaniyang Nobya sa Isang Mayaman at De Kotseng Lalaki; Bakit sa Muli Nilang Pagkikita’y Puno ng Pasa ang Mukha’t Katawan Nito?

“Saan ka pupunta, kuya?” tanong ni Ryan, ang kaniyang bunsong kapatid.

“Pupuntahan ko ‘yong nobya ko, kaya akin na muna iyang motor at gagamitin ko,” aniya.

Nagsasanay kasi ang bunsong kapatid na magmaneho ng motorsiklo, tapos na niya itong turuan, ang kailangan na lamang nito ngayon ay gamayin ang manibela. Ang kaso’y usapan nila sa araw na iyon ng nobyang si Queenie na magkikita sila at para na rin mag-date.

Matagal na nila iyong pinagplanuhan at pinag-ipunan niya ang araw na ito para maibigay sa nobya ang nais nitong bilhin.

“Kaya naman pala pormadong-pormado ka’t ang bango-bango, magkikita na naman pala kayo ni Ate Queenie,” ani Ryan.

Ngumiti lamang si Victor sa sinabi ng kapatid. Halos mag-iisang buwan na rin mula noong huli silang nagkita ng nobya. Masyado kasi siyang naging abala sa pagtatrabaho at pag-aaral, kaya tanging pagtawag sa telepono at video chat lang ang nagagawa nila.

Malaki naman ang tiwala niya sa nobya at alam niyang siya lamang ang mahal nito. Kaya nga niya pinag-ipunan ang araw na ito, upang bumawi na rin sa mga araw na hindi sila nagkasama at nagkita.

Pagkarating niya sa bahay ng nobya ay agad niyang ipinuwesto ang dalang motor sa kabilang kalsada dahil puno na ang tapat ng bahay nito at wala na siyang kakapuwestuhan sa kaniyang motor. Akmang bababa na siya ng kaniyang motor nang mapansin niya ang kaniyang nobyang lumabas ng bahay kasama ang isang lalaki.

Ang ngiti ni Queenie sa lalaki’y abot tainga at parang kulang na lang ay malaglag ang panga nito sa kakangiti. Naglakad ang dalawa patungo sa magarang kotse na nakapwesto sa mismong tapat ng bahay nito. Animo’y isang prinsesa kung ituring siya ng lalaking kung sinuman ay hindi niya kilala.

Mabilis na pinahinto ni Victor ang makina ng kaniyang motor at malalaking hakbang na lumapit siya sa mga ito. Nakita niya kung paanong nagulat ang mukha ni Queenie nang makita siya.

“Anong ibig sabihin nito, Queenie?!” pigil ang galit niyang tanong.

Natataranta at hindi alam ng babae kung paano ipapaliwanag ang buong pangyayari.

“Sino ka ba, pare?” singit ng lalaki.

Kung titingnan ang dalawa’y mukha itong mga artista sa isang drama at bagay na bagay kapag magkasama. Gwapo ang lalaki, makinis ang kutis na halatang sa malamig na silid palaging natutulog. Mukha itong mayaman, ka-lebel ng ganda ni Queenie, na animo’y isang prinsesa. Kumpara sa kaniya na magaspang ang kamay dahil nangangalyo sa kakakayod, sunog ang balat dahil palaging nakatutok sa arawan at walang sapat na pera upang bumili ng kotse.

“Siya ang nobyo ko, Victor,” maya maya ay wika ni Queenie. “Mahal ko siya kaya sana huwag mo na kaming guguluhin pa. Maghanap ka na lang ng ibang babaeng mamahalin, iyong babaeng kapantay mo lang ang pamumuhay. Iyong babaeng kayang sikmurain na sa turo-turo mo lang siya kayang dalhin, hindi sa magagarang restawran. ‘Yong babaeng kayang umangkas sa motor na palagi mong dala at iyong babaeng handang maghirap makasama ka lang. Pasensya ka na, hindi na ako ang babaeng iyon, Victor!” anito saka inaya ang kasamang lalaki na pumasok sa loob ng kotse at umalis na.

“Sana maging masaya ka sa naging desisyon mo, Queenie,” mahinang sambit ni Victor, habang buong lakas na pinigilan ang braso ng dalaga.

Malakas nitong hinugot pabalik ang braso at tuluyan nang sumama sa lalaki. Naiwan si Victor na may durog na puso.

Makalipas ang tatlong taon mula noong nakipaghiwalay sa kaniya si Queenie, nakapagtapos siya ng pag-aaral at agad na nakahanap ng trabaho. Habang nagtatrabaho’y dahan-dahan niyang naipagawa ang bahay nila at nang matapos ay umutang siya ng sasakyan, sapat upang masakyan ng buong pamilya sa kung saan man sila magpunta. Hanggang ngayon ay hinuhulugan niya pa rin iyon, pero ayos lang. Ang maganda kasi’y napapakinabangan naman at kayang kaya niyang hulugan buwan buwan.

Nag-iikot si Victor at Ryan sa mall upang bilhin ang mga kakailanganin sa bahay na iniutos ng kanilang ina. Masayang nag-uusap at nagtatawanan ang dalawa nang biglang may napansin si Ryan na isang pamilyar na babae.

“Kuya, hindi ba’t si Ate Queenie, iyon?”

Turo pa ni Ryan sa babaeng kagaya nila ay nag-iikot rin sa loob ng grocery upang bumili ng mga kakailanganin sa loob ng bahay. Hindi na nagpatumpik-tumpik pa si Victor, nilapitan niya ang babae upang kumpirmahin ang hinala ng kapatid at tama nga si Ryan. Si Queenie nga ang babaeng ito. Hindi niya halos makilala, medyo pumayat kasi ito at malayong-malayo sa Queenie na dati niyang nakilala.

“Kumusta? Long time no see, Queenie,” bati ni Victor.

Kitang-kita niya ang gulat sa mukha ng babae, agad ring nagsalubong ang kaniyang kilay ng mapansin ang pasa na nasa mukha nito.

“Anong nangyari d’yan?” takang tanong niya.

Naiilang na ngumiti ang babae saka akmang tatakpan ang pasa sa mukha. “W-wala ito, nabunggo lang ako noong minsang naglilinis ako sa bahay.”

Isang taon mula noong naghiwalay sila ng babae ay nakarating sa kaniya ang balitang ikinasal na ito. Kaya siguro ang prinsesang Queenie noon, ngayon ay naglilinis na ng bahay.

“Gano’n ba?” aniya, pero duda pa rin sa sinabi nito.

“Hi Ryan,” bati nito sa kapatid. “Sige na’t baka nakakaistorbo na ako sa inyo,” ani Queenie at magpapaalam na sana sa kanila.

“Sigurado ka bang ayos ka lang?” Muli’y tanong ni Victor. Duda siya sa sinabi nito kanina. Hindi siya naniniwalang nabunggo ito sa kung saan at nagkapasa ang mukha nito. Higit pa sa isa ang nakita niyang pasa, at hindi iyon simpleng pasa lamang. Pasa iyon tanda ng suntok. Sinuntok ang mukha nito kaya nagkapasa.

Mapait na ngumiti si Queenie. “Kapag sinabi ko bang hindi, may magbabago ba?”

“A-ano?” nauutal niyang tugon. Hindi alam ang ibig nitong sabihin.

Ngumiti si Queenie saka muling nagsalita. “Ayos lang talaga ako, Victor, kaya wala kang dapat ipag-alala, pero salamat pa rin kasi kahit sinaktan kita noon, hindi ka man lang nagtanim ng galit sa’kin. Siguro ito na rin ‘yong tamang panahon para makahingi ako sa’yo ng tawad,” ani Queenie.

“Patawad kung hindi kita naipaglaban noon, patawad kung kinailangan kong bitawan ka. Patawarin mo ako kung nasaktan man kita. Nararapat lamang ang mga nangyayari sa’kin ngayon, dahil ito ang naging sukli ng mga desisyon ko noon. Kinarma siguro ako dahil mas pinili ko si Joseph kaysa sa’yo kaya’t deserve ko ito, Victor,” maluha-luhang wika ni Queenie.

Dahilan upang matameme si Victor at walang mahagilap na sasabihin.

“Sige na, baka hanapin na ako ni Joseph, at magalit na naman iyon,” anito. “Masaya ako’t nakita kitang muli… Victor,” ani Queenie, at tuluyan nang nagpaalam.

Matagal nang wala sa harapan ni Victor si Queenie, ngunit hanggang ngayon ay okupado pa rin ng babae ang kaniyang isipan. Ang dami niyang tanong tungkol rito, ngunit iisa lamang ang sigurado.

Kinarma ba ang babae sa ginawa nito sa kaniya noon? Ito ba ang naging sukli ng naging desisyon nito noong iwanan siya dahil mahirap lang siya at sumama sa mayamang lalaki na kayang ibigay ang mga luho nito na hindi niya nagagawa noon, ngunit ang kapalit naman niyon ay sinasaktan ito nang pisikal?

Kung iyon nga ay hindi niya gusto ang nangyayari kay Queenie. Minahal niya ang babae at naging masaya naman sila noon, hanggang sa dumating sa buhay nito ang lalaking nagngangalang Joseph. Nasaktan man siya sa ginawa ni Queenie ay hindi niya kailanman ginustong mahirapan ito. Wala siyang ibang hinihiling noon na sana’y maging masaya ito sa pag-iwan sa kaniya.

Ngunit mukhang hindi iyon ang nangyari. Panalangin niya na lamang na sana ay may pagkakataon pa upang makaahon ang dating kasintahan sa putik na kinasasadlakan nito ngayon.

Advertisement