Inday TrendingInday Trending
Imbes na Paniwalaan ang Pamilya ay mas Naniwala ang Lalaki sa Tsismis; May Ibang Lalaki nga ba Talaga ang Kaniyang Misis?

Imbes na Paniwalaan ang Pamilya ay mas Naniwala ang Lalaki sa Tsismis; May Ibang Lalaki nga ba Talaga ang Kaniyang Misis?

“Anong gusto mong ulam, David?” tanong ni Myrna, ang may-bahay nito.

Napansin kasi ng babae na hindi ginagalaw ng asawa ang pagkain nito. Ngunit imbes na sumagot ang lalaki ay nakabusangot lamang itong tinititigan ang ulam sa mesang pinaghirapan ni Myrna, tanda na hindi nito gusto ang ulam na hinanda niya.

“Ayokong kumain!” galit nitong wika saka diretsong tumayo at umalis sa hapagkainan.

Nabigla man si Myrna sa inaasal ng kaniyang asawa ay mas pinili niyang unawain ito. Baka kasi wala lang talaga ito sa wisyo na kausapin sila, o baka pagod lamang ang asawa, kakauwi lang kasi nito mula sa trabaho.

Isang magiting na sundalo ang kaniyang asawa kaya palagi itong wala sa bahay nila, palagi kasi itong nasa kampo o ‘di kaya ay palaging malayo ang destinasyon ng trabaho nito sa kanila. Minsan sa isang taon ay tatlong beses lamang itong nakakauwi, paminsan-minsan naman kapag nakakauwi ito ay tinatawagan agad upang bumalik na sa trabaho.

Kaya siguro palagi na lamang mainit ang ulo nito… iyon na lang ang inisip ni Myrna na dahilan.

“May problema ka ba, David?” tanong ni Myrna sa asawa.

Tulog na ang mga bata at naririto sila ngayon sa may veranda. Mukhang kanina pa nandito ang asawa at may malalim na iniisip. Kaya lumapit siya upang kausapin ito ukol sa mga bagay na gumugulo sa isip nito.

“Ikaw ang problema ko, Myrna!”

Galit pa rin ang tono ng asawa at animo’y nasusuklam sa kaniya sa dahilang wala siyang ideya.

“May nagsabi sa’kin na may lalaki ka raw na pinapapasok dito kapag wala ako! Nasaan ang lalaki mo, ipakilala mo siya sa’kin ngayong nandito na ako sa bahay! Isang taon lang akong hindi nakauwi, Myrna, nakahanap ka na kaagad ng ipapalit sa’kin?! Napakagaling mo rin naman talaga!” ani David.

Tumayo ito at hinawakan si Myrna sa may leeg na animo’y handang-handa na ang asawang sakalin siya’t lagutan ng hininga.

“Saan mo nakuha ang maling balitang iyan, David?” kinakabahang wika ni Myrna.

Kailanman ay hindi totoong may ibang lalaki siya habang nasa trabaho ang kaniyang asawa. Napakawalang magawa ng mga taong naghahatid ng tsismis sa asawa niya, nais ba ng mga itong sirain ang kaniyang pamilya?

Ngunit imbes na bitawan siya ni David at kumalma ay mas lalo itong nagalit at pinagbintangan siyang nagsisinungaling at nagmamaang-maangan. Pinilipit nito ang kaniyang leeg dahilan upang mahirapan siyang huminga.

“D-da-vid,” nahihirapan niyang sambit.

“Papa!” sigaw ni Clarissa ang kanilang panganay na anak. “Bitawan niyo po si, mama!” umiiyak na pakiusap ng anak sa ama.

Mukha namang natauhan si David at agad niyang nabitawan si Myrna. Umuubong nahihirapang huminga ang babae.

“Bakit mo ba sinasakal si mama?!” galit na wika ni Clarissa sa ama. “Mula nang dumating ka rito, wala ka nang ibang ginawa kung ‘di ang sungitan kami at tapunan kami ng pagkainis mo sa buhay. Masyado kang mapili sa pagkain na palaging inuunawa ni mama. Hindi ka na namin halos kilala, ang laki na ng ipinabago mo! Hindi na ikaw ang dati kong, papa!” singhal pa nito sa ama.

“Isa ka rin, Clarissa! Kinakampihan mo iyang, mama, mo! Nilihim niyo sa’kin na may ginagawang hindi maganda ang mama mo sa pamilya natin! Mabuti pa ang ibang tao, nagsasabi pa sa’kin ng totoo, pero kayo na mismong pamilya ko… wala kayong pakialam sa’kin!” galit na wika ni David sa anak.

“Sino’ng ibang tao ang nagsabi sa’yo na may ginagawang masama si mama, papa?” tanong ng anak sa ama.

Ngunit hindi sumagot si David, kaya inulit ni Myrna ang tinanong ni Clarissa kung sino ang nagsasabi rito ng mga hindi tamang balita. Ngunit muli ay hindi sumagot si David.

“Kung mas pinaniniwalaan mo naman pala ang ibang tao kaysa sa’min na pamilya mo, David, mas maiging maghiwalay na lang tayo. Kaysa ganyang muntikan mo na akong tapusin sa hinala mong hindi naman totoo,” mangiyak-ngiyak na wika ni Myrna.

“Maghihiwalay tayo para sumama ka sa kabit mo!”

“Wala akong ibang lalaki, David, alam ng Diyos iyan. Wala akong ginawa para sa pamilya natin kung ‘di ang alagaan ang mga anak mo. Halos wala na nga akong oras para sa sarili ko, pagbibintangan mo pa ako. Maghiwalay na tayo!” desididong sambit ni Myrna at tinalikuran ang asawa.

Naiwan si David na hanggang ngayon ay galit na galit pa rin at si Clarissa na galit namang nakatitig sa ama.

“Wala ka palagi rito kaya wala kang alam sa kung anong hirap ang ginagawa ni mama para sa’min. Uuwi ka rito tapos babalik din agad sa kampo. Tatlo kaming magkakapatid pero ni minsan hindi mo kami naalagaan, pa,” umiiyak na wika ni Clarissa.

“Si mama, lahat. Siya ang nag-alaga at naghirap sa’min, siya ang nandito sa panahong naroon ka sa kampo, siya ang palagi naming kasama, at kami ang palaging kasama ni mama, pero ni minsan wala kaming nakitang ibang lalaking kasama si mama. Mabuti pa iyang nagbigay sa’yo ng balita, alam niya. Pero kaming mismong mga anak na palaging kasama ni mama, ay wala kaming nakikita!” puno ng hinanakit na wika ni Clarissa sa ama.

“Pero alam mo ‘yong mas masakit, ‘pa?,” anito saka marahang lumapit sa gawi nito. “Mas pinaniwalaan mo sila kaysa sa’min!” anito saka tinalikuran ang ama.

Naiwan si David na humahagulhol ng iyak. Tama si Clarissa, masyado siyang nagpadala at naniwala sa sinabi ng kaniyang tiyahin na may lalaking palaging pumupunta sa bahay nila. Hindi man lang niya naalalang tanungin ang mga anak sa bagay na iyon bago siya naniwala sa sinabi nito.

Umalis si Myrna kasama ang mga anak nila. Walang ni isa man lang sa mga anak niya ang nagpaiwan sa kaniya, lahat ay gustong sumama sa ina nila. Doon niya napagtanto kung gaano nga kabait at kabuting ina si Myrna sa mga anak nila.

Ayos lang sa mga itong mawala siya, ngunit hindi papayag ang mga itong ang mama na nila ang mawala sa kanila.

Napagtanto ni David ang pagkakamali niya kaya humingi siya ng tawad sa asawa. Ngunit hindi siya nito kaagad na pinatawad, na sa kaniyang palagay ay nararapt lang naman iyong gawin sa kaniya… ang pahirapan siya.

Ngunit wala siyang balak na sumuko. Ayaw niyang tuluyang masira ang pamilya niya dahil sa kat*ngahan niya. Parang bumalik sa dati ang lahat. Niligawan niyang muli ang asawa at nangakong hindi na muling maniniwala sa sasabihin ng ibang tao.

Makalipas naman ang anim na buwan ay napatawad siyang muli ni Myrna at muli nang nabuo ang kanilang pamilya. Nangako siyang hindi na ulit gagawin ang ginawa noon. Nangako siya sa kaniyang asawa at sa kaniyang mga anak na mas pakikinggan at pagkakatiwalaan niya ang mga ito kaysa sa ibang tao.

Walang ibang hinangad si David kung ‘di ang mapunan ang mga araw, taon, at oras na nasayang na hindi niya nakasama ang kaniyang pamilya, kaya nais niyang bumawi sa mga ito ngayon.

Kaya huwag agad-agad na nagpapaniwala sa tsismis na wala namang patunay kung totoo o hindi. Hindi lang ang sarili mo ang sinisira mo, pati na rin ang mga taong nakapaligid sa’yo.

Advertisement