Inday TrendingInday Trending
Handang-Handa Siyang Pagalitan at Litanyahan ng ‘Di Magagandang Salita ang Rider na Matagal Dumating; Biglang Umatras ang Dila Niya nang Makita Ito

Handang-Handa Siyang Pagalitan at Litanyahan ng ‘Di Magagandang Salita ang Rider na Matagal Dumating; Biglang Umatras ang Dila Niya nang Makita Ito

“Limar, may package akong darating d’yan ngayon, abang-abangan mo ah,” anang kaniyang kapatid na si Ate Alex, na tinawagan lang talaga siya upang ipaalam na may paparating itong order sa online.

“Oo! Pambayad mo? Baka “salamat” na naman ‘to, ate, ah!” aniya.

Nakakadala na kasi itong kapatid niya. Ilang beses nang nangyari na siya ang nakakatanggap ng order nito at siya ang namomroblema dahil kailangan pa niyang kunan ang inipong pera para lang sa walang kwentang order nito na kung ano-ano. Ayos lang naman sana kung marunong itong magbayad, ang kaso’y palagi na lang “thank you” ang pinambabayad nito.

“Pag-uwi ko, babayaran kita agad!” tatawa-tawang wika nito.

Ngunit ala-una na nang hapon ay wala pa rin ang rider na maghahatid ng order ng ate niya. Kaninang alas diyes pa noong tumawag sa kaniya ang kapatid upang sabihin na may paparating itong order na kailangan niyang kunin at tanggapin.

Inisip na lamang niya na baka na-trapik lang ito o baka naman ay masyado lang nasasabik ang kaniyang bruhang kapatid kaya sabik itong tawagan siya upang ipaalam sa kaniya ang bagay na iyon. Mamaya pa naman siyang alas dos aalis ng bahay kaya maghihintay na lamang siya.

Nag-aayos na siya ng kaniyang sarili noong tumunog ang doorbel nila tanda na may tao sa labas. Ngali-ngali siyang naglakad palabas at inihanda ang kanina pa niyang pinaghandaang litanya sa rider. Naiinis na siya rito dahil ang buong akala niya’y hindi na ito darating, tatawagan na nga sana niya ang kapatid upang ipakansela ang in-order. Mabuti na lang at dumating ito na naroroon pa siya. Pero kahit na! Pagagalitan niya pa rin ito.

“Hello, sir, magandang hapon po,” nakangiting bati ng lalaki.

Handang-handa na si Limar sa galit niya at litanyang kaniyang sasabihin sa rider. Kanina habang naliligo siya’y kinabisa na niya ang kaniyang sasabihin. Pero nang makita niya ang itsura ng lalaking kaharap ay biglang umurong ang kaniyang dila.

Naliligo ito sa pawis, hingal na hingal at halatang hapong-hapo sa biyahe. Halata sa mukha ng lalaki ang labis na pagod. Ibinaling ni Limar ang mga mata sa sasakyang dala ng lalaki, isa lamang iyong bisikleta!

“Naka-bisikleta lang po kayo, kuya?” takang tanong ni Limar sa lalaki.

Nagpunas muna ito ng pawis bago sumagot. “Opo, sir, e. Nasira po kasi ang gamit kong motor, kaya pansamantala na po muna, ito na muna ang gamit ko,” anito.

Nilingon nito ang bisikleta at nahihiyang ngumiti sa kaniya. Simpleng bisikleta lamang ang dala nito, hindi iyon mountain bike na isang kambyo lang ay para ka nang ililipad. Ang dala nito ay simpleng bisikleta na sadyang nilagyan ng basket sa harapan upang may lalagyan ng mga orders.

“Ikaw ang may dala ng order ng kapatid kong si Alex Hermosa?” tanong niya.

Hindi lang siguro niya lubos maisip na nakayanan nitong bumiyahe sa malalayong lugar dala ang simple nitong bisikleta. Saglit na sinuri nito ang dalang mga orders at nang makita ang pangalan ng kaniyang sinabi ay ngumiti ito at tumango.

“Ito po ba iyon, sir?” anito, sabay abot sa kaniya ng parsela.

Matapos niyang sabihan na iyon na nga ang order ng kaniyang kapatid ay kinuhanan siya nito ng litrato at kinuha na ang kaniyang bayad. Muntik pa siyang malula sa presyong kinuha ng kaniyang bruhang kapatid. Lagot ito sa kaniya mamaya kung hindi siya nito babayaran.

“Iyan lang talaga ang gamit mo, kuya, mula Maynila hanggang dito sa Bulacan?” nagtataka pa rin niyang tanong.

Muling tumango ang lalaki. “Opo,” sagot nito. “Ang totoo po niyan ay kaninang alas otso pa ako nagsimulang bumiyahe papunta rito. Ang kaso, ordinaryong bike lang ang gamit ko kaya heto inabot ako nang hapon,” anito at bahagyang tumawa. “Lima kayong paghahatiran ko rito, sir,” dugtong nito.

Paano niya pagagalitan ang lalaki gayong nakita naman niyang hindi rin madali ang pinagdaanan nito bago makarating sa kanila? Paano niya pa ilalabas ang galit sa taong ito gayong kitang-kita niya ang hirap nito makarating lamang sa malayong lugar na ito?

“Bakit naman kasi kayo pumayag na maghatid sa ganito kalayong lugar na bisikleta lang ang gamit?”

Matamis na ngumiti ang lalaki saka malamlam na tumingin sa kaniya.

“Laking pasasalamat ko nga po dahil kahit pandemya ngayon at madalang makapasok ng trabaho dahil halos lahat ng establisyemento ay nagsasara dahil apektado rin sa pandemya, naririto ako’t nagpapatuloy sa buhay, at may marangal na trabaho. Sa ganitong panahon, sir, talo ka kung maarte ka sa trabaho o kung mamimili ka ng trabaho. Basta kaya mo ‘yong trabaho ay tanggapin mo, kasi sa ngayon ang mahalaga lang naman ay iyong makakakain ka, kahit wala na munang pang-ipon. Kaysa tumambay lang po ako sa’min sir ay yaman na ring maituturing ang magkaroon nang ganitong trabaho. Lahat naman ng trabaho’y mahirap, pero nag-eenjoy naman ako sa trabahong ito, kahit madalas ay naka-assign ako sa malalayong paghahatiran, at ito lang ang gamit ko,” anito tukoy sa bisikleta.

“Pagkatapos naman nang paghihirap ko’y may sasahurin naman ako’t may maipambibiling pagkain para sa pamilya ko,” nakangiting dugtong ng lalaki.

Bigla siyang nakaramdam ng habag at bilib sa taong kausap niya ngayon. Tama! Kaysa tumambay at maging si Juan Tamad ay mas mabuti na ring magkaroon ng trabaho kahit mahirap basta ang mahalaga’y may sasahurin ka pagkatapos ng araw.

Matapos kunin ang order ng kapatid ay inabutan niya ang lalaki ng pang-meryenda nito, na no’ong una’y mariin nitong tinanggihan, pero matigas siya at pinilit niyang tanggapin iyon ng lalaki.

“Kunin mo na iyan, kuya, malayo pa ang lalakbayan mo gamit ang bisikletang iyan, mas maigi na rin iyong may pambili kang meryenda nang hindi nakukuhanan ang pera mo, pandagdag kumbaga,” nakangiting wika ni Limar.

“Naku! Sobrang maraming salamat po sa inyo, sir!” nahihiyang sambit ng lalaki.

“Hayaan mo na. Isipin mo na lang na Pasko ngayon at pamasko ko iyan sa’yo,” biro niya.Agad na ngumiti ang lalaki at muli ay nagpasalamat sa kaniya. “Malaking bagay na po ito sir, maraming-maraming salamat po talaga. Sana pagpalain pa kayo ng Panginoong Diyos,” anito.

Saka nagpaalam na’t marami pa raw itong paghahatiran ng mga parsela.

Naiwan si Limar na napapaisip at may napagtanto sa sarili. Huwag maging padalos-dalos sa mga desisyon kung hindi ka sigurado. Kani-kanina lang ay gustong-gusto na niyang awayin at pagsabihan ng hindi magandang salita ang rider na maghahatid ng order ng kaniyang ate. Handang-handa na siyang makipagbunuan sa kung sinuman ang taong iyon. Ngunit nang makita niya ang hirap na pinagdaanan nito’y agad na nagbago ang kaniyang isip.

Lahat ng tao ay may kaniya-kaniyang ipinaglalaban sa buhay, kaya maging sensitibo sa pakiramdam ng iba. Maaaring magaan ang tinatamasa mong buhay ngayon at iyong ibang tao naman ay hindi. Kaya laging piliing maging mapagpasensya at mapagpakumbaba.

Advertisement