Inday TrendingInday Trending
Ipinagbili ng Hambog na Panganay ang Lahat ng Pag-aari Upang Mag-Invest sa Isang Negosyo; Ito ang Matututunan Niya sa Huli

Ipinagbili ng Hambog na Panganay ang Lahat ng Pag-aari Upang Mag-Invest sa Isang Negosyo; Ito ang Matututunan Niya sa Huli

“Dahil nandito naman na lahat ng mga kapatid ko, sasabihin ko na sa inyo ang balita. Bale… nabenta ko na lahat ng tindahan na mayroon tayo dito sa siyudad pati na mga nasa probinsya. Pati na ang bahay at lupa na iniwan sa atin ng mama at papa, nabenta ko na rin. At wala kayong karapatang magreklamo!” pagmamayabang ni Ramon sa kaniyang tatlong nakababatang mga kapatid na sina Cassy, Daniel, at Sky.

“Ano na naman ba ‘yan, kuya? Bakit mo naman binenta lahat eh pwede namang ‘yong iba lang dahil gusto namin na ipagpatuloy ang negosyong naiwan sa atin!” singhal naman na tugon ni Cassy.

“Hindi naman tayo malulugi. Sa huli, magpapasalamat pa kayo sa akin dahil bumili ako ng negosyo online! At madali lang natin makukuha ang puhunan. Ang maganda pa rito, tatlong buwan lang at magiging triple na ang pera natin,” sabik na paliwanag naman ni Ramon sa mga kapatid. Patuloy niyang ipinaliwanag ang magandang negosyo sa mga kapatid na kaniyang natuklasan at agad namang napaniwala ang mga ito.

Kahit na inis na inis ang mga kapatid niya sa kaniya, hindi nila magawang sagutin nang pabalang ang kanilang kuya dahil lahat naman ng ginagawa nito ay tama at risonable. Sa pagkakataong ito, kahit na binenta ang lahat ng kanilang ari-arian na minana sa ama, mas magiging malaki pa ito kung tutuusin subalit panigurado, ipagmamayabang na naman ito ni Ramon sa lahat ng kaanak at kaibigan.

Pagkalipas ang isang buwan, nagpatuloy ang negosyong pinapalakad ni Ramon. Muli niyang pinatawag ang mga kapatid na sinabi niya ay kumustahan. Subalit iba talaga ang kaniyang pakay.

“Heto lang naman ang takbo ng ating negosyo. Mayroon na tayong sampung pagmamay-ari na nakapangalan siyempre sa akin! At kapag lumabas na lahat ng pera na kinuha ko mula sa pagbebenta ng mga dati nating ari-arian, bibigay ko na sa inyo iyon at labas na kayo sa negosyo ko. Uulitin ko, negosyo ko!” paliwanag ni Ramon sa unang pagkikita pa lamang habang sila ay nagtatanghalian.

“Akala ko ba sa atin ‘yan, kuya? Bakit sa iyo na lang lahat ng kikitain?” pabalang na tugon naman ni Daniel sa kaniyang kuya dahilan naman upang umandar muli ang pagkahambog nito.

“Ha? Nagpapatawa ka ba, Daniel? Kanino bang desisyon ‘yon? Hindi ba’t sa akin lang? Kaya wala kayong karapatan sa kung ano pang desisyon ang gawin ko. Mga hangal!” natatawang singhal ni Ramon sa mga kapatid.

Dahil sa inis, hindi nakapagtimpi si Sky at mabilis na hinagip ang mukha ni Ramon. Hindi makapaniwala ang lahat sa ginawa ng bunsong kapatid at inawat ang away ng dalawa.

Ilang araw pa ang lumipas at nagpatuloy ang bangayan ng mga magkakapatid laban sa kanilang Kuya Ramon. Habang patuloy itong nangyayari, wala namang ibang inatupag ang lalaki kundi ang mas magpayaman at ipamukha sa kaniyang mga kapatid na mali sila at walang mararating.

Pagkalipas ng isa pang buwan at nakatanggap ng mensahe ang tatlong kapatid ni Ramon. Nagtagumpay kasi siyang maibalik na ang pera na bahagi ng mga ito. Agad niyang pinuntahan ang mga ito sa kani-kaniyang mga bahay dala ang isang bag na may laman ng limpak limpak na salapi. Habang inaabot ang pera, ipinapamukha niya sa mga ito na hanggang doon na lamang ang mararating ng mga ito.

“Hinding hindi na kayo makakahingi ng tulong sa akin dahil binastos niyo ako bilang panganay ninyo! Tapos na tayo dito!” pagmamayabang muli ni Ramon at agad na umalis.

Tumimo ito sa kaniyang mga kapatid at nagpasiyang pagsama-samahin ang mga pera na mayroon sila upang magsimula ulit ng isang tindahan. At dahil alam naman nila kung paano ito patakbuhin, hindi na sila nag-aksaya ng panahon at ginawa na ang plano. Tuwing darating ang Sabado, nagkakaroon ng simpleng salo-salo ang tatlong magkakapatid at masaya sila sa tuwing nagkikita.

Pagkaraan ng limang buwan, habang nagtatanghalian ang magkakapatid at nagtatawanan sa masasayang kwento, mayroong pamilyar na mukha ang dumating sa kanilang harapan – si Ramon.

“Ano ang ginagawa mo rito? Hindi ba’t sinabi mong tapos na ang pagiging magkakapatid natin?!” singhal kaagad ni Daniel matapos makita ang kanilang kuya.

“Sana mapatawad ninyo ako… Mali ako. Maling mali ako…” hindi na pinatapos ni Sky ang pagsasalita ng kanilang kuya at agad niya itong tinaboy. Nagkaroon ng katahimikan matapos umalis ni Ramon sa bahay kung saan sila nagtatanghalian.

“Kuya pa rin naman natin si Kuya Ramon… Hindi ba magagalit sina mama at papa kapag hindi tayo nagpatawad ng kahit isa sa atin?” malungkot na pahayag ni Cassy habang naluluha pa ang mga mata nito. Natapos ang kanilang araw na wari’y bagsak ang kanilang mga mundo. Pare-pareho nilang iniisip kung paanong ang masaya at buo nilang pamilya noon, ngayon ay nasisira na dahil hindi nila mapatawad ang kanilang kuya.

Hindi pa man nagtatagal ng isang linggo, nagkasundo rin ang magkakapatid na puntahan na mismo ang kanilang kuya. Sakay sa kotse ni Sky, agad silang nagtungo upang bisitahin ang panganay na kapatid.

Patuloy na kumatok ang magkakapatid ngunit walang sumasagot. Pumasok na sila at nakita ang espasyong malawak. Mayroon na ring nakapaskil sa labas na ipinagbebenta na ang bahay ng kanilang kuya. Pagpasok ng magkakapatid sa silid nito, nakita nila ang kanilang kuya na bumubula ang bibig dahil nagtangka itong putulin na ang kaniyang buhay. Nagulat ang lahat at agad na dinala ito sa ospital.

“Cassy, Daniel, Sky, sorry… Nalugi lahat ng negosyo ko. Talunan ako… Patawarin ninyo ang kuya…” lumuluhang pahayag ni Ramon sa mga kapatid.

Niyakap siya ng mga ito at isa-isang humingi ng tawad sa kanilang panganay na kapatid. Hindi lamang nila pinatawad ang kuya nila at binigyan pa ng bahagi sa kanilang negosyo na tindahan. Hindi man perpekto ngunit alam nila na ang pamilya, anuman ang ugali nito ay dapat nagpapatawaran at nagbibigay ng pagkakataon na muling magbago.

Advertisement