
Labis ang Paghihinala ng Ina Nang Makitang Maraming Pera ang Anak na Wala Namang Disenteng Trabaho; Saan Nga Kaya Ito Galing?
“Oh, ito na ma, bili ka ng isang kaban ng bigas at saka ng mga ulam pang isang buwan na natin,” saad ni Ben sa kaniyang ina habang inaabot ang sampung libong piso.
“H-ha? Anak, san galing ito, ‘nak?” pagtataka naman ng kaniyang ina na si Marissa.
“Basta, ma, hindi na mahalaga kung saan galing ‘yan. Ang mahalaga may pagkain na tayo. At heto pa ang mas maganda — lilipat na tayo ng bahay. Sa mas malaki, mas maganda at mas tahimik na lugar!” masayang tugon naman ni Ben sa ina.
Matapos kunin ang pera mula sa anak, agad namang nagtungo ng palengke si Marissa upang bumili ng bigas at mga ulam. Dala pa rin ang pagtataka dahil wala namang maayos na trabaho si Ben. Maliit lamang ang kinikita nito mula sa paninilbihan sa isang kainan sa kanilang lungsod.
Ilang oras lamang ang lumipas at masayang sinalubong ng tatlong bata na kapatid ni Ben si Marissa. Bitbit nito ang ilang mga plastik na naglalaman ng mga pagkain at mga kendi para sa mga bata. Buhay na buhay ang lahat ngunit nananatili pa rin ang pagdududa ni Marissa sa anak.
Ilang araw pa ang lumipas, patuloy na nagtrabaho si Ben bilang waiter sa isang kainan. Bigla na lamang sinorpresa ng binata ang kaniyang buong pamilya ng isang napakagandang regalo.
“Heto na ang susi para sa ating bagong bahay!” masayang balita ni Ben sa kaniyang pamilya.
Agad na naglinis si Marissa at ang apat na magkakapatid. Sinigurado na rin ni Ben na kinabukasan ay makakalipat na sila sa bagong bahay. Abala ang magkakapatid sa pag-eempake ng kanilang mga damit at kagamitan sa bahay. Ang iba rin ay hindi na pinadala ni Ben dahil marami na rin siyang bibilhing bagong gamit tulad ng sofa, mga pangluto at mga kagamitan sa kusina.
Kinabukasan, hindi mabura sa mga mukha ng buong pamilya ang sayang nararamdaman nang makalipat na sila. Dalawa ang palapag nito at mayroon itong tatlong silid na sakto sa kanilang pamilya. Habang abala ang lahat sa pag-aayos ng gamit, sinakto ni Marissa na nag-iisa si Ben upang linawin ang mga bagay bagay.
“Ano ba talaga, ‘nak? Saan ba galing itong pera mo? Nanalo ka ba sa lotto? O baka naman nagbibisyo ka na, ‘nak ha?” sunod-sunod na tanong naman ni Marissa sa kaniyang anak dahilan para tumahimik naman si Ben.
“Wala nga, ma. Basta ang mahalaga may bahay na tayong sarili at hindi na natin kailangan pang mangupahan. Iyon naman ang pangarap natin ‘di ba? Kahit sobrang hirap basta may sariling bahay, maayos na tayo,” marahang tugon naman ni Ben sa ina habang tinatapik ang mga balikat nito. Niyakap naman ni Marissa ang anak ngunit sa isip niya, hindi pa rin mawala ang duda at pagtataka kung saan galing ang malaking pera ng anak.
Muling nagkaroon ng kapayapaan at kagaanan sa buhay ang pamilya nina Marissa. Mayroong maayos na tahanan, malinis, tahimik, at sagana sa pagkain. Hindi tulad noon na halos araw-araw na lamang silang pinapalayas sa kanilang tahanan dahil hindi makapagbayad ng upa, walang pagkain sa hapag, at hindi makapag-aral ang mga bata dahil sa kahirapan.
Makalipas ang ilang buwan, nanatili si Ben sa pagtatrabaho bilang waiter. Kahit na matagal na siyang pinapatigil ng ina, ayaw pa rin ng binata iwanan ang nag-iisang trabaho na kaniyang pinasukan simula pa noon. Subalit isang araw, bigla na lamang nilagnat nang matindi si Ben dahilan upang tumigil siya sa pagtatrabaho.
Buong akala ni Marissa ay simpleng lagnat lamang ang mayroon ang anak. Inalagaan niya ito hanggang sa tumagal ang lagnat ng binata ng isang linggo at dalawang linggo. Dito na tuluyang nag-alala si Marissa sa kalagayan ni Ben at kinumbinsi itong magpatingin na sa doktor.
“Ben, anak, kailangan mo nang magpa-ospital. Dalawang linggo na ang lagnat mo at hindi ka pa rin gumagaling,” pag-aalala ni Marissa kay Ben.
“Ayos lang ako, ma. Kaunting pahinga lang ang kailangan ko at magiging ayos na rin ako, ma,” tugon naman ni Ben na matigas pa rin ang ulo at ayaw magpakonsulta sa doktor. Tumigil naman na si Marissa dahil may tiwala siya sa anak na alam na nito ang nangyayari sa kaniyang sariling katawan.
“Oh sige ha. Sa susunod na araw kapag hindi pa rin bumababa ang lagnat mo, kailangan sumunod ka na sa akin, anak. Naiintindihan mo ba?” huling tugon ni Marissa sa anak.
Lumabas si Marissa ng silid at nagsimula ng mag-asikaso sa kusina para sa kanilang hapunan. Ilang minuto rin ang kaniyang inilaan sa pagluluto at nang matapos ay tinawag na niya ang mga bata. Huli niyang pinuntahan ang silid ni Ben kung saan naka-ilang tawag siya ngunit hindi ito sumasagot.
“Ben, Ben, anak? Papasok na ako ha?” huling tawag ni Marissa at mabilis na pumasok sa silid.
Maka-ilang tapik siya sa balikat ng anak ngunit hindi ito gumigising. Mainit pa rin ang katawan nito at humihinga pa naman. Dali-daling humingi ng tulong ang ina at dinala si Ben sa pinakamalapit na ospital.
“Anak, bakit mo nagawa iyon? Bakit, ‘nak? Bakit?” paulit-ulit na tanong ni Marissa sa anak matapos nitong operahan at magkaroon ng malay.
“Sorry, ma. Sawang-sawa na kasi ako sa hirap, ma. Hindi ko na kaya na minamaliit tayo ng kung sino sino,” lumuluhang tugon naman ni Ben sa ina.
Habang inooperahan kasi si Ben, nakita ng mga doktor na kulang kulang na ang mga laman loob ni nito tulad ng kaniyang bato at atay. Nakumpirma nila na ilegal na ipinagbili ito ni Ben sa mga taong hindi naman niya kilala.
Nawala ang pagdududa ni Marissa at napalitan naman ito ng labis na pag-aalala kasama na ang awa para sa anak. Nangako ang ina sa kaniyang sarili na magsisikap para sa mga anak at pangangalagaan ang mga ito upang hindi na maulit ang ganitong klaseng sitwasyon.