Kakaibang Ritwal ang Napansin ng Binata sa Matandang Kapitbahay; May Nakakaantig na Istorya Pala sa Likod Noon

Kakaibang Ritwal ang Napansin ng Binata sa Matandang Kapitbahay; May Nakakaantig na Istorya Pala sa Likod Noon

HeartbreakingMysteryStories

Pupungas-pungas pa si Mikoy habang palabas mula sa kaniyang bagong nilipatang apartment nang biglang mapatalon siya sa gulat. Paano ba naman ay isang matandang babae ang nasa harapan ng kaniyang pinto at nakatingala iyon habang nakatingin sa malayo.

Wala itong katinag-tinag at tila ba mahinang humihimig ng isang awitin. Bagong lipat lang siya roon kaya ‘di niya kilala ang babae na sa tingin niya ay mga nasa sisenta anyos na. Agad siyang kinilabutan at nagpasyang huwag na lang pansinin ang matanda. Nagdire-diretso siya sa tindahan upang bumili ng almusal. ‘Di pa siya makakaluto ng sariling pagkain dahil ‘di pa ayos ang mga gamit niya.

Pagbalik niya sa kanilang compound ay saktong nakita niya ang matanda na pumasok sa katabing pinto. Nakahinga siya nang maluwag dahil akala niya talaga kanina ay multo ito o kung ano, kapitbahay lang pala. Siguro ay nagpapahangin lang ito.

Kibit-balikat si Mikoy na ipinagpatuloy ang araw. Work from home siya ngayon kaya’t maghapon lang siya sa bahay. Sa kalagitnaan ng kaniyang pagtatrabaho ay naririnig niyang humihimig pa rin ng parehong awit ang matanda. Maninipis lang kasi ang pader kaya rinig na rinig niya iyon.

Kinabukasan, pagkagising niya ay lumabas muli agad siya para bumili ng almusal. Bigla na naman siyang nagulat nang makitang naroon muli ang matanda.

“Naku ho, nagulat na naman ako sa inyo, nanay!” pabirong sabi niya sabay lapit sa matanda.

“Ikaw ba ang bagong lipat sa kabila, hijo?” sabi nito na hindi pa rin inaalis ang tanaw sa malayo.

“Oho, Mikoy ho ang pangalan ko. Kayo po?” magalang na sabi niya. Ngunit imbes na sumagot ay itinaas nito ang hintuturo sa labi, waring pinatatahimik siya. Ilang sandali pa ay bumalik na ito sa mahinang pag-awit.

‘Di malaman ni Mikoy ang gagawin kaya’t tumuloy na lang siya sa tindahan. Nagpasya siyang magtanong sa tinderang si Aling Nissa tungkol sa matanda.

“Ah si Nanay Asing ba? Oo, ritwal niya na talagang tumayo doon sa pwestong iyon tuwing alas sais ng umaga. Limang taon pa lang ako dito sa apartment pero paglipat ko pa lang napansin ko na rin iyon. Pero sabi ng iba, lagpas limang taon niya na iyon ginagawa nang walang palya. ‘Di ko rin alam kung bakit eh,” sabi ni Aling Nissa.

Maraming tanong sa isip ng binata ngunit pinili niyang ipagsawalang-bahala na lang iyon. Sa mga sumunod na araw ay nabawasan na rin ang mga pagkakataong nagugulat siya sa presensya ng matanda sa gilid ng kaniyang pintuan. Nakasanayan na rin niya ang paghimig nito mula sa kabilang apartment.

Isang araw na namimiss niya ang kaniyang ina na nasa probinsya ay naisipan niyang gumawa ng mataas na upuan. Naisip niyang ilagay iyon sa gilid ng kaniyang pintuan nang sa gayon ay ‘di na kailangang tumayo ni Nanay Asing tuwing gagawin nito ang ritwal nito tuwing umaga.

Dahil sa ginawa niyang iyon, tila ba napalapit ang loob ng matanda sa kaniya. Paglabas niya sa umaga ay laging sinasalubong siya ng almusal. Naging magaan naman ang pakikisama nila sa isa’t isa.

Nagising si Mikoy nang umagang iyon sa lakas ng ulan pati na kulog at kidlat. Binuksan niya ang telebisyon at nalamang may bagyo ngang tumama sa kanilang lugar. Babalik na lang sana siya sa pagtulog nang maalala ang matanda. Siguro naman ay liliban muna ito sa pagpapahangin sa labas gayong may bagyo, ano? Matagal siyang napaisip ngunit nang hindi matahimik ang kaniyang damdamin ay sumilip na rin siya sa labas ng pinto. Basang-basa ang pasilyo at galit na galit ang langit, ngunit naroon pa rin si Nanay Asing at walang tinag na nakatingala sa malayo.

Walang silbi ang payong na kinuha niya kaya’t pati siya ay nabasa nang kumbinsihin niya itong pumasok na lang sa apartment nito.

“Hindi maaari… si Jino. Takot sa kidlat si Jino. Baka mapaano siya…” paulit-ulit na sabi ng matanda kahit na nasa loob na ito ng apartment. Si Aling Nissa ang nagpresintang samahan muna ang naghihisterikal na matanda. Mula sa kaniyang maliit na apartment ay rinig niya ang pagtangis ni Nanay Asing.

Kinabukasan, payapa na ang langit. Paglabas niya ng pinto, naroon na ulit ang matanda. Sinabayan niya ito sa pagpapahangin nito at sinubukang kausapin.

“Gustong-gusto niyo po ang hangin dito ‘no? Iba po ba ang panahon sa tapat ng inyong pintuan?” pabirong sabi niya. Katahimikan lang ang sagot ni Nanay Asing. Hanggang sa gumalaw ito sa pagkakaupo at nagturo sa malayo. Sinundan ni Mikoy ang tinuturo nito at naaninag niya roon ang isang maliit na bandera. Sa pagkakaalam niya ay isa iyong base ng mga sundalong pandagat o navy.

“Usapan namin ng aking unico hijong si Jino bago siya pumasok sa pagsusundalo na sabay kaming titingin sa pag-angat ng banderang iyan tuwing alas sais ng umaga,” sabi ng matanda. Nagulat si Mikoy sa pagbabahagi nito ngunit nakinig lang siya.

“Alam kong ayaw ng anak ko na kinukulit siya at pinupuntahan sa trabaho, ngunit sabi niya ay apat na taon lang siyang mawawala. Anim na taon na, hindi pa rin siya umuuwi,” malungkot na sabi ng matanda.

Naantig ang damdamin ni Mikoy sa mga narinig. Hindi pala pagpapahangin ang pakay ng matanda doon tuwing umaga, kundi upang masilayan ang pagtaas ng bandera na tanaw mula doon.

Upang tulungan ang matanda ay nagpasya si Mikoy na puntahan ang lugar na itinuro ng matanda upang ipagtanong si Jino.

“Isa lang ang Jino dito sir, Jino Madriaga? Kaso dalawang taon na siyang nawawala. Nadisgrasya kasi yung isang barko dito dahil sa bagyo nung araw ng insidente. Eto si Reyes kausapin mo, malapit na magkaibigan ‘yan sila,” sabi ng isang sundalo doon.

Nang makausap ni Mikoy ang kaibigan daw ni Jino na si Marko ay lalo siyang nagulat.

“Bago kami lamunin ng alon, mahigpit na bilin niyang huwag ipaalam sa kaniyang ina kung may ‘di magandang mangyari sa kaniya. Kaya simula noong mawala si Jino ay ako ang nagtuloy sa pagpapadala ng pera kay Nanay Asing galing sa pension ni Jino,” paliwanag nito.

Napakalungkot pala ng istorya ng matanda. Hanggang ngayon ay umaasa pa rin itong babalik ang nag-iisang anak na baka nasaang lupalop na ng dagat. Ngunit wala siya sa pwesto upang husgahan ang huling habilin ni Jino.

Simula nang araw na iyon ay mas naging maalaga si Mikoy kay Nanay Asing. Paminsan ay naluluha siya habang tinitingnan ito tuwing umaga na nakatanaw sa malayo. Ngunit natutunan niyang sa buhay, masakit talaga ang katotohanan kaya mas nais ng iba na mabuhay na hindi iyon alam.

More Stories