
Grabe kung Magtiwala ang Lalaki sa Kaniyang mga Kabarkada; Ikapapahamak pala Ito ng Kaniya Mismong Pamilya
“Mahal, magluto ka, ha? Isasama ko si Pareng Nelson mamaya pag-uwi,” bilin ni Mang Tasyo sa kaniyang asawang si Aling Luisita bago siya umalis ng bahay upang pumasok sa pinagtatrabahuhang construction site.
“Dito ulit?” napapangiwing tugon naman ni Aling Luisita sa asawa. “Tatlong araw nang sunod-sunod na dito kumakain ’yon, a. Mukhang umaabuso na yata ’yang bago mong kasamahan sa trabaho,” dire-diretso pang aniya habang nakapamaywang.
Napakamot naman sa kaniyang ulo si Mang Tasyo. “Ako naman kasi ang nag-aaya. Hayaan mo na. Mabait naman ’yon, e.”
“Naku, Tasyo! Sinasabi ko sa ’yo. Huwag na huwag kang pakatiwala sa mga bago mong kakilala. Aba! Iba na ang panahon ngayon. Huwag mo sanang kalilimutang may mga anak kang babae na dapat pag-ingatan,” muli ay panenermon pa ni Aling Luisita na hindi na lamang pinansin pa ni Mang Tasyo upang matapos na agad ang usapan. Ipinagsawalang bahala na lamang niya ang mga sinasabi nito dahil sa tingin niya ay masiyado lamang itong nagpapaapekto sa mga balitang nakikita nito sa social media.
“Sinasabi ko naman kasi na iwas-iwasan na ang paggamit ng peysbuk, e.” Pasimple pa siyang pumalatak sa pagkadismaya.
“O siya, sige na. Ako’y papasok na sa trabaho at baka mahuli pa ako.” Humalik muna siya sa pisngi ng asawa bago tuluyang pumasok sa trabaho.
Naabutan niyang maaga pa lang ay naroon na sa kanilang site ang kasamahan niyang si Nelson. Mukhang maaga itong pumasok ngayong araw. Agad siyang binati ni Nelson nang siya’y makita nito. Bumati rin naman siyang pabalik.
Hindi niya maintindihan kung ano ba ang ipinuputok ng butsi ng asawa. Para sa kaniya ay mabait naman si Nelson simula nang ito ay makilala niya. Sa katunayan ay mabilis nga niya itong nakasundo kaya naman naging instant-barkada silang dalawa. Ganoon din sa kaniyang mga anak. Mabilis ding napalapit sa mga ito si Nelson, maliban na lang talaga kay Aling Luisita na umpisa pa lang ay masama na agad ang kutob tungkol kay Nelson. Talagang ayaw nito sa lalaki.
Hanggang isang araw…
Pauwi na si Mang Tasyo nang bigla na lang siyang lapitan ni Nelson. “Pare, baka naman p’wedeng makitulog sa inyo ngayong gabi. Pinalayas kasi ako sa tinutuluyan ko dahil dalawang buwan na akong hindi nakakabayad sa upa. Paano kasi, ipinadala ko lahat ng sahod ko sa probinsya dahil may sakit daw ang mamang ko,” paghingi nito ng pabor kay Mang Tasyo na agad naman niyang sinang-ayunan. Ni hindi na siya nagtanong pa, bagkus ay mabilis na lamang na um-oo.
Ramdam niya ang inis ni Aling Luisita nang umuwi siya sa bahay kasama ang kabarkada. Ngunit wala naman itong magagawa.
Pagkakain nila ng hapunan ay nagpasiyang manuod muna sandali ng telebisyon ang mag-anak, ngunit nang magsawa ay nagdesisyon na rin silang matulog lahat.
Hatinggabi na at nasa kalagitnaan na ng pagkakahimbing ang mag-asawang Aling Luisita at Mang Tasyo, nang bigla silang mapabalikwas ng bangon. Nakarinig kasi sila ng isang malakas na tili na nanggagaling sa silid ng dalawang anak nilang babae.
Kumaripas nang takbo si Mang Tasyo papunta sa kwarto ng mga anak, at hindi niya akalain ang maaabutang senaryo doon—si Nelson, kinukubabawan ang isa sa dalawang dalaga habang hawak nito ang magkabilang braso ng kaniyang anak!
Nilingon siya nito at kitang-kita niya ang panlilisik ng namumulang nga mata ng lalaking pinagkatiwalaan niya nang lubos. Hindi niya akalaing magagawa siya nitong traydorin!
Agad na rumagasa ang galit sa dibdib ni Mang Tasyo kaya mabilis niyang sinugod si Nelson. Dahil doon ay nagpambuno silang dalawa, at napuno na ng sigawan mula sa kaniyang mag-iina ang loob ng kanilang kabahayan.
Agad namang natawag ang pansin ng kanilang mga kapitbahay kaya naman sa isang iglap ay nasaklolohan sila ng mga ito. Agad nilang pinagtulungan si Nelson na noon ay sigurado na silang nasa ilalim ng impluwensya ng ipinagbabawal na gamot! Agad nila itong ipinahuli sa pulis pagkatapos.
“’Yan ang sinasabi ko sa ’yo, Tasyo! Muntik pang ikapahamak ng mga anak mo ang kapabayaan mo at labis na pagtitiwala sa ibang tao!” galit na singhal ni Aling Luisita sa kaniya, ngunit hinayaan lamang ito ni Mang Tasyo. Kahit kasi siya ay sising-sisi sa nangyari. Aminado siyang kasalanan niya ang lahat, kaya naman dapat lang na sermunan siya ng asawa.
Isang malaking leksyon para kay Mang Tasyo ang nangyaring iyon, kaya naman simula noon ay mas nag-ingat na siya sa pagpili ng mga taong kakaibiganin at dadalhin sa kanilang bahay.