Simpleng Sopas Lamang ang Ihahanda ng Kasambahay sa Noche Buena ng Kaniyang Pamilya; Bakit Tila Masaya Pa Siya?
“O Nilda, lutuin na ninyo ang masasarap na pagkain para sa Noche Buena bago ka umalis ha? Gusto ko nakaluto na ang spaghetti, carbonara, turbo chicken, liempo, ham, at pati na ang mga dessert. Kapag nailuto na ang mga dapat mailuto, puwede ka na umalis at umuwi sa pamilya mo,” paalala ni Donya Gilberta sa mayordomang si Nilda.
“Opo Ma’am, masusunod po,” tugon ni Nilda.
Pagkaalis ng senyora sa komedor, isa-isa nang binigyan ng panuto ni Nilda ang mga kasambahay na nakatoka sa iba’t ibang gawain sa bahay, Bisperas ng Pasko ngayon kaya magiging abala sila. Hindi maaari ang malakihang pagdiriwang kaya kaiba ito sa mga nagdaang Pasko.
Pinayagan din si Nilda na umuwi muna sa kanila. Ang iba kasing mga kasambahay ay hindi basta-basta makauuwi sa kani-kanilang mga pamilya dahil nasa lalawigan ang mga ito. Masigla siyang naglinis ng mesa habang iniisip ang ihahanda sa bahay, pagkauwi niya.
“Kumusta na kaya ang pamilya ko sa Misamis? Sana naroon ako sa kanila. Mabuti pa sina Donya Gilberta ang sasarap ng kakainin mamaya sa Noche Buena. Sana masarap din ang kinakain nila roon sa amin,” pahayag ni Tale habang naghahanda ng mga gulay para sa mga pinaluluto ni Donya Gilberta sa kanila.
“Mamaya, magvideo call na lang kayo para makabawi ka,” mungkahi naman ni Nilda.
“Oo. Mamaya, kapag nagkakainan na rito. Ipapakita ko sa kanila ang mga handa ni Donya Gilberta. Patatakamin ko sila, biro lang ba,” saad naman ni Tale.
“Kayo ba, ano ang handa ninyo sa Noche Buena? Naku mabuti ka pa nga at makakauwi ka sa kanila,” tanong naman ni Purita, ang labandera ng pamilya.
“Baka magluto lang ako ng simpleng sopas. Tama na iyon. Kahit simpleng pagkain lamang, basta sama-sama ang pamilya,” turan naman ni Nilda.
“Hay naku, dapat bonggahan mo naman! Minsan lang naman ang Pasko, saka ito ang unang Pasko na may pandemya tayo, at minsan lang naman eh. Hindi hamak na mas malaki naman ang suweldo mo sa akin dahil ikaw ang mayordoma rito,” giit naman ni Tale.
“Pag-iisipan ko,” naisagot na lamang ni Nilda.
Maya-maya ay naging abala na sila sa pagluluto ng mga handa para sa Noche Buena ng naturang pamilya. Nakalipas ang ilang oras, natapos na rin.
Habang inihahanda nila ang mga nailutong pagkain, naririnig nilang nag-aaway-away ang kanilang mga amo.
“Gustavo! Napakawalanghiya mo talaga. Hanggang ngayon, niloloko mo pa rin ako! Akala ko ba tinapos mo na ang pakikipagrelasyon mo sa hayop na Belinda na iyan! Bakit nabasa ko sa cellphone mo na hinaharot ka pa rin niya? At nakikipaglandian ka naman!” asik na sabi ni Donya Gilberta.
“Come on, Gilberta. It’s Christmas Eve! Aawayin mo lang ba ako? Sobra ka naman! Wala kang patawad!” galit na sumbat sa kaniya ni Don Gustavo habang umiinom ng alak.
“Gustavo naman… for God’s sake! Puwede bang kami muna ng pamilya mo ang isipin mo at hindi ang kakatihan mo?! Mahiya ka naman sa mga anak mo!”
“Can you please stop, Ma and Pa? Grabe naman kayo. Magpapasko at nag-aaway kayo!” saway naman ng panganay na anak.
Nagkakasigawan na naman sila, bagay na sanay na naman na ang mga kasambahay. Hindi yata uso ang salitang katahimikan sa bahay na iyon. Kahit Pasko, walang sinasanto.
“Ma’am, uwi na po ako…” sungit ni Nilda kay Donya Gilberta. Tumango lamang ito at inabutan siya ng isang sobre na naglalaman ng pabonus nito, at matapos niyon ay umarangkada na ulit ang bibig nito sa asawa.
Nagbilin na lamang si Nilda sa mga kasambahay na pagsilbihan nang maigi ang pamilya. Dali-dali na siyang umuwi sa kanila dahil magluluto pa siya ng sopas, na ipinangako naman niya sa kaniyang anak na si Junjun.
Pagdating sa kanilang simpleng bahay, sinalubong siya ng halik ng kaniyang panganay na anak na si Mayette at ang bunsong si Junjun kasama ang kaniyang mister na si Joel.
“Merry Christmas, Nanay!” bati ng kaniyang mga anak.
“Merry Christmas din mga anak ko!” ganting bati naman ni Nilda sa kaniyang mga anak.
“Nanay, may regalo sa iyo si Tatay,” saad naman ni Junjun. Lumapit naman sa kaniya si Joel at iniabot sa kaniya ang dalawang malalaki at magagandang paso.
“Nanay, para sa iyo. Regalo namin. May mapagtatamnan ka na naman ng mga halaman mo. Merry Christmas mahal!” bati ni Joel sa kaniya. Niyakap naman ni Nilda ang asawa at dinampian ng halik sa pisngi. Nagpalakpakan naman ang kaniyang mga anak. Nakaluto na pala sila ng sopas. Idaragdag na lamang niya ang mga uwing pagkain mula sa mansiyon.
Masayang-masaya si Nilda dahil kahit simple lamang ang kanilang Noche Buena, ang mahalaga ay magkakasama silang pamilya. Kompleto sila, at hindi nag-aaway. Panalangin ni Nilda na maging masaya at matiwasay pa rin ang pagdiriwang ng Pasko ng kaniyang mga amo, na iniwanan niyang nagtatalo-talo.