Inday TrendingInday Trending
May Pakiusap ang Isang Lolang Hindi Nakapag-aral sa Kaniyang Anak na May Sarili nang Pamilya; Ano Kaya Ito?

May Pakiusap ang Isang Lolang Hindi Nakapag-aral sa Kaniyang Anak na May Sarili nang Pamilya; Ano Kaya Ito?

“Lola, ano po ang sagot dito?”

Hindi malaman ni Lola Abria kung paano sasagutin ang apong si Sunshine sa tanong nito hinggil sa module na sinasagutan nito. Hindi pa man nasasagot ang tanong ng Grade 5 na apo, humahangos naman na lumapit sa kaniya si Carlo, ang kaniyang apong nasa Grade 2.

“Lola, hindi ko po alam ang sagot dito sa tanong…” sabay turo ni Carlo sa pahina ng module na kailangan nitong sagutin. Hindi naman kumibo ang yaya ng mga bata na nasa tabi lamang ng dalawa.

Napakamot na lamang sa kaniyang ulo ang kaawa-awang matanda. Malaki ang perwisyong idinulot ng pandemya dahil imbes na mga guro ang tumututok sa pagkatuto ng mga mag-aaral sa mga paaralan, puro online class na tuloy at pagsagot sa module ang nangyayari. Nahihiya naman si Lola Abria na sabihing hindi niya alam ang sagot dahil Grade 4 lamang ang kaniyang natapos.

Mabuti na lamang at dumating na ang kaniyang anak na si Leslie mula sa trabaho, gayundin ang kaniyang manugang na si Charles.

“Mga anak, huwag na ninyong guluhin ang lola ninyo, kayo talaga. Hindi ba sinabi ko na sa inyo na kami na ng dadddy ninyo ang tutulong sa inyo sa mga assignments ninyo?” suweto ni Leslie sa dalawang bata.

“Ayos lang, anak. Sasagutin ko na sana ang mga tanong nila. mabuti na lamang at dumating na kayo. Oh siya, maghahain na ako para makakain na kayo,” sabi naman ni Lola Abria at nagtungo na sa kusina upang ayusin ang mga pagkain.

Sa mga ganoong pagkakataon, hiyang-hiya na sa kaniyang sarili si Lola Abria. Grade 4 lamang ang kaniyang natapos dahil hindi na siya pinag-aral ng kaniyang ama. Babae naman daw siya at mag-aasawa. Pinatulong na lamang siya sa bukid.

Kahit na gustong-gusto ni Lola Abria na mag-aral noon, wala siyang nagawa kundi sundin ang kaniyang ama, dahil takot na takot siya rito. Naging malaking pasakit sa kaniya ang pagtatrabaho sa bukid, at ayaw niyang manatili sa ganoong hanapbuhay. Kaya nang siya ay nasa 14 na taong gulang na, naglayas siya sa kanila upang hanapin ang kaniyang kapalaran sa Maynila. Namasukan siya bilang isang kasambahay, at doon niya nakilala ang kaniyang napangasawang si Lolo Dado. Siya naman ang ama ni Leslie.

Ayaw iparanas ni Lola Abria kay Leslie ang kaniyang mga naranasan noong bata pa siya, kaya ginawa niya ang lahat upang mapagtapos niya ito ng pag-aaral. Hindi naman siya binigo nito. Nakatapos ito ng pag-aaral at nakapangasawa ng responsable at matinong lalaki.

“Nanay, pasensiya na kayo sa mga bata kanina ha? Kinulit na naman ba kayo?” saad ni Leslie sa kaniyang ina.

“Ayos lang anak. Mabuti nga dumating kayo dahil hindi ko naman masasagot ang mga tanong nila. Malay ko ba sa mga leksyon nila sa eskuwela. Mahirap na nga ngayon eh. Siguro mas mainam kukuhanan ninyo ng mga tagapagturo ang mga bata para kapag may tanong sila hinggil sa leksyon ay may makakasagot habang wala kayo. Alam mo namang wala akong pinag-aralan,” nanliliit sa sariling sabi ni Lola Abria.

“Nanay, huwag nga po kayong magsalita nang ganiyan,” saway naman ni Leslie sa kaniyang ina. Nagsesenti na naman kasi ito.

“A-anak… may gusto sana akong sabihin sa iyo, kaya lang, nahihiya ako. Ayoko ng ganitong pakiramdam sa harap ng mga apo ko. Pakiramdam ko nanliliit ako. Kaya sana payagan mo ako sa gusto kong mangyari… sana suportahan mo ako…” saad ni Lola Abria sa kaniyang anak.

“Ano po iyon, ‘Nay?” tanong ni Leslie sa ina.

“A-Anak, gusto ko sanang bumalik sa pag-aaral. Kinausap ako ng ating kapitan ng barangay. Mayroon pala tayong alternative learning system o ALS. Kapag naipasa ko raw iyon, matatapos ko na ang hayskul, at maaari na akong mairekomenda sa kolehiyo,” saad ni Lola Abria.

Natuwa naman si Leslie sa plano ng ina. Buo ang suporta niya sa gustong mangyari nito. Agad silang nakipag-ugnayan sa lokal na pamahalaan at Kagawaran ng Edukasyon para dito. Naipasa naman ni Lola Abria ang mga proseso at eksamin, na nangangahulugang maaari na siyang magtuloy sa kolehiyo.

Itinuloy-tuloy niya ang pag-aaral sa kolehiyo at kumuha ng kursong Business Management. Sa puntong iyon, baligtad naman ang naging sitwasyon: si Leslie naman ang nagpaaral sa kaniyang ina. Matapos ang apat na taon, nakatapos din ng pag-aaral si Lola Abria, na may karangalang Cum Laude! Ang nagsabit ng kaniyang medalya sa entablado ay si Leslie kasama ang manugang. Walang tigil naman sa pagpalakpak sina Sunshine at Carlo para sa kanilang Lola Abria.

Napatunayan ni Lola Abria na walang imposible at edad sa pagtatamo ng mga pangarap, lalo na ang diplomang pinakaaasam-asam noong siya ay bata pa. Hindi na siya makararamdam ng panliliit sa sarili kapag nagtanong ang kaniyang mga apo hinggil sa mga leksyon nila sa paaralan.

Advertisement