Problemado ang Ginang Dahil Laki sa Layaw ang Kaniyang Anak; Ano Kaya ang Makapagpapabago Rito?
“Hay naku Mommy, ayoko po niyan. Gusto ko po iPhone! Ayoko sa cheap na phone na iyan!”
Imbes na matuwa sa sorpesa ng kaniyang mommy, nadismaya ang batang si Kelly, 11 taong gulang, dahil hindi niya gusto ang tatak ng bagong cellphone na pinag-ipunan at sorpesa sana ni Alicia sa kaniyang kaisa-isang anak. Nagmaktol na kaagad ito.
“Anak naman, huwag namang ganiyan. Pinag-ipunan ni Mommy iyan eh. Saka magagalit ang Daddy mo na nasa abroad kapag nalaman niyang hindi mo nagustuhan ang regalo ko for you,” sabi ni Alicia sa kaniyang anak. Ang mister niya ay isang OFW sa Jeddah.
“Eh basta! Ayoko niyan! Mas gusto ko ang iPhone. Hindi siya nakakasosyal, Mommy. I want classy cellphone, baka po my friends would laugh at me kapag nalaman nila na iyan lang ang cellphone ko, nakakahiya,” saad ni Kelly.
“Grabe ka naman, anak. Hindi naman siguro. Saka hindi naman basta-basta itong binili ko eh. Hindi ka naman mapapahiya sa mga kaibigan mo,” muling paghihimok ni Alicia sa kaniyang anak.
“Ah basta, gusto ko iPhone…” padabog na sabi ni Kelly sabay pasok sa kaniyang kuwarto.
Sumama ang loob ni Alicia sa kaniyang anak. Tinawagan niya ang kaniyang kumareng si Sedes upang maglabas ng kaniyang hinanakit sa anak na lumalaking spoiled brat.
“Hindi ko na talaga alam ang gagawin ko sa anak ko, Sedes. Habang lumalaki siya, parang tumitigas ang ulo niya. Nasanay siyang ibinibigay ng Daddy niya ang lahat ng mga gusto niya. Pero iba naman ang estilo ko. Gusto kong itama at ipakita kay Kelly na hindi lahat ng gusto niya ay maibibigay,” saad ni Alice.
“Ganiyan talaga ang mga bata ngayon, mare. Kaunting kibot lang, marami nang nasasabi. Hindi kagaya noong kabataan natin, kapag sinabi ng mga magulang natin na hindi puwede, hindi talaga puwede,” sabi ni Sedes.
“Ano kayang gagawin ko sa batang iyan. Ayaw ko siyang lumaking spoiled brat. Hindi maganda iyan. Natatakot akong lumaki siya sa hindi tama. Ayokong isipin niya na lahat ng bagay sa mundong ito ay madaling makuha sa isang iglap lang.”
“Mare, kausapin mo kaya siya nang masinsinan. Sabihin mo ang tunay na sitwasyon ninyo ngayon: na ang daddy niya ay may iba nang pamilya sa ibang bansa kaya hindi siya bumabalik o umuuwi rito,” mungkahi ni Sedes sa kaniyang kaibigan.
“Hindi ko kayang masaktan ang damdamin ng anak ko, Sedes. Hindi ko alam kung paano ko sasabihin sa kaniya, na kaya ibinibigay sa kaniya ng Daddy niya ang lahat ng gusto niya, ay bilang pambawi sa mga kasalanan nito.”
“Mare, ang katotohanan ang magpapalaya sa atin. Deserve din naman niyang malaman ang katotohanan. Huwag mo na hintayin na malaman pa niya ang totoo sa iba. Mas masasaktan ang anak mo,” huling turan ni Sedes para sa kaibigan.
“Mommy… totoo po ba?”
Nagulat si Alice sa tinig na narinig mula sa kaniyang likuran. Si Kelly. Narinig pala nito ang lahat. Kanina pa pala ito sa pinto; narinig nito ang usapan ng ina at ng Tita Sedes, palibhasa ay naka-video call naman sila.
Mabilis na nagpaalam si Alice kay Sedes at lumapit kay Kelly.
“A-Anak… patawarin mo ako kung inilihim ko sa iyo ang lahat. T-Totoo ang mga narinig mo sa akin ni Tita Sedes. Iyan na ang sitwasyon natin ngayon. May ibang pamilya talaga ang Daddy mo sa ibang bansa, dahil matagal na kaming hiwalay. Pero hindi ibig sabihin niyon na magagalit ka na sa kaniya. Siya pa rin ang Daddy mo, tatandaan mo iyan,” paliwanag ni Alice sa kaniyang anak.
Niyakap naman siya ni Kelly.
“Mommy, sorry po sa mga sinabi ko sa inyo. Hindi ko po sinasadya, Mommy. Thank you for always guiding me. Pasensiya ka na kung hindi kita napapasalamatan kung may ginagawa po kayong mabuti para sa akin. Sorry po talaga. Hindi ko alam na sinaktan ka pala ni Daddy!” umiiyak na paghingi ng tawad ni Kelly sa kaniyang Mommy.
“Huwag mo nang isipin iyon, anak. Ang mahalaga, masaya tayo sa mga simpleng bagay na mayroon tayo. Tandaan mo anak, kahit na nasaktan ni daddy si Mommy, huwag na huwag kang magtatanim ng sama ng loob sa kaniya. Siya pa rin ang iyong ama.”
Tumango-tango naman si Kelly. Isang mahigpit na yakap ang inialay nila sa isa’t isa.
Tila nabunutan ng malaking tinik sa dibdib si Alice. Tama nga si Sedes. Mas mainam na ipinauunawa sa anak ang isang sitwasyon kaysa naman lumaki ito sa kasinungalingan.