Inday TrendingInday Trending
Isang Mag-ina ang Nakapulot ng Malaking Halaga; Pipiliin ba Nilang Gawin ang Nararapat?

Isang Mag-ina ang Nakapulot ng Malaking Halaga; Pipiliin ba Nilang Gawin ang Nararapat?

“Nanay!”

Agad na kumabog ang dibdib ni Nena nang marinig niya ang humahangos ng sigaw ng kaniyang anak na si Jun. Kadarating lang nito mula sa paaralan.

Nagmamadaling sinalubong niya ito sa kanilang maliit na sala.

“Ano ‘yun, anak? May nangyari ba? Nasaktan ka ba?” hindi magkandaugagang usisa niya sa anak.

Nanlalaki ang matang hinuli nito ang tingin niya bago nito itinaas ang isang kamay na may hawak na itim na bag. Hindi pamilyar sa kaniya ang itsura ng bag.

“Ano ‘yan?” kunot noong tanong niya sa anak.

Hindi ito nagsalita. Bagkus ay inilapag nito sa sahig ang itim na bag bago nito iyon binuksan.

Laglag ang panga niya nang makita ang laman ng bag. Pagkarami-raming pera!

“Saan mo nakuha ‘yan, anak?” hintakot na tanong niya sa binatilyo.

“Sa jeep ‘Nay, naiwan nung matanda. Tinatawag ko siya ‘Nay bago siya makababa ng jeep pero hindi niya ako marinig, siguro dahil matanda na!” namimilog ang matang kwento nito.

“Diyos ko, anak! Napakalaking halaga niyan!” Sa tantiya niya ay aabot ng isandaang libo iyon.

“Anong gagawin natin, Nanay?” tila namomroblemang tanong nito.

“Madali! Hanapin mo kung mayroong ID o kahit na anong pagkakakilanlan ng may-ari ng bag!” utos niya dito.

Laglag ang balikat ng mag-ina matapos usisain ang bag. Wala kasing kahit na anong pagkakakilanlan ang maaring magturo sa kanila ng may-ari ng naturang bag.

“Naku, ‘Nay, paano na ‘yan?” Nanlaki ang mata nito na tila may naisip na ideya. “Ibig sabihin ba niyan, sa atin na ‘to?”

Marahas siyang napalingon sa anak. “Siyempre, hindi! Hindi naman sa atin ‘yan, kailangan nating hanapin ang may-ari niyan.”

Tumango tango ang bata.

“Anong pinagdidikusyunan niyong mag-ina?”

Gulat silang napalingon sa may-ari ng tinig. Sa likod nila ay nakatayo ang kanilang kapitbahay na si Tinay.

Pasimpleng sinipa ni Nena ang bag upang hindi iyon makita ni Tinay. Kilala kasi itong tsismosa, at ayaw niya na may iba pang makaalam ng tungkol sa perang napulot ng anak niya. Baka lumaki pa ang isyu.

Subalit huli na ang lahat dahil nakita na nito ang bag.

“Ano ‘yan? Bakit may marami kayong pera?” gulat na usisa nito. Ilang segundo lamang ay nagningning ang mata nito nang may mapagtanto.

“Nakapulot kayo ng pera?” bulalas nito.

Wala na siyang nagawa kundi tumango at kumpirmahin ang hinala ng babae.

“Diyos ko! Ang swerte swerte niyo naman! Balatuhan mo naman ako!” Ngising aso ang babae.

Napakunot ang noo ni Nena sa narinig.

“Anong balato? Hindi naman sa amin ang pera, Tinay. Bakit namin ipangbabalato?”

“Ano? Pera na, gagawin niyo pang bato? Anong katangah@n ‘yan? Ano, isosoli niyo? Kasalanan ‘yan ng may-ari. Alam niya na nga na may pera siyang malaki, hindi siya nag-ingat!” taas kilay na litanya nito.

“Anong klaseng katwiran ‘yan? Hindi ko gagawin ‘yang sinasabi mo, Tinay. Hindi sa amin ang pera kaya marapat lang na isauli namin ito,” pinal na tugon niya sa babae.

“Nababaliw ka na ba, Nena? Malaki ang maitutulong niyan sa inyong mag-ina! Ano, habang buhay ka na lang papasok bilang kasambahay kung may pagkakataon ka naman na ibahin ang takbo ng buhay mo gamit ang pera na ‘yan?” patuloy na kastigo ng babae.

Napaisip si Nena. May katotohanan naman ang sinasabi ni Tinay. Ngunit hindi niya talaga maatim na angkinin ang pera na hindi sa kaniya lalo pa’t alam na alam niya kung gaano kahirap kumita ng pera.

Isa pa, ayaw niyang mamulat ang kaniyang anak sa maling pag-iisip at gawain. Kaya gagawin niya kung ano ang tama.

“Bahala ka, pagsisisihan mo ‘yan,” sumusukong sambit ni Tinay nang mapagtanto nito na hindi siya padadala sa panunulsol nito.

Kinabukasan ay agad silang nagtungo sa pulisya upang iulat ang napulot nilang bag ng pera.

Agad na nagliwanag ang mata ng mga pulis sa kanilang ibinalita.

“Naku! Maraming salamat naman ho at naibalik ito! Kagabi pa pabalik balik dito ang matandang may-ari ng bag. Para daw ho ito sa operasyon ng asawa niya. Kaya maraming salamat ho at naging tapat kayo at isinauli ang pera,” kwento ng babaeng pulis.

Nagkatinginan silang mag-ina sa narinig. Noon pa lamang ay alam na nila na hinding hindi nila pagsisisihan ang naging desisyon.

Lalo pa nang marinig nila ang abot abot na pasasalamat ng matandang may-ari ng pera.

“Maraming maraming salamat! Mabuti na lamang at kayo ang nakapulot ng pera. Wala akong maibibigay na pabuya subalit pinapangako ko na babalik sa inyo ang magandang gawaing ito,” litanya ng matanda.

Tila nagdilang anghel ang matanda dahil bago pa man matapos ang araw na iyon ay dagsa dagsang tao ang nagpaabot sa kanila ng tulong at biyaya.

Mayroon pala kasing nakasaksi ng ginawa nilang katapatan at ibinalita iyon sa social media. Bilib na bilib ang mga tao sa katapatan nilang mag-ina at bilang ganti ay ibinalik sa kanila ang kabutihang ipinamalas nila.

Maraming tao ang nagpadala sa kanila ng tulong – may mga nagpadala ng pera, pagkain, kung ano anong regalo at marami pang iba!

Mayroon pa ngang nangako na tutulong daw ito sa pagpapaaral kay Jun.

Hindi inasahan ng mag-ina ang napakaraming biyaya subalit masayang masaya sila dahil napatunayan nila ang ang mga gumagawa ng kabutihan ang tunay na ginagantimpalaan ng Diyos.

Advertisement