“Anak, maraming salamat,” nakangiting wika ni Rosa sa panganay niyang anak na si Wendy nang abutan siya nito ng isang basong tubig.
“Walang anuman po, Nanay. Magpahinga na po kayo at ako na ang bahala sa hapunan natin,” sagot ng dalagita.
“Naku, salamat naman, anak. Tamang tama dahil medyo sumasakit nga ang likod ko,” nakangiwing reklamo niya rito.
Inalalayan siya nito hanggang sa makarating sila sa papag.
“Umidlip ka muna Nanay, gigisingin kita ‘pag kakain na.”
Napangiti si Rosa habang minamasdan ang anak. Lumaki sila sa hirap dahil sa maagang pagpanaw ng asawa niya na isang sundalo. Tanging paglalabada lamang ang pinapangtustos niya sa kanilang araw araw na gastusin.
Gayunpaman, lubhang mapalad siya sa pagkakaroon ng mga mababait na anak. Kahit na salat ang kanilang pamumuhay, ni minsan ay hindi niya naringgan ng reklamo ang mga ito.
Naputol ang kaniyang pag-iisip nang yumakap sa kaniya ang kaniyang bunsong anak na si Jerry, limang taong gulang.
“Nanay!” humahagikhik ng tawag nito bago siya pinupog ng maliliit na halik sa mukha.
“Ang bunso ko! Kumusta naman ang araw mo habang wala ako?” usisa niya habang hinahaplos ang manipis na buhok nito.
“Ok lang po, Nanay. Naglaro lang kami ni Ate dito,” inosenteng sagot nito.
“May gusto ka bang regalo, anak?” maya maya ay muli niyang tanong sa anak.
Agad na nagliwanag ang mukha nito.
“Meron po! Laruan!” masiglang sagot ng bata. Sa mukha nito ay kitang kita niya ang pananabik.
Niyakap niya ang anak.
“Laruan lang pala, eh! Siyempre bibilhin ni Nanay ‘yan!”
Tuwang tuwa na nagtatalon naman ang bata.
Malawak na napangiti na lang si Rosa sa inasta ng anak.
Bisperas ng Pasko. Abala siya sa paghahanda ng simpleng pang-Noche Buena nang marinig niya ang naggagandahang tinig na umaawit ng kantang pamasko mula sa labas ng kanilang bahay.
Agad na sumilip si Wendy sa bintana.
“‘Nay, may nangangaroling!” nanlalaki ang matang balita nito.
Bahagyang natigilan si Rosa at nag-alala.
“Naku, wala na akong ekstrang pera na pambigay sa kanila. Paano na ‘yan?” nag-aalalang bulong niya.
“‘Nay, halika rito! Sobrang galing ng mga kumakanta!” manghang yaya sa kaniya ni Wendy.
Tumungo siya sa pinto upang pagbuksan ang mga ito.
May kakaibang lugod siyang nadama habang pinakikinggan ang malamyos na tinig ng mga ito na sinabayan pa ng gitara.
Namalayan niya na lamang na tapos na ang kanta. Nang idilat niya ang mata niya ang nabungaran niya ang mga kabataang nangangaroling na pawang may malalaking ngiti sa kanilang mga labi.
“Mamamasko po!” nakangiting wika ng mga ito.
Nahihiyang nginitian niya ang mga ito.
“Naku… pasensiya na. Gustong gusto ko ang kanta niyo pero wala akong perang pambigay. Pero maaari niyo kaming saluhan sa simpleng pagkain na hinanda ko,” nahihiyang alok niya sa grupo.
Wala kasi siyang pera at iyon lang ang kaya niyang ialok sa mga ito.
Kitang kita niya ang pagkagulat sa mukha ng mga ito. Nahihinuha niya na na tatanggi ang mga ito kaya naman nagulat siya nang nakagiting sumagot ang lalaking may hawak na gitara.
“Sige po, kung hindi po nakakahiya sa inyo ay tatanggapin namin ‘yan. Nagugutom na rin po kami eh,” wika nito.
Nagtawanan ang mga ito.
Malugod niyang inimbita ang grupo sa loob ng kanilang maliit na bahay.
“Wow, pansit! Paborito ko ‘to! Salamat po!” natutuwang wika ng dalagitang nagpakilalang si Willow nang hainan niya ang mga ito ng pagkain.
Tuwang tuwa naman si Rosa sa reaksiyon ng grupo. Sa gayak ng mga ito, sigurado siya na may kaya ang mga ito kaya nagtataka siya kung bakit nangangaroling ang mga ito.
“Tradisyon na po naming magkakaibigan ito. Sa tuwing papalapit ang Pasko ay nangangaroling kami. Ang mga kinita po namin ay ibinibigay namin sa isang pamilya na sa tingin namin ay nararapat makatanggap ng biyaya,” paliwanag naman ng binatilyong nagpakilalang si Janus.
“Nakakabilib naman kayong mga bata kayo! Kay babata niyo pa ang hangad niyo nang makatulong sa paraang alam niyo! Sigurado akong mapalad ang matutulungan niyo,” sinserong papuri niya sa mga ito.
Habang kumakain ay masaya silang nagkwentuhan, lalo pa’t kaedad ng mga ito si Wendy. Natutuwa siyang nakatagpo pa ng mga bagong kaibigan ang kaniyang anak.
Nang pauwi na ang mga ito ay hindi niya inaasahan na may naghihintay palang sorpresa para sa kanilang pamilya.
Iniabot ni Janus sa kaniya ang isang puting sobre. Nang silipin niya ang laman nun ay napanganga siya nang makita ang malaking halaga.
“Para saan ito, hijo?” nagtatakang tanong niya.
“Natatandaan niyo po ‘yung sinabi ko kanina? Na isang pamilyang nararapat tumanggap ng biyaya ang pagbibigyan namin? Kayo po ang napili namin,” masayang tugon nito.
“Pero bakit ang pamilya namin?” Hindi pa rin siya makapaniwala.
“Nakita po kasi namin na salat kayo sa karangyaan, pero hindi kayo nagdalawang-isip na ibahagi sa amin ang kung anong mayroon kayo sa hapag. Hindi ba’t ‘yun naman po talaga ang tunay na diwa ng Pasko?” nakangiting paliwanag ni Willow.
“Salamat! Higit sa aginaldo na ibinigay niyo sa amin, kayo ang tunay na biyaya,” sinserong pasasalamat niya sa mga ito.
Naisip ni Rosa na mahirap o mayaman ka man, bata o matanda, maaari kang maging biyaya para sa iba.