Inday TrendingInday Trending
Napapansin Niyang Laging Naka-jacket ang Kaklase; Ikinalungkot Niya nang Malaman Kung Bakit

Napapansin Niyang Laging Naka-jacket ang Kaklase; Ikinalungkot Niya nang Malaman Kung Bakit

“Nicole, kumusta?” bati niya sa kaklase na dumaan sa kaniyang harap. Nginitian niya ito.

Akala niya ay hindi siya nito papansinin dahil likas na hindi palakaibigan ang babae ngunit ngumiti ito sa kaniya.

“Ayos naman.”

Pagkatapos ng interaksyon nila ay agad na itong umalis. Sinundan niya ito ng tingin hanggang sa kalabitin siya ng mga kaibigang sina Mona at Julia.

“Yuck, Sab. Bakit kausap mo ‘yung loner na ‘yun?”

Agad na kumunot ang kaniyang kilay sa tanong nito na may kung ano sa tono.

“Kaibigan ko siya. Bakit?” takang tanong niya dalawa.

“Hindi ko alam na may kaibigan ka palang jologs? Tingnan mo ang suot nun, palaging nakasuot ng makapal na jacket. Balot na balot palagi ang buong katawan kahit napakainit ng panahon,” natatawang puna ni Mona.

Totoo naman ang sinasabi ng mga ito. Halos lahat sila ay nagtataka kung bakit mahaba lagi ang manggas ng damit na suot nito, mapamalamig man ang panahon o mainit.

Hindi niya kailanman ito nakita na iba ang porma sa loob ng dalawang taon niyang pagkakakilala dito.

Gayunpaman, ay naniniwala pa rin siyang hindi na sila dapat na mangialam sa kung anuman ang gusto nitong suot.

“Kasi doon siya komportable, ‘wag na natin siyang pakialaman, pwede?” saway niya na lang sa dalawa.

Hindi pa rin natigil ang dalawa kahit na sawayin niya.

“O baka naman totoo ang tsismis na may sakit siya sa balat. Yuck! Galis siguro. Baka nakakahawa! Kaya kung ako sa’yo, Sab, ‘wag ka nang lalapit lapit sa kaniya,” babala pa ni Julia. Rinig na rinig niya sa boses niito ang pandidiri.

Nagpigil ng tawa si Mona at siya naman ay natahimik. Ayaw niya talaga na pinag-uusapan ang mga tao ngunit wala rin naman siyang alam tungkol kay Nicole dahil hindi naman sila ganoong kalapit sa isa’t-isa.

Nang mga sumunod na araw ay palagi niya nang napapansin si Nicole. Mas lalo rin siyang na-curious dito. Napagtanto niya na wala itong kaibigan kahit na isa. Palagi itong binu-bully ng mga kaklase ngunit kahit na ganoon ay hindi ito kailanman lumaban.

Nanatiling walang kibo pa rin ito.

“Lampa!” sigaw dito ni Mona matapos nitong patirin ang babae.

Nagdugo agad ang kamay nito na naitukod sa sahig.

Tumayo siya dahil nasaid na ang pagtitimpi niya kay Mona. Hindi niya maintindihan kung bakit ganoon na lamang nito kung itrato si Nicole gayong wala namang ginagawang masama ang babae.

“Tama na, pwede ba! Sumosobra na kayo! Wala naman siyang ginawang masama para itrato siya niyo nang ganito. Kung hindi pa kayo titigil ay talagang magsusumbong na ako kay Dean,” banta niya sa mga ito.

Tinulungan niya si Nicole na tahimik lamang at inakay niya ito palabas. Sa CR sila dumiretso.

Hinubad nito ang suot na jacket nang nasa loob na sila.

Inabutan niya ito ng tissue para punasan ang nagdurugong sugat nito.

Akmang tutulungan niya ito subalit maagap itong umatras bago umiling. “Ako na ang bahala. Salamat.”

Napatingin din siya sa parte ng braso nito na tila may mga pasa. Nang mapansin nito iyon ay niyakap nito ang sarili.

Iniwas na lamang niya ang tingin dahil ayaw niyang maging hindi ito komportable sa kaniya.

“Sige, hintayin kita riyan sa labas,” paalam niya.

Pumasok ito sa loob ng isang cubicle para ayusin ang sarili habang siya naman ay naghintay dito.

Doon nagsimula ang kanilang pagkakaibigan, habang pinutol niya naman ang pagkakaibigan nila nina Mona at Julia, dahil sobra na ang pambubully ng dalawa.

Sila ang naging malapit ni Nicole. Hindi niya akalain na marami silang pagkakapareho lalo na sa interes. Pareho silang mahilig sa musika at pagpipinta. Marami rin itong talento.

Nakakapanghinayang nga lang dahil siya lang ang nakakakita. Takot kasi ito sa mga tao. Subalit nang tumagal ang kanilang pagkakaibigan ay unti-unting nagbukas ito ng mga saloobin sa kaniya at nagkukuwento ito ng mga pangarap nito.

Ngunit kahit na gaano man sila kalapit ay hindi ito kailanman nagkuwento tungkol sa pamilya nito, o sa mga pasa na itinatago nito sa ilalim ng suot nitong jacket.

Hihintayin niya na magkuwento ito nang kusa, at hindi niya ito pinilit kahit na kailan.

“Sab, ikaw ang pinakamalapit kay Nicole. Alam mo ba kung bakit hindi siya pumapasok? Ilang araw na kasi siyang absent,” usisa ng kanilang guro.

Walang ganang umiling siya bilang sagot sa tanong nito.

Halos isang linggo na siyang walang balita sa kaibigan.

Tawagan niya man ito ay hindi naman ito sumasagot. Hindi rin niya alam kung saan ito nakatira. Nagsisimula na siyang kabahan at mag-alala.

Ilang araw pa ang lumipas bago makarating ang pinakamasakit na balita tungkol sa kaibigan. Wala na raw ito. Sa unang pagkakataon ay nagpunta siya sa bahay nito, at doon niya nakilala ang bata nitong kapatid na si Niko. Ibinigay nito sa kaniya ang kahuli-hulihang liham mula sa kaibigan para sa kaniya.

Ipinaliwanag nito sa kaniya ang lahat ng nangyari. Matagal na pala itong sinasaktan ng ama nito na gumagamit ng ipinagbabawal na gamot. Hindi ito makapagsumbong dahil takot nitong saktan rin ng ama si Niko.

Ikaw ang una at huling kaibigan ko at nagpapasalamat ako sa lahat. Simula noong ipinagtanggol mo ako sa mga nang-aapi sa akin, alam ko na agad na mabuti kang tao.

Humingi rin ito ng tawad dahil mas pinili nitong tapusin na ang lahat dahil pagod na itong mabuhay.

“Sana ay hindi mo sisihin ang sarili mo dahil wala kang pagkukulang sa akin.” Iyon ang huling sinabi nito.

Ipinaaresto nila ang ama nito dahil sa pang-aabuso. Si Niko naman ay kinupkop ng kaniyang pamilya.

Siya ang nag-asikaso ng burol ng kaibigan, at ipinasuot niya rito ang pinakamagarbong niyang bestida.

Napaluha siya nang makita ang braso nitong tadtad ng sugat at pasa.

“Kung sana ay inalam ko na lang talaga,” lumuluhang sambit niya habang nakahawak sa kahong kinalalagakan ng walang buhay niyang kaibigan.

Kaya naman nangako siya sa sarili na babawi siya rito.

Nang makatapos siya sa kolehiyo ay pinili niya na magtayo ng organisasyon na kontra sa pambu-bully at kar@hasan.

Gusto niyang suportahan ang mga biktima at ipaalam sa mga ito na hindi nag-iisa ang mga ito, at may mga kakampi ang mga naaapi.

“Hindi man kita natulungan, Nicole, ipinapangako ko naman na pipilitin kong tulungan ang mga biktima ring kagaya mo,” pangako niya rito nang minsan niyang bisitahin ang puntod nito.

Susubukan niyang tumulong sa mga naaapi sa abot ng kaniyang makakaya nang sa gayon ay wala nang magbuwis pa ng buhay.

Advertisement