Inday TrendingInday Trending
Muntik nang Palayasin ng Lolo ang Apo nang Malaman Niya ang Tunay na Kasarian Nito; Matatanggap Pa Kaya Siya Nito?

Muntik nang Palayasin ng Lolo ang Apo nang Malaman Niya ang Tunay na Kasarian Nito; Matatanggap Pa Kaya Siya Nito?

“Lumayas ka Crisaldo at ayokong makita ang pagmumukha mo! Kahihiyan ka sa pamilya!”

Galit na galit si Lolo Betuel sa kaniyang apong si Crisaldo na nahuli niyang naglalagay ng lipstick sa kaniyang mga labi, habang nakasuot ng kumot na ginawang bestida, may putong na korona, at may hawak na setro. Palakad-lakad ito sa harapan ng malaking salamin at pa-posing-posing pa. Nang makita siya nito, agad nitong inihagis ang kumot at korona sa kama. Subalit hindi naman niya kaagad nabura ang pulang kolorete sa kaniyang mga labi.

“Lolo, sana po tanggapin ninyo ako… ganito po ako. Nararamdaman ko po na isa akong babae na nasa katawan ng isang lalaki. Patawarin po ninyo ako,” umiiyak na pakiusap ni Crisaldo. Yakap-yakap naman siya ng kaniyang lola na si Lola Zenaida.

“Betuel, maghulos-dili ka naman. Apo natin ang pinapalayas mo. Kung ako ang tatanungin mo, tanggap ko ang pagkatao ng apo natin. Para ko na itong tunay na anak dahil nang mawala ang Nanay niya na siyang anak natin, itinuring ko na siyang bunga na nagmula sa aking sinapupunan. Huwag naman nating itakwil ang ating apo sa ganitong pagkakataon,” pakiusap ni Lola Zenaida sa mister.

Dinuro naman siya sa mukha ni Lolo Betuel.

“Kaya lumalaking pasaway ang Crisaldo na iyan dahil kinukunsinti mo! Palagay ko nga ikaw ang may kasalanan kung bakit nagkaganiyan ang apo mo eh. Wala kang ginawa kundi pagbigyan ang mga kapritso niyan, na kung tutuusin ay pawang mga kabuktutan naman!” galit na sumbat ni Lolo Betuel.

“Betuel, naturalmenteng mamahalin at bubusugin ko sa pagmamahal ang ating apo dahil maaga siyang naulila sa mga tunay niyang magulang. Bakit ganiyan ang pag-iisip mo? Tanggapin natin nag buo kung ano ang tunay niyang pagkato dahil walang ibang tatanggap muna sa kaniya kundi tayo rin!” saad ni Lola Zenaida.

“Wala akong apong binabae. Ano na lamang ang sasabihin ng mga kapatiran ko sa fraternity kung malalaman nilang ang kaisa-isa kong apong lalaki ay isang sirena? Isang kahihiyan! Isang kahihiyan!” saad ni Lolo Betuel.

“Lolo Betuel, huwag na po kayong mag-away ni Lola Zenaida. Para matapos na po ang lahat, aalis na lang po ako,” giit ni Crisaldo.

“Hindi ka aalis, Cris! Hindi ka aalis! Maliwanag ba? Nangako kami sa puntod ng iyong ina, na hinding-hindi ka namin pababayaan. Tanggap kita at mahal kita,” pagpigil naman ni Lola Zenaida. Maya-maya, bigla itong kinapos ng hininga at napatibuwal naman. Mabuti na lamang at maagad siyang nasalo ni Crisaldo habang nagtititili. Naitakbo nila ang lola sa pinakamalapit na ospital. Mild stroke sabi ng doktor.

“Kailangan lamang magpahinga ng ilang araw ang pasyente at gagaling din siya,” paalala ng doktor.

Nang makaalis na ang doktor, humingi ng tawad si Crisaldo sa kaniyang Lolo Betuel, na hindi naman maipinta ang mukha.

“L-Lolo… p-patawarin po ninyo ako. Sana po matanggap ninyo ako. Hindi po ako masamang tao. Wala po akong tinatapakang kapwa. Ito po talaga ang pakiramdam ko. Ako po ay babae na nasa katawan lamang ng lalaki,” paliwanag ni Crisaldo.

“Kasalanan mo ito. Kung hindi dahil sa ambisyon mong maging babae, ito ang kinahinatnan ng lola mo. Kapag may nangyaring masama sa kaniya, hindi ko alam kung ano ang magagawa ko sa iyo,” pagbabanta ni Lolo Betuel.

Kaya naman matiyagang inalagaan ni Crisaldo ang kaniyang butihing lola na siyang bukod-tanging nagtatanggol sa kaniya laban sa mga humuhusga sa kaniya. Makalipas ang halos isang linggo ay naging mabilis at mabuti na ang kalagayan nito. Naiuwi na rin nila ito sa bahay. Doon, ibayo ang pag-aaruga ni Crisaldo sa kaniyang lola.

Kahit labag man sa loob, sinimulan na ni Crisaldo na magsuot ng mga damit-pambabae at maglagay ng kolorete sa mukha. Wala siyang pakialam sa sasabihin ng kaniyang mga kapitbahay, basta’t masaya siya at walang nasasaktang iba.

Nang tuluyan nang makarecover si Lola Zenaida. masinsinang kinausap ni Lolo Betuel si Crisaldo.

“Sigurado ka na ba sa desisyon mong babaguhin mo ang iyong sarili? malaking pagbabago iyan sa buhay mo,” tanong ni Lolo Betuel.

“Opo lolo. Dito po ako magiging masaya,” buo ang loob na sabi ni Crisaldo.

“Kung gayon, wala na akong magagawa. Mahal na mahal kita Crisaldo, bilang apo ko at parang sariling anak na rin. Ayokong pagtawanan ka, ayokong insultuhin ka, ayokong masaktan ka kaya tutol ako. Pero hindi ko naman maibibigay ang ikaliligaya ng iyong kalooban. Maging responsable ka lamang,” paalala ni Lolo Betuel.

Niyakap ni Crisaldo ang kaniyang lolo. Tila nawala na ang nakadagan sa kaniyang dibdib na matagal nang nagpapahirap sa kaniya, at nais na niyang makaalpas.

Tuluyang gumaling si Lola Zenaida. Naging transgender naman si Crisaldo na tinawag na sa taguring “Crissy,” at unti-unti naman itong tinanggap ni Lolo Betuel.

Advertisement