Inday TrendingInday Trending
Kung Ano-anong Pampaswerte ang Solusyon ng Ale Para Hindi na Mambabae ang Kaniyang Mister; Sagot nga Kaya Iyon sa Nanlalamig nilang Pagsasama?

Kung Ano-anong Pampaswerte ang Solusyon ng Ale Para Hindi na Mambabae ang Kaniyang Mister; Sagot nga Kaya Iyon sa Nanlalamig nilang Pagsasama?

“Ay talaga ba? Hindi na titingin sa ibang babae ang mister ko kapag nilagay ko ‘to sa kwarto namin?” nanlalaki ang matang tanong ni Nilda sa matandang manghuhula sa gilid ng Quiapo.

“Oo, mars. At susundin ka ng mga anak mo basta nakalagay ‘yan sa kwarto malapit sa inyo. Ano, kukunin mo ba?” tila nang-aakit na sabi nito.

“Ay siyempre! Oh heto bayad. Dalawahin ko na mars, dalawa kasi kwarto namin eh!” excited pa na sabi ng ale. Pag-alis nito ay napa-irap na lang ang matandang manghuhula. Kung ano-ano na kasing pampaswerte ang naibenta niya sa babae ngunit hanggang ngayon ay babaero pa rin ang mister nito, suwail pa rin ang anak. Ewan niya ba kung sadyang mahina lang ang ulo ni Nilda kaya madaling mauto. Wala naman siyang reklamo hanggat kumikita siya, sadyang nawiwirduhan lang siya sa ale.

Pagdating sa bahay ay agad na ipinwesto ni Nilda ang mga maliliit na kristal sa kanilang mga kwarto. Halos wala na siyang mapaglagyan o mapagsabitan kasi puno na iyon ng kung ano-anong abubot pa na pinaniniwalaan niyang nagdadala ng swerte sa kaniya.

“Oh ano na naman ‘yang pinagbibibili mo?” narinig niyang sabi ng mister na si Ronnie.

“Pampaswerte, minamalas ako dahil diyan sa pagmumukha mo eh. Tabi nga! Malamang wala pa ring sinaing. Pareho kayo ng anak mo walang silbi!” singhal ni Nilda sa asawa saka dumiretso sa kusina. Kapag naaalala niyang minsan siyang pinagtaksilan ng asawa ay awtomatikong umaakyat sa ulo niya ang dugo niya. Mahuli ba naman niya ito sa bar sa oras ng trabaho, edi malamang alam na niyang may iba itong babae. Ngayon tuloy ay kada makikita niya ito ay bulyaw agad ang lumalabas sa bibig niya.

Napailing na lamang si Ronnie sa ugali ng asawa. Pagkatapos magkape, inihanda na niya ang sarili niyang gamit papasok sa opisina. Ni pagkain ay ‘di na rin siya pinaghahandaan ng misis.

Taliwas sa iniisip ni Nilda ay talagang tapat sa kaniya ang mister. Ngunit dahil sa kapritso ng matanda nilang boss, pati tuloy relasyon nilang mag-asawa ay nagkalamat. Isang gabi kasi ay sinama sila ng boss sa isang bar sa oras ng trabaho, hindi siya makatanggi dito dahil natatakot siyang matanggal sa trabaho. Sakto naman na may nakakita sa kaniyang kaibigan ni Nilda at isinumbong siya.

Hindi na siya hinayaang magpaliwanang ng asawa at mula noon ay palagi nang malamig ang pakikitungo sa kaniya. Nagsimula itong bumili ng kung ano-anong abubot daw para swertehin ang kanilang pagsasama, ngunit alam ni Ronnie na silang dalawa lang ang may kakayahang makaayos noon at hindi mahika o ano pa man.

Nang gabing iyon, pauwi na sana mula sa opisina si Ronnie nang ipatawag pa siya ng boss at muli na naman silang pinasama sa bar. Tulad ng dati, ‘di niya kayang tumanggi sa matanda. Sinabi niya na lang sa sarili na uuwi siya kaagad kapag lasing na ito.

Nang gabing iyon, disoras na ngunit hindi pa rin umuuwi si Ronnie. Si Nilda ay nagsimula nang maghinala at dinasalan lahat ng pampaswerteng nakakalat sa kaniyang bahay. Nakaidlip na pala siya kakaritwal, naalimpungatan lang siya sa malalakas na katok sa pinto.

Handa na ang kaniyang panghambalos sa mister ngunit bago pa man magsimula ang kaniyang bunganga ay nagulat siya nang tumambad sa kaniya si Ronnie na puro pasa na akay pa ng kaibigan nito sa trabahong si Donis.

“Nilda! Dali at ikuha mo siya ng maiinom,” natatarantang sabi ni Donis at inakay na papasok sa loob ang kaniyang mister na tila walang malay. Nag-aalala namang sumunod kaagad su Nilda at kumuha na rin ng pang-first aid sa mga sugat ng asawa.

“Nasa bar kami kanina kasi hinila na naman kami ng boss namin. Hindi kami makatanggi na samahan si boss kasi natatakot kaming matanggal sa trabaho lalo na’t medyo may edad na kami. Etong si Ronnie kawawa kasi laging utusan ng boss kahit hindi tungkol sa trabaho. Tapos kanina… si boss kasi… binibigyan kami ng babae kanina atsaka alak. Napuno yata si Ronnie kaya nagsabing uuwi na lang, nagalit si boss at pinagbuhatan ng kamay ang asawa mo. Ayan, nagpakalasing dahil p@tay daw siya sa’yo kapag nalaman mo na nawalan siya ng trabahao,” mahabang kwento ni Donis.

Naluha na lang si Nilda sa mga ipinahayag ni Donis. Wala siyang kamalay-malay na ganoon na pala ang pagpapahirap sa kaniyang asawa sa trabaho nito, pero pati sa bahay ay puro panghihinala pa ang inaabot nito sa kaniya.

Simula nang gabing iyon ay itinapon na lahat ni Nilda ang mga pampaswerteng binili niya. Napagtanto niyang hindi mahika o ano pa man ang solusyon para magkaayos silang mag-asawa.

Pagkagising ni Ronnie kinabukasan ay agad itong humingi ng tawad. Ngunit imbes na sampal at masasakit na salita, pag-intindi at pag-aalaga ang ipinakita ni Nilda. Nanibago si Ronnie ngunit labis na galak ang naramdaman niya sa nakitang pagbabago sa asawa. Nagpasya rin siya na simula ngayon, gagawin niya ang lahat upang maibalik ang dating sigla ng kanilang pagsasama, sa kapangyarihan ng pag-ibig, at hindi ng kung ano-anong pampaswerte.

Advertisement