Tinabla ng Ginang ang Matandang Nanghihingi ng Kamatis, Hindi Niya Inakala ang Biyayang Nais Sanang Ibigay Nito sa Kaniya
“Ineng, pupwede ba akong makahingi kahit isang kamatis lang? Isasama ko lang dito sa nabili kong itlog na maalat, wala na kasi akong pera pangbili, eh,” sambit ng isang matandang babae kay Amily, isang umaga habang inaayos niya ang mga paninda niyang gulay.
“Ay, naku, wala na pong libre ngayon. Ang mahal mahal po ng angkat ko r’yan,” sagot niya habang patuloy pa rin sa pag-aayos ng mga gulay na paninda.
“Kahit isa lang naman, ineng, siguro naman hindi ka malulugi ro’n,” pagpupumilit nito dahilan upang bahagya nang tumaas ang dugo niya sa matanda.
“Huwag niyo po akong burautin ngayon, kaaga-aga! Ni wala pa nga akong buena mano, tumataas na agad ang dugo ko! Alam niyo po bang kinse pesos isa ngayon ang kamatis? Tapos hihingiin niyo lang? Kahit kanino po kayo manghingi rito ngayon sa palengke hindi kayo bibigyan dahil sa taas ng presyo ng mga bilihin,” sigaw niya rito dahilan para tumango-tango na lang ito bunsod ng kahihiyan.
“O, sige, ineng, salamat na lang,” tugon nito saka umalis na sa kaniyang puwesto.
“Salamat din po sa pagpapataas ng dugo ko,” sarkastiko niyang pahabol saka umiiling-iling habang muling nagpatuloy sa pag-aayos niya ng paninda.
Mag-iisang dekada nang nagtitinda ng mga gulay sa palengke ang ginang na si Amily. Sa tagal nang pagtitinda niyang ito, ni minsan, hindi niya pinapayagang siya’y malugi. Sa katunayan, upang makakuha lang ng malaking benta sa isang araw, tinataas niya ang bigay sa mga bumibili upang kapag tumawad ang mga ito, makukuha niya ang tamang presyo ng mga gulay na kaniyang ibinebenta.
Sa kagustuhan niya pang kumita ng malaki, kung minsan, dinadaya niya pa ang kaniyang timbangan at kapag nanguwestiyon pa ang mga mamimili o kung kapag napansin ang pandadaya niya, palagi niyang bulyaw, “O, edi sa iba kayo bumili kung ayaw niyong mataas ang benta. Akala niyo ba mura ang gulay ngayon?” dahilan upang malimit, mapilitan ang kaniyang mga mamimili na kuhanin ang gulay niya huwag lamang mapahiya.
Marami mang mamimili ang inis sa kaniya dahil sa ugali niyang ito, hindi naman sila makatiis dahil halos lahat ng klase ng gulay, mayroon siyang tinda.
Sa katunayan, siya ang may pinakamalaking pwesto sa palengke. Mayroon man siyang mga tauhang katuwang, siya pa rin ang malimit na nag-aayos ng mga paninda dahil ayaw niyang makupitan kahit isang gulay at kapag may mga mamimiling tumatawad sa mga ito, katakot-takot na mga salita ang kaniyang binibitawan.
Ito ang dahilan upang ganoon na lang siya magalit sa matandang nanghihingi ng isang kamatis sa kaniya. Ika niya, “Ang kapal naman ng mukha ng matandang iyon, hindi niya ba alam na hindi nga ako kumakagat sa tawad ng mga mamimili ko tapos hihingi siya ng kamatis sa akin?” habang siya’y patuloy sa pag-aayos ng gulay.
Pagkatapos na pagkatapos niyang mag-ayos ng mga gulay, puwesto na siya sa loob ng kaniyang tindahan. Pagkaupong-pagkaupo niya sa harap ng kaniyang kaha, nakita niyang tila nanghihingi rin ng kamatis ang naturang matanda sa isang tinderang hindi kalayuan sa kaniyang pwesto dahilan upang mapailing siya at mapasabing, “Hanep talaga, tingin niya ba may magbibigay sa kaniya? Sa mahal ng bilihin ngayon?”
Ngunit mayamaya, nagulat siya nang abutan ito ng dalawang kamatis ng naturang tindera. Kitang-kita niya kung paano ito lubos na nagpasalamat sa naturang tindera dahilan upang mapatawa na lang siya dahil para sa kaniya, pagsasayang lang ito ng paninda.
Hindi niya lubos inakala ang sumunod na nangyari dahil pagkatapos magpasalamat ng matanda, hindi bababa sa sampung katao ang may bitbit-bitbit na mga supot ng grocery at ito’y binigay sa tinderang iyon kaya labis siyang nagtaka at bahagyang lumapit sa pwestong iyon.
Kitang-kita niya kung paano humugot ng libo-libong pera sa mausing na bag ang matanda at binigay ito sa naturang tindera.
Rinig na rinig niya ang wika nito, “Salamat sa’yo, ineng, ang mabuting loob na katulad mo ang dapat bigyang ng malaking biyaya,” dahilan upang labis siyang manghinayang sa biyayang dapat sana sa kaniya mapupunta kung nagpakatao lamang siya.
Aalis na sana siya sa lugar na iyon nang bigla siyang mapansin ng naturang matanda, hinabol siya nito at sinabing, “Kung mas pahahalagahan mo ang pera kaysa sa tao, malulugi at malulugi ka, ineng,” na labis niyang tinatak sa utak niya.
Simula noon, unti-unti niyang binago ang paraan ng kaniyang pagtitinda. Naging tapat at mabait siya sa mga mamimili dahilan upang dumoble ang kita niya sa araw-araw.