Inday TrendingInday Trending
Labis na Nahumaling sa Kape ang Lalaking ito, Katawan Niya ang Naningil sa Kaniya

Labis na Nahumaling sa Kape ang Lalaking ito, Katawan Niya ang Naningil sa Kaniya

“Mahal, magkakape ka na naman?” tanong ni Linda sa kaniyang asawa, isang hapon nang makita niya itong nag-iinit ng tubig sa kanilang kusina.

“Oo, bakit? Kakain ako ng tinapay, eh, masarap isawsaw sa kape ang tinapay, lalo pa’t ang tigas tigas na ng tinapay natin dito sa bahay,” paliwanag ni Greg saka pinakita sa asawa ang matigas nilang tinapay.

“Maghunos dili ka naman, Greg, sa pagkakape. Noong umaga nakadalawang tasa ka ng kape habang kausap si Mang Elmer, kaninang tanghalian, nakaisa’t kalahating tasa ka naman habang nanunuod ng telebisyon, tapos ngayon, magmemeryenda ka na lang, magkakape ka pa. Gusto mo na ba talagang magkasakit?” wika nito habang tinatago ang kape nila sa bahay.

“Bakit ka ba nagagalit d’yan, ha? Dapat nga magpasalamat ka dahil itinigil ko ang pag-iinom ng alak simula nang mahumaling ako sa kape,” depensa niya habang pilit na kinukuha ang bote ng kape na itinatago ng asawa.

“Nagpapasalamat naman talaga ako, mahal, kaya lang nakakaalarma na ang palagian mong pagkakape, eh,” paliwanag nito ngunit hindi niya ito inintindi at agad na hinablot ang bote sa likuran nito.

“Hayaan mo na ako kung ayaw mong mag-away tayo!” bulyaw niya rito saka muling nagpatuloy sa pagtitimpla ng kape.

Simula nang matanggal sa trabaho ang padre de pamilyang si Greg dahil sa kumakalat na sakit, wala na siyang ginawa sa kanilang bahay kung hindi ang uminom ng kape habang nakikipagtsismisan sa kanilang mga kapitbahay o kung hindi naman, habang nanunuod ng telebisyon.

Natuwa naman noong mga unang linggo ang kaniyang asawa dahil natigil siya sa pag-inom ng alak dahil dito. Ngunit nang makaraan pa ang ilang buwan, napansin nito ang labis niyang pag-inom ng kape. Mapaumaga man, tanghali o gabi, palagi itong umiinom ng kape. Mainit man o malamig, kape ang tila ba ginagawa na niyang tubig dahilan upang labis na itong mag-alala sa kalusugan niya.

Pero dahil nga hindi na niya ito mapigilan, madalas na silang magtalo sa kaugalian niyang ito. Para lang hindi sila mag-away, madalas, hinahayaan na lang siya ng kaniyang asawa kahit pa labag sa kalooban nito.

Noong araw na ‘yon, ilang minuto lang ang nakalipas simula nang magkasagutan sila ng kaniyang asawa, kumulo na ang tubig na kaniyang pinaiinit dahilan upang ihalo na niya ito sa kapeng nakalagay sa baso niya. Nang makapagtimpla na siya ng kape, puwesto na siya sa tapat ng kanilang bahay at doon kinain ang kanilang tinapay habang sinasawsaw sa mainit na kape.

Maya maya pa, habang nasa kalagitnaan siya nang pagkain, dumating ang matanda nilang kapitbahay at sila’y nagkuwentuhan.

Habang nagkukwentuhan, napansin niyang paubos na ang kape niya.

“Teka lang po, Mang Elmer, ha, magtitimpla lang po ako ng kape. Gusto niyo po ba?” alok niya rito.

“Naku, hijo, kakakape ko lang, eh, tubig na lang siguro ako,” sabi nito dahilan upang agad niya itong bigyan ng tubig saka siya nagtimpla ng kape.

Nakita man niyang simangot na simangot na ang kaniyang asawa, hindi niya ito pinansin at patuloy pa ring nagtimpla ng kape.

Palabas na sana siya nang bigla siyang makaramdam ng kirot sa kaniyang tiyan at pagbilis ng tibok ng kaniyang puso dahilan upang mabitawan niya ang tasang hawak at siya’y matapunan nang mainit na kape sa paa.

Agad na nataranta ang kaniyang asawa at siya’y pinaupo saka pinainom ng tubig habang humingi naman ng tulong sa iba pa nilang kapitbahay si Mang Elmer upang maisugod na siya sa ospital dahil iba na ang nararamdaman niyang pagsakit ng tiyan.

Ilang oras lang nang pamamalagi sa ospital, napag-alaman nang mayroon siyang sakit sa sikmura na labis niyang ikinatakot.

“Madadala naman po ito sa gamutan, sir, ngunit kailangan niyo pong tigilan ang pag-inom ng kape. Nabanggit po ng asawa niyo na pagkagising niyo, kape agad ang iniinom niyo at tila ito na ang ginagawa niyong tubig na hindi po talaga maganda sa kalusugan niyo. Kung ayaw niyo pong tumigil sa pagkakape, lalala po ang sitwasyon niyo. Kayo po ang mamili, sir,” payo ng doktor dahilan upang mangako siyang babawasan na ang pag-inom ng kape.

Napagtanto niya ring hindi niya dapat inaaway ang asawa dahil sa pagpigil nito sa kaniya dahilan upang labis siyang humingi ng tawad dito.

Hinahanap-hanap man niya ang lasa at init ng kape sa kaniyang katawan, pinili niya itong pigilan kaysa lumala ang sakit niya’t maaga niyang maiwan sa mundong ito ang kaniyang mag-iina.

Advertisement