Inday TrendingInday Trending
Nagtaka ang Dalaga Nang Surpresahin Siya ng mga Katrabaho, Mayroon Palang Ibang Gumagamit ng Pangalan at Litrato Niya

Nagtaka ang Dalaga Nang Surpresahin Siya ng mga Katrabaho, Mayroon Palang Ibang Gumagamit ng Pangalan at Litrato Niya

“Anong mayroon? Holiday ba? Bakit walang tao rito sa opisina? Diyos ko, baka nagkamali na naman ako ng pasok!” sambit ni Gina sa sarili saka binuksan ang selpon niya upang tingnan kung anong petsa na ngayon.

Ngunit bago pa man niya makita ang petsa ngayong araw, bigla nang bumukas ang ilaw sa kanilang opisina at nagsilitawan ang kaniyang mga katrabaho.

“Happy birthday, Gina!” sabay-sabay na bati ng mga ito habang may sari-sariling bitbit-bitbit na lobo at mga pagkain.

“Ako? Ako ba ang sinusurpresa niyo? Teka, hindi ko naman kaarawan, eh, sa isang taon pa ang kaarawan ko,” wika niya dahilan upang magtaka ang kaniyang mga katrabaho.

“Sigurado ka ba? Nakalagay kasi sa social media account mo, kaarawan mo ngayon,” sagot ng isa niyang katrabaho dahilan upang siya’y mapaisip na rin.

“Paano mo po malalaman, eh, hindi naman tayo friend sa mga social media account ko? Wala pa po akong friend sa inyo,” sambita niya.

“Naku, mukhang may ibang gumagamit ng pangalan at litrato mo,” sabi pa nito, “Sayang ang preparasyon namin, Gina,” dagdag pa nito habang umiling-iling.

“Pasensiya na po kayo, papareport ko na lang po ang account na ‘yon,” nakatungong tugon niya, bakas sa mukha ng kaniyang mga katrabaho ang pagkadismaya.

Bago pa lang sa trabaho ang dalagang si Gina. Dahil nga siya’y baguhan pa lang, tutok na tutok siya sa kaniyang trabaho. Marami pa kasi siyang hindi alam at gamay sa trabahong nakaatas sa kaniya dahilan upang kahit saglit na pagkakataon sa loob ng isang buwan niyang pagtatrabaho rito, hindi man lang niya nagawang makipagkaibigan sa kaniyang mga katrabaho.

Pagkauwi niya namang galing trabaho, agad na siyang natutulog upang maipahinga ang katawan. Sa katunayan, madalas hindi na niya nagagawang tingnan ang kaniyang selpon at kung minsan pa, hindi na siya nakakakain dahil sa labis na kapaguran.

Kaya naman noong araw na ‘yon, labis siyang nagtaka dahil nadatnan niyang walang tao sa kanilang opisina. Akala niya, pumasok na naman siya kahit wala silang pasok katulad noong unang linggo niya sa kumpanyang iyon.

Ngunit labis pa siyang nagtaka sa surpresang ginawa ng mga katrabaho niya at doon niya nalamang may gumagamit na pala ng pangalan at litrato niya sa social media na kumokonekta pa sa social media ng kaniyang mga katrabaho.

Pagkauwi niya galing trabaho, agad niyang tiningnan ang account na iyon at ipinareport sa kaniyang mga kaibigan.

“Mabuti na lang at nasabi sa akin ‘to ng mga katrabaho ko, baka mamaya may masamang gawin ang nasa likod ng account na ito at ako ang mapahamak,” sabi niya.

Ngunit ilang buwan lang ang nakalipas, nagulat na naman siya nang bigla siyang singilin ng limang libo ng isa niyang tiyahin.

“Pambihira ka naman, Gina! Ngayong araw nang singilan, itatanggi mo ang utang mo. Samantalang noong nakaraang linggo, nagmakaawa ka sa akin na pahiramin ka ng pera pangpagamot ng nanay mo!” bulyaw nito sa kaniya na labis niyang kinagulat.

“Teka lang po, tita, wala naman pong sakit si mama. Hindi po ako ‘yan,” depensa niya.

“Paanong hindi ikaw ‘to, ha? Ayan, o, pangalan at litrato mo ang nagmensahe sa akin!” galit na sambit pa nito saka ipinakita sa kaniya ang account na nagmensahe sa dahilan upang mapabuntong hininga na lang siya dahil mayroon na namang gumamit sa kaniya.

Narinig ito ng kaniyang ina dahilan upang masinsinan itong kausapin. Muli niyang ipinareport ang account na ‘yon sa mga friends niya sa social media at doon niya nalamang nangutang din pala ang account na ito sa iba pa niyang kamag-anak at kaibigan.

Hindi na niya alam ang gagawin noong pagkakataong iyon dahil marami ang naloko at nahuthutan ng naturang account na iyon.

Kaya naman, laking pasasalamat niya nang tulungan siya ng kaniyang boss sa problema niyang ito. Napansin kasi nito na nawala ang sigla sa kaniyang mukha dahilan upang kausapin siya nito.

Mabuti na lang, marami itong kaibigang propesyonal na maalam sa iba’t ibang teknolohiya dahilan upang matunton nila ang taong gumamit ng kaniyang pangalan at litrato at ito’y maikulong.

Doon na siya tila nabunutan ng tinik sa dibdib dahilan upang labis siyang magpasalamat dito.

“Sa susunod, Gina, ipribado mo ang mga account mo para hindi makita ng mga taong hindi konektado sa’yo ang mga litrato mo,” payo nito sa kaniya na agad niyang sinang-ayunan.

Simula noong araw na ‘yon, binigyang pansin na niya ang mga social media account niya at nilimitahan na niya ang mga impormasyong kaniyang nilalagay doon pati na ang kaniyang mga litrato upang maprotektahan niya kaniyang pagkatao.

Advertisement