Inday TrendingInday Trending
Palaging Nabubungangaan ang Dalaga dahil sa Kapalpakang Taglay, Isang Dalaga ang Nagpatunay na Mayroon din Siyang Nagagawang Tama

Palaging Nabubungangaan ang Dalaga dahil sa Kapalpakang Taglay, Isang Dalaga ang Nagpatunay na Mayroon din Siyang Nagagawang Tama

“Diyos ko naman, Jenny! Wala na bang araw na darating na hindi ka papalpak, ha? Hindi ba’t ang bilin ko sa iyo, ‘yong malaking kahon, kay Mrs. Go habang ‘yong maliit na kahon naman, kay Mr. Ong! Ilang beses ko pang inulit sa’yo bago ka umalis, may pangalan din sa mismong kahon kung kanino mo ibibigay, tapos nagkamali ka pa rin?” galit na bulyaw ni Aling Tes sa kaniyang anak, isang umaga nang makatanggap siya ng reklamo mula sa isa niyang customer na mali ang natanggap nitong bilang ng produkto.

“Nawala lang po sa isip ko, mama, pasensya na po, kukuhanin ko na lang po ulit at ibibigay sa totoong may-ari,” nakatungong sagot ni Jenny saka kinuha ang susi ng kinakalawang nilang sasakyan.

“Ewan ko ba bakit ganyan kapurol ang utak mo! Pinainom naman kita ng gatas at bitamina noon! ‘Yan na nga lang ang maitutulong mo sa negosyo natin, palagi ka pang palpak!” sigaw pa nito sa kaniya dahilan upang mapatigil na lang siya dahil sa sakit ng mga binibitawan nitong salita.

“Pasensiya na po,” tangi niyang sagot habang pasakay ng sasakyan.

“Dalian mo, kuhanin at ibigay mo na sa totoong may-ari ‘yon! Sayang ang oras ko sa’yo, imbis na maraming madedeliver ngayon!” bulyaw pa nito dahilan upang agad niyang mapaandar ang kanilang sasakyan.

Ang dalagang si Jenny na lang ang naaasahan ng kaniyang ina sa negosyo ng kanilang pamilya. Pawang may mga asawa’t anak na kasi ang dalawa niyang nakatatandang kapatid dahilan upang kahit lingid sa kagustuhan niya ang maging taga-deliver ng mga order na produkto, wala siyang magawa kung hindi ang sundin ang utos ng kaniyang magulang, lalo na ang kaniyang ina at pagtiisan ang bunganga nitong mala-armalite.

Hindi na rin naman siya nagtataka kung bakit laging ganito ang kaniyang ina. Naiintindihan niya ito dahil totoong mahina siya makaintindi. Kahit ilang ulit na ibilin sa kaniya kung kanino idedeliver ang iba’t ibang produkto, madalas niya itong napaghahalo-halo sa utak niya dahilan upang halos araw-araw magalit ang kaniyang ina sa kapalpakan niya.

Sa katunayan, tinuturing nitong himala ang pagkatuto niyang magmaneho pati na ang pagiging matandain niya sa mga lugar na pinupuntahan niya na labis na kinasasama ng loob niya.

Ngunit dahil nga ito pa ang nagpapakain sa kaniya, wala siyang magawa kung hindi ang labis na magpakumbaba sa pamamagitan ng paghingi ng tawad dito at sarilihin ang sama ng loob na tuwing gabi’y ikinuwento niya sa Panginoon.

Noong araw na ‘yon, habang mangiyakngiyak siyang nagmamaneho patungo sa bahay ng isa nilang customer upang bawiin ang maling produktong nabigay niya, naagaw ng isang dalaga ang atensyon niya, pansin niyang halos sampung taon ang tanda niya rito.

Nakatungo ito at tila umiiyak sa gilid ng kalsada habang may hawak na bulaklak dahilan upang tigilan niya ito at tanungin, “Naghihintay ka ba ng masasakyan?” tumango-tango lang ito, “Gusto mo ba ihatid na kita sa pupuntahan mo?” tanong niya pa, nagpunas lang ito ng luha at muling tumango sa kaniya dahilan upang pagbuksan niya ito ng pinto.

“Saan kita ihahatid, hija?” magiliw niyang tanong sa dalagang hanggang ngayo’y umiiyak pa rin.

“Sa sementeryo po,” tanging sagot nito saka nagpatuloy sa pag-iyak dahilan upang siya’y mabagabag na.

“Hija, ako si Ate Jenny, hindi ko alam kung anong pinagdadaanan mo, siguro marami ka ring sama ng loob o problema katulad ko, pero lagi mong tandaan, ano man ‘yon, tiyak ginagamit ng Diyos ‘yan para patatagin ka. Mahal ka Niya, kaya dapat lumaban ka, ha?” sabi niya rito, muli lang itong tumango at tumahimik hanggang sa maihatid na niya ito sa sementeryo.

Sinubukan niya itong sundan upang makita kung saan ito magpupunta kahit alam niyang bubungangaan na naman siya ng kaniyang ina dahil sa tagal niya.

Tumigil ang dalaga sa isang puntod, inilagay nito ang hawak na bulaklak at kinausap ang naturang puntod.

“Mama, akala ko hindi ko na matutuloy ang pangako ko sa’yo na dalhan ka ng bulaklak kada buwan. Balak ko na po kasing sanang tapusin ang buhay ko pagtapos kitang bigyan ng bulaklak ngayong araw. Pero may isang babae na nagpakita sa akin ng kabaitan, si Ate Jenny, kapangalan mo, mama. Naligtas niyo po akong dalawa,” hagulgol nito dahilan upang siya’y mapaluha na rin.

“Salamat sa Diyos, may mabuti rin pala akong magagawa ngayon,” bulong niya.

Bago pa siya mapaiyak nang todo, nakatanggap na siya ng mensahe mula sa kaniyang ina dahilan upang agad na siyang humangos pabalik sa kaniyang sasakyan at gawin ang inuutos nito.

Hindi man kasing talas ng iba ang memorya niya, mayroon naman siyang butihing pusong nakapagsalba ng isang buhay.

Advertisement