Ikinulong ng Binata ang Kaniyang Kapatid upang Dumalo sa Isang Pagdiriwang; Wala na Siyang Naabutan sa Kaniyang Pag-uwi
“O, Jimuel! Akala ko ba hindi ka makakapunta dahil may alaga ka ngayon?” bati ni Manny sa kadarating lang na kaibigan, isang gabi habang siya’y naghahanda sa pagdiriwang ng kaniyang kaarawan.
“Siyempre, pare, pag gusto, palaging may paraan,” kumpiyansadong sagot ni Jimuel habang sumasayaw-sayaw pa dahilan upang magtawanan ang iba pa nilang tropa.
“Naku, parang kinakabahan ako sa paraang ginawa mo, ha?” tugon nito saka umarteng para bang natatakot kaya agad siyang napatawa.
“Hindi naman, pare, kinulong ko lang naman sa kwarto ‘yong kapatid ko para makapunta ako rito. Huwag kang mag-alala, tulog naman siya nang iwan ko at pinagtimplahan ko pa ng gatas. Kapag kasi naaalimpungatan ‘yon, gatas lang ang katapat para matulog ulit. Panigurado, madadatnan ko pa ‘yong tulog pagkauwi ko,” kwento niya dahilan upang mapailing ang kaniyang mga tropa habang nagtatawanan.
“Sigurado ka, ha? Labas ako sa kalokohan mong ‘yan, ha? Ayoko na mahagupit ng sinturon ng nanay mo!” patawa-tawang sagot nito saka pinakita ang latay na gawa ng kaniyang ina rito nang minsan silang mapabarangay dalawa dahilan upang humagalpak siya ng tawa.
“Oo, naman!” sagot niya, “O, simulan na ‘yan!” dagdag niya pa saka binuksan ang alak na nakahanda sa kanilang lamesa dahilan para maghiyawan ang kanilang buong tropa.
Sakit sa ulong panganay ang binatang si Jimuel. Noon pa mang nasa elementarya pa lang siya, nakitaan na siya ng kaniyang ina ng katarantaduhan sa katawan dahil sa mga pinaggagagawa niya sa loob ng silid aralan kahit na walang nagtuturo sa kaniya.
Hindi mabilang ang mga kaklaseng napaiyak niya dahil sa mga kalokohan niyang ito. May mga kaklase siyang tinaguan ng bag, tinusok ng lapis, ginupit ang buhok at marami pang katarantaduhan na talaga nga namang nagbigay ng malaking sakit sa ulo sa kaniyang mga magulang.
Ito ang dahilan upang siya’y labis na tutukan ng mga ito hanggang siya’y makapagtapos na ng hayskul. Nang matantiya na ng mga ito na siya’y bahagya nang tumino, ro’n na siya sinundan ng mga ito ng isang magandang bata.
Ngunit kahit pa ganoon, pasimple pa rin siyang gumagawa ng kalokohan ngayong nasa kolehiyo na siya. Sa katunayan, walang linggong hindi siya lumiliban sa klase. Kung minsan pa, hihingi pa siya ng pera sa kaniyang ina pangbayad daw sa kanilang proyekto ngunit ito’y pinang-iinom niya lamang.
Noong gabing ‘yon, ibinilin sa kaniya ng kaniyang ina ang dalawang taong gulang niyang kapatid dahil ito’y kailangan sa trabaho, sa kagustuhan niyang makadalo sa kaarawan ng kaniyang matalik na kaibigan, kinulong niya sa kwarto ang natutulog niyang kapatid saka siya tumakas upang magpunta sa kaibigan.
Ngunit, hindi niya inasahang noong gabing iyon, siya’y malalasing nang todo. Pilit man kasi siyang tumanggi sa mga alak na ibinibigay ng mga tropa niya sa kaniya, tinutukso siya ng mga ito nang “mahina” dahilan upang palagan at lagukin niya ang ilang baso ng alak na bigay sa kaniya. Ito ang dahilan upang doon na siya magpalipas ng gabi sa bahay ng kaniyang matalik na kaibigan.
Kinaumagahan, nagising siya sa tawag ng kaniyang ina.
“Jimuel, anak, kumusta si bunso?” bungad nito dahilan upang maalala niyang kinulong niya nga pala ito sa kanilang bahay.
Hindi na niya nasagot ang ina at nagmadali na siyang umuwi sa kanilang bahay. Nakita niyang bukas ang kanilang bahay at wala ang kapatid niya sa silid kung saan niya ito kinulong. Nakita niya pang nakataob ang bote ng gatas nito dahilan upang labis siyang mataranta at magsisisigaw ng, “Bunso! Bunso! Nandito na si kuya!” habang pinipigil niya ang luha bunsod ng labis na kaba.
Hindi niya alam ang gagawin noong mga oras na ‘yon. Kung anu-ano na ang pumapasok sa isip niya dahil hindi niya mapapatawad ang sarili kung may nangyaring masama rito at alam niyang kamumuhian pa siya ng kaniyang mga magulang.
Nagtanong-tanong siya sa kanilang mga kapitbahay at isang sagot mula sa katapat nilang bahay ang labis na nagpalambot sa kaniyang mga tuhod.
“Narinig kong may batang umiiyak kaya sumilip ako d’yan sa inyo mula sa bintana namin, may nakita akong isang lalaking umakyat ng gate niyo at nagbukas ng bahay niyo. Akala ko naman, ikaw ‘yon kaya hindi na ako tumawag sa barangay,” sambit nito dahilan upang mapaiyak na lang siya sa kalsada.
Tatawag pa lang sana siya sa kaniyang ina nang padalhan na siya nito ng mensahe, “Tarantado ka talaga, ano, matututo ka na? Sunduin mo si bunso rito sa trabaho ko at magpasalamat ka sa tito mo! Mabuti na lang at narinig niyang umiiyak si bunso! Diyos ko, babawian talaga kita ng buhay, isang beses pang mangyari ‘to!” dahilan upang mabunutan siya ng tinik at mapaiyak na lang sa sobrang sayang nasa mabuting lagay ang kaniyang bunsong kapatid.