Inday TrendingInday Trending
Pinagyayabang ng Ginang ang Kaniyang mga Alahas sa mga Kamag-anak, Tiyahin Niya ang Nagbukas sa Sarado Niyang Isip

Pinagyayabang ng Ginang ang Kaniyang mga Alahas sa mga Kamag-anak, Tiyahin Niya ang Nagbukas sa Sarado Niyang Isip

“Tita, tingnan mo, o, may bago na naman akong kwintas! Alam mo ba kung magkano ‘to? Labing siyam na libong piso lang naman!” sabik na sabik na bungad ni Edna, isang araw nang dalawin niya ang isa niyang tiyahin sa bahay nito upang ipagyabang ang bagong bili niyang alahas.

“Grabe, ang laking pera naman no’n, hija! Hindi ka ba nanghihinayang sa pera mo?” tanong nito na ikinakunot ng noo niya.

“Bakit naman ako manghihinayang, tita? Eh, ito na lang ang nakapagbibigay ng saya sa buhay ko,” depensa niya pa habang ipinapakita ang iba niya pang alahas lulan ng isang kahon na kinuha niya sa kaniyang bag.

“Kung ako sa iyo, imbis na ubusin mo ang pera mo sa mga alahas na ‘yan sa buong katawan mo, bakit hindi na lang ang anak mo ang pagkagastusan mo, ha?” payo pa nito dahilan upang mang-init na ang ulo niya, pakiramdam niya, nais nitong mangialam sa buhay niya.

“Pinaggagastusan ko rin naman po ang anak ko, ano! May sarili pa ngang tagapag-alaga ‘yon, may mga magagandang laruan at maraming laruan!” pabalang niyang tugon.

“O, e ‘di magnegosyo ka naman para mas lumago ang pera mo,” mahinahong payo nito.

“Naiinggit ka ba sa akin, tita? Bakit parang lahat na lang ng ginagawa ko, may nasasabi ka?” masungit niyang tanong dito dahilan upang ito’y mapailing at mapainom ng tubig na nasa harapan nilang dalawa.

Simula nang iwan ng kinakasama, ang pangongolekta na ng alahas ang naging libangan ni Ella. Rito niya binubuhos ang halos lahat ng sweldo niya at kung may matira mang pera, ito ang ginagastos niya upang makabili ng gamit at pangangailangan ng dalawang taong gulang niyang anak katulad na lamang ng gatas nito.

Wala naman kasi siyang problema pagdating sa bahay at mga bayarin katulad ng kuryente at tubig dahil sa puder pa rin siya ng kaniyang ina naninirahan. Ito ang dahilan upang mabili niya lahat ng gusto niyang alahas kahit ano mang mahal nito.

Ibang saya ang nararamdaman niya sa tuwing suot niya ang nagmamahalang alahas na ito. Lalo pa kapag naaagaw niya ang atensyon ng mga taong nakakasalubong niya.

“Tiyak, inggit na inggit ang mga ‘yan sa kinang ng ginto kong alahas!” lagi niyang bulong sa sarili.

Sa katunayan, kada may bago siyang alahas, iisa-isahin niyang pupuntahan ang kaniyang mga tiyahin at pinsan para lang ipagmalaki ito.

Ang iba’y natutuwa dahil nakukuha niya kung anong gusto niya buhay ngunit ang isa niyang tiyahin, palagi na lang siyang pinagsasabihan na labis niyang ikinaiinis. Ayaw man niyang dumaan dito dahil sa mga payo nitong lingid sa kagustuhan niya, sa kadahilanang nais niyang ipagyabang ang alahas niya sa anak nitong walang trabaho, wala siyang magawa kung hindi ang dumaan pa rin sa bahay nito.

Noong araw na ‘yon, matapos uminom ng tubig ng kaniyang tiyahin, dumikwatro ito sa harap niya at sumandal sa sofang inuupuan.

“Alam mo, maiinggit ako sa iyo kung totoo kang masaya. ‘Yang mga alahas mo, ‘yang malaking perang mayroon ka, walang saysay ‘yan kung malungkot ka naman tuwing gabi,” sabi nito na ikinatigil ng mundo niya, “Wala akong ibang hangad kung hindi ang maging tunay na masaya ang mga kamag-anak ko kaya pinapayuhan ko sila base sa mga pinagdaanan ko. ‘Yang mga alahas mo, nagsisilbi lang na maskara para masabi lang na masaya ka. Pero kung masaya ka talaga, bakit kailangan mo pang magbahay-bahay para ipagyabang ‘yan? At magalit kapag pinagsasabihan?” dagdag pa nito dahilan upang mapatungo siya at unti-unti nang maiyak.

Bago pa man tumulo ang luha niya, agad na siyang umalis sa harap nito at habang naglalakad, doon niya labis na napagtantong tila tama nga ang tiyahin niyang ito.

Walang gabing hindi siya umiiyak dahil sa pag-iwan ng kinakasama niya sa kanilang mag-ina. Gabi-gabi niyang kinukwestiyon ang halaga niya habang pigil na umiiyak huwag lang magising ang anak niyang payapang natutulog sa tabi niya.

Kahit anong titig niya sa mga alahas niya sa mga oras na ‘yon, hindi tunay na saya ang nararamdaman niya.

Simula noon, unti-unti niyang binago ang kaniyang pag-uugali. Sinunod niya ang payo ng kaniyang tiyahin at mas nilapit ang puso rito dahil pakiramdam niya, ito ang labis na makakaintindi sa kaniya kahit pa ito’y pinagsalitaan niya.

Binenta niya ang kaniyang mga alahas upang makapagpatayo ng sariling negosyo sa tapat ng kanilang bahay na hindi kalaunan, yumabong at naging susi ito sa matagumpay na buhay na pangarap ng kaniyang mga magulang para sa kaniya.

Advertisement