Inday TrendingInday Trending
Nagalit ang Babae sa Kaniyang Ina nang Pagsabihan Siya Nito tungkol sa Pera, Panghihinayang sa Hiram na Oras nito ang Naranasan Niya

Nagalit ang Babae sa Kaniyang Ina nang Pagsabihan Siya Nito tungkol sa Pera, Panghihinayang sa Hiram na Oras nito ang Naranasan Niya

“Anak, baka naman pupwede mo nang bilhan ng bagong damit ang anak mo imbis na ginagastos mo lang sa mga kaibigan mo ang buong sahod mo,” payo ni Aling Mildred sa kaniyang anak saka pinakita ang lumang damit na suot ng karga niyang bata, isang umaga habang ito’y nag-aalmusal.

“Binibili ko naman ng damit ‘yan, mama, ha? Saka, bakit ba pinakikialaman mo na ngayon ang pera ko?” galit na tugon ni Carmela rito saka humigop ng kape.

“Eh, anak, napapansin ko kasi na luma na ang mga damit ng anak mo, kawawa naman,” tugon pa nito na lalo niya pang kinainis.

“Talagang sa’yo pa galing ‘yan, ha? Hindi ba’t ganyan ka rin sa akin dati? Mas inuuna mo pa nga ang bisyo mo kaysa sa biscuit na iniiyak ko!” sumbat niya rito dahilan upang sigawan na rin siya nito.

“Aba, sobra ka na, ha! Nagbago naman ako, hindi ba? Alam kong mali ‘yon kaya huwag mo nang gayahin! Wala kang utang na loob!” bulyaw nito sa kaniya, nagsimula nang umiyak ang isang taong gulang niyang anak dahilan para lalo siyang marindi.

“Wala talaga! Lalo na kung walang kwenta ang pag-uutangan ko ng loob! Mabulok ka d’yan, hindi kita tutulungan! Akin na ang anak ko!” sigaw niya pa sa sapilitang hinablot ang kaniyang anak mula sa mangiyakngiyak niyang ina.

Nang makahanap ng trabaho, isang taon matapos ang kaniyang panganganak, nag-iba ang pakikitungo ni Carmela sa kaniyang ina.

Kahit ito pa ang nag-aalaga sa kaniyang anak tuwing siya’y nagtatrabaho, isang salita lang nito sa kaniya, pakiwari niyang naririndi na agad siya dahilan upang madalas, hindi siya umuwi sa kanilang bahay at manatili kasama ang mga katrabaho niya sa iisang bahay na kanilang inuupahan.

Doon niya halos nauubos ang kaniyang sahod at sa tuwing hihingi ang kaniyang ina panggatas o pangbili ng gamit ng kaniyang anak, palagi siyang nagagalit dito at kinukwestiyon ang pangingialam nito sa perang pinaghihirapan niya.

Palagi niya pang sumbat dito, “Noong bata nga ako ni hindi mo ako mabilhan ng mga gusto kong pagkain dahil sa bisyo mo, ngayon, gusto mong buong sahod ko, ibigay ko sa batang ikaw lang ang may gustong bumuhay?”

Ang ina niya lang kasi ang nais na bumuhay sa batang iyon, siya pati ang dati niyang nobyo, nais nang ipalaglag ang sanggol na iyon noong una palang. Ngunit dahil nga ayaw ng kaniyang ina na siya’y magkasala, labis siyang pinigilan nito.

Ngunit kahit pa ganoon, galit pa rin ang umigting sa kaniya. Ilang linggo matapos niyang makipagsagutan sa kaniyang ina, muli siyang bumalik sa bahay na tinutuluyan nito upang kuhanin ang ilang gamit ng kaniyang anak na pinapaalaga niya na lang sa kaniyang kaibigan.

Ngunit labis niyang pinagtaka ang mga gulo-gulong gamit na tumambad sa kaniya.

Alam niya kasing kahit ni minsan, hindi hinahayaan ng kaniyang ina na magulo ang kanilang bahay at ganoon na lang siya nanlambot nang makitang nakahiga at tila wala nang malay ang kaniyang ina sa kanilang sofa.

“Mama!” sigaw niya saka agad na humingi ng tulong sa kanilang mga kapitbahay doon.

Sa ospital niya napag-alamanang mahina na pala ang kaniyang ina dahil sa sakit nito sa baga. Bawal na pala ritong magkikikilos noon pa man dahil mabilis na itong mapagod.

Doon niya naalala ang pagod ng kaniyang ina para sa kaniya at sa kaniyang anak noong siya’y bagong panganak na halos pati paglalaba ng kanilang damit mag-ina, ito ang gumagawa.

Mangiyakngiyak niya itong niyakap habang tulog sa naturang ospital.

“Patawarin mo po ako, mama, pasensiya ka na kung sinabi kong kahit anong mangyari sa’yo, hindi kita tutulungan. Pasensiya ka na, dahil ngayon alam ko nang isa ako sa mga dahilan kung bakit ka nagkakaganiyan ngayon,” hikbi niya saka muling niyakap ang kaniyang ina.

Simula noon, labis siyang bumawi rito. Tuwing wala siyang pasok sa trabaho, siya ang nagbabantay, nagpapakain at nagpapaligo rito. Ayaw na ayaw niya ring iiwan itong mag-isa kaya naghanap siya ng pwede nitong makatulong sa tuwing nasa trabaho siya at bukod pa roon, sa tuwing sahod niya, binibili niya ito ng mga damit na labis namang ikinatutuwa nito.

“Siguro kung dati ko pa ginawa ‘to, nasulit ko ang hiram na oras ng aking ina. Ang saya pala sa pakiramdam na kasundo ang nanay mo. Totoo ngang walang nais ang mga magulang kung hindi ang mapabuti ang kanilang mga anak,” sambit niya sa sarili habang pinagmamasdan ang kaniyang inang nilalaro ang palakad-lakad niyang anak.

Advertisement