Inday TrendingInday Trending
Iniisip ng Dalaga na Peperahan lang ng Kaniyang mga Kamag-anak ang Sikat Niyang Nobyo, Aral ang Napulot Niya mula Rito

Iniisip ng Dalaga na Peperahan lang ng Kaniyang mga Kamag-anak ang Sikat Niyang Nobyo, Aral ang Napulot Niya mula Rito

“Liesel, bakit hindi mo naman pinapunta ang nobyo mo rito? Matagal ko nang gustong makita ‘yon, eh,” sambit ni Aling Dori sa kaniyang pamangkin, isang tanghali habang sila’y salu-salong kumakain ng pananghalian sa bahay ng kaniyang kapatid.

“Para, ano, hingian niyo ng pera?” diretsong tanong ni Liesel na ikinagulat nilang lahat.

“Ay, Diyos ko, hanep ka naman magsalita, hija! Gusto lang makita ang nobyo mo, ganiyan na ang iniisip mo!” sambit nito dahilan upang siya’y mapangisi. “Bakit, hindi ba? Panigurado, kukuhanin niyo lang ang loob noon tapos magdadrama na kayo para bigyan kayo ng pera,” tugon niya pa habang hinihiwa ang baboy na nasa kaniyang plato.

“Hoy, ayus-ayusin mo ang pananalita sa nanay ko, ha! Nagkaroon ka lang ng sikat na nobyo, lumabas na ang tunay na ugali mo!” sabat ng isa niyang pinsan, tinignan niya muna ito nang masama saka uminom ng tubig.

“Hindi ko kailangan ang opinyon mo, buhay mo nga hindi mo maayos, eh. May tatlong anak sa iba’t ibang lalaki pero wala pa ring asawa hanggang ngayon?” taas kilay niyang wika rito dahilan upang ito’y magwala.

“Sumosobra ka na! Kapag ikaw iniwan niyan, huwag kang lalapit sa amin!” sigaw nito habang dinuduro sa kaniyang mukha ang sandok na nahablot mula sa pagkainan.

“Talaga!” sigaw niya rin saka pumasok na sa kaniyang silid, pati kaniyang ina, napatulala na lang sa ugaling pinakita niya.

Simula nang magkanobyo ng isang sikat na basketbolista sa bansa, lumayo na ang loob ng dalagang si Liesel sa kaniyang mga kamag-anak. Pakiwari niya kasi, peperahan lang ng mga ito ang pinakamamahal niyang lalaki.

Sa katunayan pa nga, sa tuwing dadalaw ito sa kanila, sinisigurado niya munang hindi pupunta ang kaniyang mga tiyahin. Dahilan niya, “Tiyak, kapag nakapalagayan nila ng loob ang nobyo ko, sa tuwing kailangan nila ng pera, hihingi sila ro’n! Ayokong hiwalayan ako no’n dahil sa kanila!”

May mga araw pa ngang kahit sarili niyang ina, dinidistansiya niya rito. Ni ayaw niyang itong ipakausap o kahit padalhan man lang ng mensahe sa mga social media accounts nito at kapag ginawa iyon ng kaniyang ina, ganoon na lang siya nagagalit dito.

Noong araw na ‘yon, nang mapakiramdaman na niyang umalis na ang kaniyang mga tiyahin, agad na niyang tinawagan ang kaniyang nobyo upang magpunta sa kanilang bahay.

“Ang tagal kasi magsikain ng mga p@tay-gutom, eh! Ayan tuloy anong oras na makakapunta rito ang pinakamamahal kong binata!” inis niyang sambit habang tinatawagan ang naturang binata.

Ilang segundo lang, sinagot na nito ang kaniyang tawag ngunit labis siyang nagtaka dahil boses ng isang babae ang sumagot dito.

“Sino ‘to?” malamig na tanong ng babae sa kabilang linya.

“Ikaw ang sino? Bakit mo hawak ang selpon ng nobyo ko?” galit niyang tanong.

“Ang ibig mo bang sabihin, nobyo natin? Diyos ko, kawawa ka naman, mukhang hindi mo alam na hindi lang ikaw ang babae sa buhay ng babaerong ‘to. Ngayong alam mo na, itutuloy mo pa ba?” patawa-tawang sambit nito na labis niyang ikinaiyak.

“Sabihin mo sa kaniya mag-usap kami ngayon dito sa bahay ko,” mangiyakngiyak niyang tugon.

“Sure, walang problema, tapos na naman kaming maglambingan. Sandali, gisingin ko lang,” sagot nito na labis niyang kinapanlambot.

Maya maya lang, nagtungo na sa kanilang bahay ang naturang lalaki na para bang walang kasalanang ginawa. Hinalikan siya nito sa noo saka agad na nahiga sa kaniyang kama at sinabi pang, “Grabe, napagod ako!” dahilan upang batuhin niya ito ng kaniyang tsinelas.

“Kailan mo pa ako niloloko?” nanginginig niyang tanong.

“Saglit, parang mali ang tanong mo, ha? Dapat, kailan ba kita sineryoso!” patawa-tawang sagot nito na labis niyang ikinagalit.

“Umalis ka na, hindi kita kailangan,” nakatungo niyang sambit, nagbabakasakaling bawiin nito lahat ng sinabi at humingi ng tawad, ngunit kabaligtaran ang ginawa nito, tumango-tango lang ito at agad na lumabas ng kaniyang silid.

Narinig niya pang nagpaalam ito sa kaniyang ina at ibang kamag-anak na muling bumalik sa kanilang bahay upang kuhanin ang naiwang ulam.

Rinig na rinig niyang sinabi pa ng naturang binata sa mga ito na sila’y hiwalay na dahilan upang labis siyang mapahiya sa mga tiyahin at pinsang kanina lang, pinagsasalitaan niya ng masasama.

Maya maya pa, may kumatok sa kaniyang pintuan, nagpunas muna siya ng luha. Pagkabukas niya, tumambad sa kaniya ang mga ito sa pangunguna ng kaniyang ina at agad siyang niyakap.

Doon niya napagtantong mas mahal pala talaga siya ng kaniyang mga kamag-anak kaysa sa lalaking iyon at nais lang nilang makilala ito upang siya’y protektahan.

Advertisement