Inday TrendingInday Trending
Natuwa ang Dalaga nang Surpresahin ng Manliligaw Kaya Naman Sinagot Niya Ito Kaagad, Isang Mensahe ang Nakapagpabago sa Pagtingin Niya Rito

Natuwa ang Dalaga nang Surpresahin ng Manliligaw Kaya Naman Sinagot Niya Ito Kaagad, Isang Mensahe ang Nakapagpabago sa Pagtingin Niya Rito

“Masaya ako para sa iyo, sis!” bungad ni Badet sa kaniyang bunsong kapatid, isang umaga nang madatnan niyang nagkakape ang kaniyang kapatid.

“Anong pinagsasabi mo d’yan, ha?” nagtatakang sagot ni Dianne habang iniiwasan ang mga yakap ng kapatid.

“Naku, akala mo siguro hindi ko matatapakan ang napakahaba mong buhok, ano? Nabalitaan ko lang naman na sinurpresa ka raw kagabi ng manliligaw mo! Kailan mo balak sabihin sa akin ‘yan?” wika nito na para bang nagtatampo dahilan upang siya’y mapatawa at yakapin ito.

“Sasabihin ko na nga, ate, eh, naunahan mo lang ako!” sigaw niya habang kinikilig-kilig pa.

“Ewan ko sa’yo! Balitaan mo na ako! Sinagot mo na ba?” pang-uusisa nito habang kinakalas ang mahigpit niyang pagkakayakap.

“Oo, ate,” diretsahan niyang sagot kaya napakunot ang noo ng kaniyang kapatid, “Mukha naman siyang mabait, eh, saka magkasundong-magkasundo kami. Bukod pa roon, sinasabay niya pa ang mga kalokohan ko, ang saya saya ko kapag kasama ko siya,” dagdag niya pa habang kumakandirit..

“Sigurado ka na r’yan, ha?” seryosong tanong nito dahilan upang mapatigil siya at tignan ito sa mata.

“Siyempre naman, ate! Teka, bakit parang kinakabahan ka at nagdududa? Kanina lang ang sayasaya mo para sa akin!” sambit niya dahilan upang kuhanin nito ang kaniyang kamay.

“Wala lang, naalala ko lang paano ka humagulgol sa akin no’ng ipagpalit ka ng dati mong nobyo. Kaya sana, matino na ‘yang nobyo mo ngayon,” wika nito na labis na ikinataba ng puso niya dahilan upang muli niya itong yakapin.

Dahil sa pagkabingo ng dalagang si Dianne noon sa pag-ibig buhat ng hindi magandang pangyayaring nakita niya sa pagitan ng dati niyang nobyo at matalik na kaibigan, nahirapan siyang makausad sa buhay.

Palagi siyang umiiyak tuwing gabi sa tabi ng kaniyang nakatatandang kapatid habang umiinom ng alak. Halos minu-minuto niyang kinukwestiyon ang halaga’t pagkatao niya dahil sa pangyayaring ito.

Sa kagustuhan niyang makausad at makalimutan na ang pangyayaring iyon, halos isang taon ang nakalipas, muli siyang nagpaligaw sa isang lalaking nakilala niya sa kumpanyang pagmamay-ari ng kaniyang ama. Ika niya, “Siguro ito na ang tamang oras upang muli akong magmahal at sumaya. Sana ngayon, manalo na ako sa larangan ng pag-ibig.”

Tila sumang-ayon naman ang tadhana sa kagustuhan niyang iyon dahil ang bagong manliligaw niyang ito, bukod sa napakamaginoo, personal pang hiningi ang kamay niya sa kaniyang mga magulang na labis na ikinatuwa ng mga ito.

Bukod pa roon, araw-araw pa siya nitong pinapasaya. Nakuha pa nitong siya’y isurpresa kung saan sila unang nagkita at doon na siya nagpasiyang sagutin ito.

Nangangamba man ang kaniyang kapatid sa agaran niyang pagsagot dito, pinaintindi niyang mahal niya at masaya siya sa lalaking ito.

Katulad ng inaasahan niya, naging magaan ang relasyon niya sa binatang ito. Dahil nga sila’y magkatrabaho sa kumpanya ng kaniyang ama, madalas silang magkasama dahilan upang lalo niya pa itong makilala.

Isang araw, kahit day off niya, gumawa siya ng pananghaliang pagsasaluhan nilang dalawa. Nagluto siya ng paborito nitong ulam na kare-kare at panghimagas na leche plan na gustong-gusto rin nito.

Ganoon na lang ang saya niya habang nagluluto dahilan upang mapangiti na lang ang kaniyang kapatid na patago siyang pinagmamasdan.

Nang matapos na siya sa pagluluto, agad na siyang nagbihis at nagpunta sa kanilang trabaho. Dahil nga siya’y anak ng may-ari, agad siyang pinapasok sa gusaling iyon at siya’y dumiretso sa opisinang kaloob ng kaniyang ama sa naturang binata dahil sa tuwa sa pagtatrato nito sa kaniya.

Labis niyang pinagtaka dahil wala ro’n ang kaniyang nobyo dahilan upang tawagan niya ito. Ngunit narinig niyang nasa loob lang ng opisinang iyon ang selpon na tinatawagan niya kaya naman agad niya itong hinanap. Natagpuan niya ito sa isa sa mga drawer dahil upang kunin niya ito at buksan.

“Saan kaya nagpunta ‘yon? Bakit dito niya lang iniiwan ang selpon niya?” pagtataka niya habang tinitingnan ang larawan nilang dalawa na nasa wallpaper nito.

Ngunit habang nakangiti niya itong pinagmamasdan, may isang mensahe ang biglang dumating.

“Ang tagal mo namang kumilos! Kailangan mo ba magagawang makuha ang pera sa kumpanyang ‘yan, ha? Kapag nahuli na tayo ng mga pulis?” sarkastikong mensaheng mula sa hindi kilalang numero dahilan upang tignan niya ang pag-uusap na naroon.

Doon niya pa nakita ang iba pang usapan na patungkol sa kaniya at sa kumpanya ng kaniyang ama. Nalaman niyang siya pala’y ginagamit lang nito upang legal na makahuthot ng pera sa kaniyang ama na labis niyang ikinapanghina.

Hindi na siya nagdalawang-isip na sabihin ito sa kaniyang ama. Ika niya, “Kailangan kong isalba ang kumpanya ni papa,” pangungumbinsi niya sa sarili para magkaroon ng lakas upang makalakad at magpunta sa opisina nito.

Pagkarating niya ro’n, agad niyang pinakita sa ama ang mga mensaheng nasa selpon na iyon saka inabisuhan na tumawag ng pulis at hanapin ang kaniyang nobyo na agad nitong sinang-ayunan.

Matagumpay nga itong nahuli sa isang kalapit na restawran kasama ang ilan sa mga kasabwat nito habang sila’y pinagpaplanuhan.

Agad siyang niyakap ng kaniyang kapatid nang mabalitaan ito at katulad ng dati, umiyak siya rito at sinabing, “Talo na naman ako, ate, pero ngayon pakiramdam ko, bayani ako dahil nasalba ko ang kumpanya ni papa,” na ikinangiti nito saka siya mariing niyakap.

Advertisement