Hiniwalayan ng Binatang ito ang Kinakasama para sa Dalagang Unang Minahal galing States, Pusong Durog Pala ang Pasalubong Nito sa Kaniya
“Diego, nagkuwento sa akin ang dati mong nobya, eh, nakipaghiwalay ka raw bigla nang makatanggap ka ng mensahe mula sa una mong nobya na nasa States. Totoo ba ‘yon, pare?” pang-uusisa ni John sa kaniyang matalik na kaibigan, isang araw nang makita niya itong bumibili ng lutong ulam.
“Oo, eh, nang mabasa ko kasi ang mensahe no’n na uuwi raw siya rito sa ‘Pinas sa isang linggo, parang bumalik ‘yong pagmamahal ko sa kaniya. Nasabik ako na makita siya at makasamang muli,” nakangiting kwento ni Diego habang iiling-iling pa.
“Hanep, ano ‘yan, first love never di*es?” pabirong sambit ng kaniyang kaibigan.
“Totoo, pare, walang halong biro. Saka alam mo na, sigurado ako kapag binalikan ko ‘yon, ang ganda ng magiging buhay ko. Baka isama pa ako no’n sa ibang bansa! Sobrang bigatin na kaya no’n!” dagdag niya pa na ikinagulat nito.
“Kaya iniwan mo ang kasalukuyang mong nobya dahil sa kagustuhan mong umalwan ang buhay mo?” palilinaw nito, bakas sa mukha nito ang pagkadismaya.
“Ginamit ko lang ang utak ko, pare. Hirap na hirap na kaya ako magtrabaho para sa aming dalawa. Eh, kung babalik ako sa first love ko, para lang akong nakahiga sa ulap,” depensa niya saka tinapik-tapik ang kaibigang tila hindi sang-ayon sa ginagawa niya. Tumango-tango lang ito saka agad nang nagpaalam sa kaniya.
Agad na nakipaghiwalay ang binatang ito sa dalagang kinakasama nang makatanggap ng mensahe mula sa dalagang una niyang minahal na ngayong naninirahan at nagtatrabaho na sa States.
Dahil nga alam niyang maganda na ang buhay nito, hindi siya nagdalawang-isip na iwan ang kinakasamang babae kahit pa ito’y labis na nagmakaawa sa kaniya.
Ika niya pa rito, “Hayaan mo naman ako maging masaya. Sa loob ng tatlong taon nating pagsasama, ni minsan hindi pa natin nagawang kumain sa restawran dahil parehas tayong mahirap. Gusto ko lang makaramdam ng buhay mayaman saka pakiramdam ko, mahal ko pa rin talaga siya,” dahilan upang hayaan na siya nito dahil sa masasakit na salitang sinabi niya.
Pagkaalis na pagkaalis ng dalagang ito sa bahay na kanilang inuupahan, agad niyang nilimas ang mga gamit nito at iniayos ang kaniyang mga gamit.
Sabik na sabik siyang makita ang dalagang unang nakapagpatibok ng puso niya at bukod doon, gustong-gusto niya pang makaranas ng maalwang buhay na inaasahan niyang maibibigay sa kaniya ng naturang dalaga.
Pagkalipas ng isang linggo, muli siyang nakatanggap ng mensahe sa dalagang ito.
“Diego, nandito na ako sa Pilipinas. Busy ka ba ngayon? Pupwede ka bang pumunta sa dating bahay namin? Kung saan mo ako hinahatid dati? Hintayin kita!” dahilan upang umikot ang puw*et niya sa sobrang saya at agad na mag-ayos upang tuluyan nang makita ang naturang dalaga.
Masinsin niyang pinlantya ang kaisa-isa niyang polo na bigay pa nang naturang dalaga noong una nilang anibersaryo noon. Sandamakmak na pabango ang nilagay niya sa katawan at nakailang ulit din siya sa pagsisipilyo ng ngipin upang masigurado lang ang bango ng kaniyang hininga.
Nang matantya na niyang ayos na ang itsura niya, agad na siyang umalis upang magpunta sa bahay ng dating kasintahan.
“Ito na ‘yon, Diego, huwag mo nang pakawalan!” sambit niya sa sarili bago niya pindutin ang door bell ng bahay nito.
Pagkapindot na pagkapindot niya sa naturang door bell, agad siyang pinapasok ng kasambahay dito at pinaupo sa sala kung saan sila dati masayang kumakain ng meryenda.
Maya maya pa, bumaba na mula sa itaas ang naturang dalaga. Labis siyang napanganga sa ganda nito. Malagatas ang kulay ng balat nito, mahaba ang buhay at may nakatutunaw na mga ngiti dahilan upang mapalunok na lamang siya ng laway habang pinagmamasdan itong palapit sa kaniya.
“Kumusta ka, Diego?” nakangiting tanong nito dahilan upang siya’y mataranta.
“Ah, eh, ayos naman ako, ikaw, kumusta ka na ba?” uutal-utal niyang tanong dito.
“Ito, ikakasal na sa isang linggo,” sambit nito na ikinalaglag ng panga niya, “Pinapunta nga pala kita rito upang imbitahan sa kasal namin,” dagdag pa nito saka iniabot sa kaniya ang isang sobreng naglalaman ng naturang imbitasyon na labis niyang ikinagulat. Ngumiti lang siya pagkakuha nito saka agad nang nagpaalam na umalis.
Pagkauwi niya sa kaniyang bahay, ibinuhos niya ang luhang kanina niya pa pinipigil at doon niya napagtantong nasayang niya ang babaeng nagtiis ng hirap makasama lang siya para sa babaeng akala niya’y babalikan siya ngunit ikakasal na pala.