Isang Linggo na lang Ngunit Napakalungkot ng Binatang Ito para sa Kanilang Kasal, Katotohanan ang Maghuhumiyaw sa Huli
Sarah! Congrats! Sa wakas at ikakasal ka na rin! Ang tagal niyo na ni Drew! Ilang taon na kayo ulit?” tanong ni Lina, isang tiyahin ng dalaga.
“Isang dekada na rin po, tita! Ang tagal ko talagang hinintay na mangyari ito kaya ganito ako kaabala,” masayang sabi ni Sarah sa ale.
“Bakit parang ikaw lang yata ang nag-aasikaso ng lahat? Nasaan ang groom mo?” tanong muli nito.
“May pasok pa ho sa trabaho. Nandoon sa kwarto kasi work from home na siya ngayon,” sagot niya.
“Anong trabaho niya?” usisang tanong muli ng ale.
“Naku, tita, pasensiya na talaga kayo hindi muna ako masyado makakapagkwento ngayon at marami pa po akong dapat asikasuhin pero salamat po ulit dito sa dala niyong cake. Si mama na lang po muna ang kausapin niyo ha. Alis po muna ako,” sagot niya sa babae saka mabilis na tumayo at pumasok ito sa kwarto.
“’Wag ka munang lumabas ha. Nandiyan si Tita Lina e ang daming tanong, ayaw ko lang sagutin,” sabi ni Sarah sa kaniyang magiging asawa habang abala ito sa pagbabalot ng kanilang souvenir sa kasal.
“Okay,” maiksing sagot ng lalaki.
Hindi na pinansin pa ng babae ang nakabusangot na mukha ng kaniyang nobyo at itinuloy na lamang ang pakikipag-usap sa mga kaibigan niya at paniniguradong pupunta ito sa darating niyang kasal.
Sampung taon nang magkarelasyon sina Sarah at Drew at halos lahat na rin ng mga kaibigan ng dalawa ay may sarili nang pamilya. Napag-iwanan na nga raw sila ng panahon sa pag-aasawa at pagkakaroon ng anak dahil na rin sa dami ng responsibilidad nila. Pero sa tagal na pinangarap at hinintay ito ng babae ay hindi na rin niya maitago ang inis kay Drew dahil napakalungkot nito
“T@ng!na naman, Drew, isang linggo na lang ang kasal natin pero wala kang kagana-gana! Nagtitimpi lang talaga ako pero punong-puno na ako ngayon sa’yo! Baka gusto mong ayusin ‘yang sarili mo kasi ang dami na nagtatanong kung pinikot lang daw ba kita? Wow naman, Drew! Baka naman gusto mo akong bigyan ng mukha sa araw ng kasal natin? Ako na nga nag-asikaso ng lahat ‘di ba? Ano ba ‘yung ayusin mo naman!” inis na inis niyang sabi sa lalaki habang nakatingin lamang ito sa kawalan kahit na hindi na magkandaugaga si Sarah sa pakikipag-usap sa mga supplier at kung kani-kanino pa.
“Sigurado ka ba talagang itutuloy natin itong kasal natin?” mahina ngunit seryosong sabi ni lalaki.
“T@ng!n* talaga, Drew! Maghiwalay na tayo kung gaganituhin mo lang ako. Sampung taon kitang hinintay tapos ito na, isang linggo na lang pero ganiyan ka! Ano na naman bang problema? ‘Yang p*t@ng!n* pride mo na naman ba ang pagtatalunan natin?” sigaw ni Sarah sa lalaki.
“Hindi na nga ako nagsasalita ‘di ba? Halos hindi ko na nga alam kung ano pa ba ako bilang ako,” naiiyak niyang sagot kay Sarah.
“Pera na naman ba ‘yung problema natin? Hindi ba sinagot na nga ng pamilya ko at ng ipon ko kaya hindi na natin kailangan mag-alala. Wala naman ibang nakakaalam na wala kang trabaho, ‘di ba? Hindi ka nga mapapahiya,” paliwanag ni Sarah dito.
“Ayon na nga e, pinapalabas niyo sa lahat ng kamag-anak at kaibigan mo na may trabaho ako. Nagsisinungaling tayo para lang matuloy ito. Ano bang mali sa paghihintay pa, Sarah? Hindi mo alam ang nararamdaman ko, para akong nilalamon ng buong kamag-anak mo. Nilalamon ako ng sarili ko,” baling ni Drew sa babae.
“Hindi naman tayo maghihiwalay pero hindi talaga natin kayang magpakasal ngayon. Nauubos ang ipon mo, nakakahiya na sa mga magulang mo. Wala na akong mukha sa kanila,” dagdag pa ng lalaki.
“Ano ba ‘yung lunukin mo muna ‘yang kahihiyan na ‘yan para sa akin?” naiiyak na ring sabi ni Sarah.
“Hindi mo naiintindihan, Sarah, hindi naman ito debut mo na ikaw lang ang bida. Kasal natin ito, dapat dalawa tayo sa hirap at ginhawa. Bakit ba kailangan mong makipagkompetensya sa mga kaibigan natin at kailangan mo na talagang ituloy ang kasal na ito kahit ang kapalit ay ang pagsisinungaling natin sa lahat? Wala akong trabaho, anim na buwan pa lang natin nalilibing ang nanay ko pero hindi mo na ‘yun naisip. Alam ko, alam kong sasabihin mo na paano ka naman, sampung taon kang naghintay, pero ang sa akin lang mas masarap ikasal na wala tayong niloloko. Hayaan mong ibigay ko ‘yun sa’yo dahil hindi natin kailangan magpakasal para sa ibang tao o para sa sasabihin ng mga kaibigan natin kung ‘di para sa ating dalawa,” paliwanag ni Drew at naiyak na lamang ito sa isang tabi.
Hindi naman nakapagsalita si Sarah dahil totoo ang lahat ng mga sinabi ni Drew. Siya lang naman ang bukod tanging nagpumilit sa kasal nila kahit nga walang pera ang nobyo at marami pa itong pinagdadaanan na problema. Naging makasarili siya at mas inisip ang mga sasabihin ng ibang tao kaysa sa mismong lalaking papangakuan niya sa altar.
Kaya naman kahit marami ng nagastos ay hindi itinuloy ni Sarah ang kasal at sinuportahan niya si Drew sa pagbangon nito.
Makalipas ang dalawang taon ay natupad ng lalaki ang pangako niya na iharap siya sa altar. Ngayon niya napatunayan na wala siyang dapat patunayan sa kahit na sino pa man bukod sa pagmamahalan nilang dalawa.