Inday TrendingInday Trending
Araw-araw na Nakatambay ang Matanda sa Bahay na Ginagawa Nila; Ano nga ba ang Kwento sa Likod Nito?

Araw-araw na Nakatambay ang Matanda sa Bahay na Ginagawa Nila; Ano nga ba ang Kwento sa Likod Nito?

“Lolo! Aalis na po ako. Kapag may kailangan po kayo, tawagin niyo lang po si Aling Nena diyan sa kabilang bahay. Ibinilin ko po kayo sa kaniya,” pagpapaalam ni Baron sa kaniyang Lolo bago niya ito binigyan ng marahang halik sa noo.

Nagmamadali siyang naglakad paalis. Saglit siyang napahinto nang biglang may naalala. Sumilip siya sa kabilang bahay at nginitian ang kanilang kapitbahay.

“Salamat po, Aling Nena,” masayang wika niya sa babae bago siya tuluyang tumakbo papunta sa sakayan ng jeep.

Nagtatrabaho siya bilang isang karpintero sa iba’t ibang lugar. Kahit saan, basta mayroong trabaho.

Hindi kasi siya nakapag-aral kaya hindi niya nagawang abutin ang kaniyang pangarap bilang isang lisensyadong inhinyero.

“Magandang umaga, Kuya James!” masiglang bati niya nang mamukhaan ang nagmamaneho ng jeep na nasakyan niya.

Naiintindihan ni Baron kung bakit hindi siya nakatapos dahil bata pa lamang ay mulat siya sa buhay na mahirap.

Ang kaniyang Lolo Ernesto lamang ang kasama niya sa buhay. Isa lang siyang batang lansangan dati na kinupkop at inalagaan ng matanda.

Gayunpaman ay masaya si Baron sa lagay ng kaniyang buhay ngayon kasama ang kaniyang Lolo. Napakalaki ng utang na loob niya rito kaya hinding hindi niya pagsasawaan na alagaan at mahalin ito.

“Magandang umaga, Boss Marc!” bungad niya sa lalaking nadatnan. Pabiro pa siyang sumaludo sa lalaking nangunguna sa proyektong kanilang ginagawa.

“Baron! Tamang tama ang dating mo. Nag-uusap kami dahil nagkaroon tayo ng problema sa construction site. Malilintikan na naman tayo niyan,” seryosong salubong ni Marc habang nagkakamot ng ulo. Bakas sa mukha nito ang pag-aalala.

“Bakit Boss, ano ho bang problema?” kunot noong usisa niya.

“‘Yung inoorderan kasi natin ng mga buhangin at graba, nagtaas ng presyo. Kulang ang budget natin,” pumapalatak na sagot nito.

Nakahinga naman nang maluwag si Baron bago niya binigyan nang malapad na ngiti ang lalaki.

“Boss, ikaw naman napaka-nega mo! Walang kaso ‘yan! May kakilala ako na bebentahan tayo nang presyong kaibigan!” masiglang balita niya rito.

Agad na nagliwanag ang mukha nito sa ibinalita niya.

“Naku, maraming salamat naman!” May tipid na ngiti na sa labi nito kahit na bakas pa rin sa mata nito ang nerbiyos.

Agad niyang tinawagan ang kakilala. Ilang sandali lang ay naresolba na nila ang problema.

“Iba talaga si Baron!” papuri sa kaniya ng mga kasama niya.

“Kakilala ko lang po ‘yun mula sa dati kong trabaho,” nahihiyang wika niya sa mga ito.

Mas matatanda sa kaniya ang kaniyang mga kasamahan subalit malapit siya sa mga ito. Mababait ang mga ito at halos ituring siyang anak ng mga ito kaya naman kasundo niya ang mga kasamahan.

Sa ilang taon na niyang nagtatrabaho bilang isang karpinteo ay marami na siyang nakasalamuha kaya naman masasabi niya na marami na rin siyang natutunan.

Iyon ang dahilan kaya halos hindi siya nawawalan ng trabaho. Marami rami na siyang kasamahan na madalas isabit ang kaniyang pangalan kapag may bagong proyektong padating.

Nakatulong din kahit papaano na nakatapos siya ng high school kaya hindi gaanong minamaliit ang kaniyang kakayahan.

Hindi rin maitatanggi ang husay niya sa larangang kaniyang tinatahak kaya naman matunog na talaga ang kaniyang pangalan sa usapan ng pagkakarpintero.

“Nandiyan na naman ‘yung matanda,” maya maya ay naulinigan niyang usap-usapan ng kaniyang mga kasamahan habang nanananghalian sila.

Napalingon siya sa tinutukoy ng mga ito. Nakita niya ang isang pamilyar na matanda. Halos araw araw kasi na pumupunta ito sa lupain ng itinatayo nilang bahay.

Nakita niyang walang dalang pagkain ang matanda kaya’t nilapitan niya ito.

Malapit talaga siya sa mga matatanda dahil sa kaniyang Lolo Ernesto.

“‘Tay! Mainit ho diyan, silong po muna kayo dito,” nakangiting paanyaya niya rito.

Umiling lamang ang matanda bilang sagot. Tinapik nito ang kaniyang balikat marahil bilang pasasalamat saka muling tumulala sa kawalan.

Sa araw araw ni Baron ay araw araw rin niyang nakikita ang pagbisita ang matanda sa lugar na iyon. Kaya naman sinisuguro niya na araw araw niyang nakukumusta ang matanda.

“Naku, hijo. Ikaw na lang ang kumain niyan dahil ayos lang ako,” natatawang tanggi nito sa pagkain na iniaalok niya.

Kasalukuyan silang nakaupo sa mahabang upuan. Sinadyang gawin ni Baron ang upuan na ‘yun galing sa tira-tirang materyales para may maupuan ang matanda.

Tuwang tuwa naman ang matanda.

“Siya na po pala Tatay Arnulfo? Bakit nga po kayo palaging pumupunta dito?” kuryosong tanong niya sa matanda habang ngumunguya.

“Noong kabataan ko kasi ay may maliit na parke sa lugar na ito. Doon kami palagi nagkikita ng kasintahan ko bago siya pumanaw dahil sa sakit. Pumupunta lamang ako dito palagi upang hindi ko makalimutan ang mga panahon na iyon,” kuwento ng matanda. Malayo ang tingin nito na tila inaalala ang nakaraan.

Sa narinig ay napangiti na lamang si Baron. Sa araw araw nilang pag-uusap ay hindi niya maikakaila na napalapit na sa kaniya ang matanda.

Kinabukasan ay nabalitaan nilang pupuntahan ng isang engineer ang bahay na kasalukuyan nilang ginagawa.

Aligaga ang lahat dahil kilalang istrikto ang engineer na iyon.

“Magandang umaga, Engineer!” masiglang bati nila dito. Ngunit nilampasan lang sila nito at dumiretso sa loob ng patapos ng bahay.

“Marami naman kayo at hindi naman kalakihan ang bahay na ginagawa niyo pero bakit hanggang ngayon ay hindi pa ito natatapos?” masungit na puna ng engineer nang matapos ito sa pag-iinspeksyon.

“Marami ho kasing nagiging problema pero nagagawan naman ho agad ng paraan,” mabilis na tugon ng kanilang Boss Marc.

“Kung maayos lang sana kayo gumawa ay mas mabilis itong matatapos kaya ‘wag niyo kong bigyan ng kung ano anong dahilan. ‘Wag kayong babagal bagal! Binabayaran kayo nang maayos kaya ayusin ninyo ang trabaho!” inis na pasaring na pangangaral nito saka sila tinalikuran.

Naiwan naman silang tigagal habang malungkot na nakatanaw rito ang kanilang Boss Marc.

Dismayado naman si Baron dahil sabik siyang makilala ang engineer na di umano’y kasing edaran niya lang ngunit napawi iyon dahil sa magaspang na ugaling ipinakita nito sa kanila.

Gulat na mapalingon siya sa gawi nito nang marinig niya ang malakas nitong sigaw. Nakita niya niya na pinagagalitan nito ang matanda.

“Umalis na ho kayo dito dahil nakakaabala lamang kayo. Mukha namang wala kayong kakayahang bumili ng lupain dito para magpatayo ng bahay,” marahas na sambit nito sa matanda.

Walang pagdadalawang-isip na nilapitan ni Baron ang dalawa upang pumagitna.

“Sandali lang ho, Engineer. Hindi niyo naman po kailangan sabihin ‘yan sa matanda. Wala naman po siyang masamang ginagawa,” pagtatanggol niya sa matanda.

“Huwag kang makialam dito. Manggagawa ka lang naman at ako ang boss niyo rito. Wala kang magagawa kung iyon ang desisyon ko. Kung gusto mo magmataas, mag-aral kang kagaya ko!” taas noong sagot niya sa kaniya. Sa labi nito ay naglalaro ang isang mapang-uyam na ngiti.

“Hindi mo dapat ginagamit ang napag-aralan mo para mang-api at manghusga ng tao,” dismayadong tugon ni Baron sa engineer.

Akmang sasagot pa ang engineer nang tumunog ang cellphone nito. Inis nitong sinagot ang tawag.

“Hello, Mr. Velasco? Napatawag po kayo?” Tila maamong tupa ang lalaki nang sagutin nito ang tawag.

“Ikaw pala ang engineer ng bahay na pinagagawa ko?” rinig niyang wika ng matanda sa kaniyang likuran – si Tatay Arnulfo.

Gulat silang napalingon sa matanda. May hawak itong telepono malapit sa tenga nito.

“M-mr. V-velasco?” namumutlang tanong wika ng engineer.

Noon nila napagtanto na ang may-ari ng ginagawang bahay at ang matandang parating nakatambay doon ay iisa lamang.

“Hindi ka dapat nangmamaliit ng ibang tao dahil lang may pinag-aralan ka. Dapat nga ay umintindi at tumulong ka,” pangangaral ng matanda sa mayabang na engineer na noon ay nakayuko na sa hiya.

Hiyang hiyang humingi ng paumanhin ang engineer sa matanda at sa kanilang mga trabahante. Marahil ay natakot ito sa sinabi ng matanda na aalisan ito ng trabaho kung ipagpapatuloy nito ang magaspang nitong pag-uugali.

Dahil sa araw araw na pagtambay doon ng matanda ay naobserbahan nito ang husay at potensiyal ni Baron. Pinangako nito na pag-aaralin siya nito at tutustusan ang kaniyang mga pangangailangan.

Laking pasasalamat ni Baron ang pagdating ng matanda sa buhay nila ng kaniyang Lolo Ernesto. Nagkaroon siya muli ng pag-asa na tuparin ang pangarap na halos nakalimutan niya na.

Nang makapagtapos si Baron ay hindi niya nakalimutan na pasalamatan ang matanda. Isinapuso niya rin rin ang pangaral nito sa kaniya.

Kaya naman kahit isa na siyang matagumpay na engineer ay hinding hindi niya nakalimutan kung saan siya nanggaling. Kahit minsan rin ay hindi niya ginamit ang kaniyang napag-aralan upang tumapak ng pagkatao ng kahit na sinuman.

Advertisement