Inday TrendingInday Trending
Wala Siyang Oras Para sa Pamilya; Isang Pambihirang Pangyayari ang Magpapabago Nito

Wala Siyang Oras Para sa Pamilya; Isang Pambihirang Pangyayari ang Magpapabago Nito

“Will, ‘wag mong kalilimutan na umuwi mamaya ha. Nagtatampo na sila Cindy at Michael sa’yo dahil palagi kang nasa trabaho.”

Napabuntong hininga na lang si Dr. William Benitez nang mabasa ang mensahe mula sa kaniyang asawa.

Agad siyang nagtipa ng mensahe para dito na uuwi siya kahit na imposible ang hinihingi nito lalo na nang makita niya ang sunod sunod na pagparada ng mga ambulansiya sa harap ng ospital.

Mga bagong pasyente na naman. Napabuntong hininga siya nang makita ang pagkakagulo ng mga nurse at ang mga doktor.

“Dok! Dok!” agad niyang narinig ang tarantang pagtawag sa kaniya.

Iyon na ang senyales. Ibinulsa niya ang kaniyang cellphone at tumakbo sa pasyente na nangangailangan ng tulong niya. Responsibilidad ng napiling propesyon ang lagi niyang uunahin dahil sa sinumpaang tungkulin.

Kailangan ng operasyon ng kaniyang pasyente at umabot iyon ng halos apat na oras.

Sa kasamaang palad, pagkatapos niyang operahan ang naunang pasyente ay may isa pang operasyon na kailangang gawin.

Dahil walang ibang doktor na libre ay wala siyang nagawa kundi asikasuhin din ang ikalawang pasyente.

Hindi niya na napansin ang oras dahil sa sobrang pagkaabala. Tuluyan nang nawala sa isip niya ang pangako sa kaniyang asawa at mga anak.

“Kumusta po ang pakiramdam niyo?” agad na usisa niya nang pumasok sa kwarto ng pasyenteng katatapos lang niyang operahan.

Matandang lalaki ang kaniyang pasyente at may malalang impeksyon nito. Para ngang himala na naagapan ito at nasagip ito ng operasyon kaya naman kahit papaano ay gumaan ang loob niya.

Nakita niyang kasalukuyan itong inaasikaso ng nurse.

“Ayos lang naman, Dok. Medyo masakit lang ang tagiliran ko,” nangingiwing sagot nito.

“Mas sasakit po ‘yan kapag nawala na ang epekto ng pain medicine. Pero ‘wag ho kayong mag-aalala dahil hindi magtatagal ay maghihilom ‘yan mawawala rin. Kayo ho kasi, bakit hindi niyo pinatingnan kaagad?” sita niya rito at sa asawa nito.

Tumunog ang kaniyang cellphone at nabasa niya ang sunod sunod na mensahe ng kaniyang asawa. Hindi niya na iyon binasa dahil alam niya na ang laman ng mga mensahe nito at hindi niya alam kung ano ang isasagot dito. Pikit-mata niyang pin@tay ang kaniyang cellphone.

Nakokonsensya man siya ay wala siyang magawa dahil hindi niya naman maaaring basta na lang talikuran ang kaniyang sinumpaang tungkulin.

“Abala kasi siya sa trabaho niya bilang guro. Madalas sumasakit pero tinitiis niya dahil sa tawag ng tungkulin. Kung hindi pa ako nagalit ay hindi pa ‘yan magpapa-ospital,” paliwanag ng asawa ng kaniyang pasyente. Makikita sa mukha nito ang inis at pag-aalala sa sinapit ng asawa.

Napaisip siya. Parehong-pareho pala sila ng kaniyang pasyente. Naiintindihan niya ang sinasabi nito dahil napakahirap naman talaga ignorahin ang tawag ng propesyong sinumpaan.

“Kung hindi ako nakaligtas ngayong gabi, baka hanggang sa kabilang buhay pagsisihan ko na puro ako trabaho. Kaya payo ko lang sa’yo, ‘wag kang tutulad sa akin dahil napakahalaga ng pamilya. Hindi natin alam kung hanggang kailan natin sila kasama,” maya-maya ay payo nito.

Pinukol niya ito ng nagtatanong na tingin. Hindi niya kasi alam bakit siya pinapayuhan nang ganoon ng matanda.

“Nakita ko sa mata mo ang lungkot at pangungulila noong tingnan mo ang iyong telepono, Dok. Magaling akong bumasa ng tao,” paliwanag nito. May tipid na ngiti sa mga labi nito.

Bumalik siya sa kaniyang opisina pagkatapos. Nang buksan niya ang kaniyang cellphone ay nabasa niya ang sunod sunod na mensahe mula sa kaniyang asawa na nagtatampo dahil sa hindi niya pag-uwi.

“Top 1 si Cindy sa klase niya, si Michael naman nanalo sa basketball competition ng school niya. Excited ang mga bata kanina na ibalita sa’yo kaso ‘di ka umuwi.” Iyon ang nabasa niyang mensahe ng asawa.

Tinawagan niya ang kaniyang pamilya ngunit walang sumagot kahit na isa sa mga ito.

Naisip niya na maaring dahil iyon sa tampo o dahil gabi na. Sumandal siya sa kaniyang upuan nang sumakit ang kaniyang ulo dahil sa pagod.

Naisip niya na wala pa namang pasyente ulit kaya maaari siyang magpahinga muna kahit saglit.

Naalimpungatan siya sa malakas na ingay ng mga taong nagkakagulo. Malinaw sa kaniyang pandinig ang ingay dahil nakabukas ang pinto ng kaniyang opisina, bagay na ipinagtaka niya. Sigurado kasi siya na sinarado niya iyon.

“Siguradong mayroon na namang bagong pasyente,” pagod na bulong niya bago tumayo.

Nagtaka siya nang makitang nagkalat ang kaniyang mga gamit. Ang kaniyang cellphone ay nasa sahig. Imbes na pulutin iyon ay nagmamadali siyang lumabas para saklolohan ang mga kasama.

“Ano’ng nangyari sa pasyente–” aniya ngunit nilagpasan siya ng mga ito na para bang hindi siya nakikita.

Susunod na sana siya sa mga ito nang makita ang mukha ng pasyenteng nakasuot ng pang-doktor. Tila nanlaki ang ulo niya nang makita ang sariling dinadaluhan ng mga doktor.

Para siyang namamalik-mata ngunit nakumpirma niyang hindi nang makita niya ulit ang sariling kinakabitan ng mga aparato.

“Anong nangyayari?” takot na tanong niya.

Kitang-kita niya ang guhit sa monitor na dumidiretso, kahit na hindi pa rin tumitigil sa pagsasalba sa kaniya ang doktor na kasamahan.

Nag-iiyakan ang mga nurse sa loob ng emergency room at mas lalo siyang nanlamig ng makita ang kaniyang pamilya na nag-iiyakan na rin.

Anong nangyari? Wala na ba siyang buhay?

Parang pinupunit ang kaniyang puso nang sumuko ang doktor at tuluyan nang naging isang diretsong linya na lang ang nasa aparato, senyales na wala na siyang buhay.

“Hindi! Hindi!” sigaw niya. Hindi pa siya handang iwan ang kaniyang pamilya.

Humagulgol ang kaniyang asawa at mga anak habang niyayakap siya. Humihingi ng paumanhin dahil nagtampo ang mga ito at hindi sinagot ang kaniyang mga tawag.

“Wala kayong kasalanan,” lumuluhang bulong niya kahit na alam niyang hindi na siya maririnig ng mga ito.

Pumikit siya nang mariin para makiusap sa Diyos na ‘wag muna siyang kunin, hindi pa siya handa. Gusto niya pang mayakap at makasama ang kaniyang pamilya.

Bumuhos ang kaniyang pagsisisi kasabay ng walang patid na agos ng kaniyang luha.

Mula sa dulo ng pamilya ay nakita niya ang napakaliwanag na ilaw na unti unti siyang tinatangay.

Nang makalapit siya doon ay nakita niya ang anino ng isang lalaki ngunit hindi niya makita ang mukha nito sa sobrang liwanag.

“Hindi mo pa oras. Bumalik ka na roon,” wika nito.

Hinawakan nito ang kaniyang kamay at sa isang iglap ay dumilat ang kaniyang mata at tila bumalik ang hangin sa kaniyang katawan. Nakita niya ang nag-iiyakan niyang pamilya na agad siyang niyakap nang mahigpit.

Hindi makapaniwala ang mga nakasaksi sa nangyari. Bilang doktor ay hindi niya iyon kayang ipaliwanag ngunit malaki ang pasasalamat niya sa nangyari.

Naniniwala siyang binigyan siya ng pangalawang pagkakataon para mabuhay kaya dapat ay sulitin niya iyon.

Sa ikalawang buhay niya ay ginawa niya ang lahat para bumawi sa kaniyang pamilya. Siniguro niya na masusulit niya ang bawat araw ng kaniyang buhay hindi lamang sa pagtupad ng kaniyang tungkulin bilang doktor kundi maging sa pagtupad ng tungkulin niya bilang ama at asawa.

Advertisement