Malamig ang Trato sa Kaniya ng Ina ng Mapapangasawa; May Kinalaman pala Dito ang Sarili Niyang Ina
“Masaya ako para sa inyo,” naiiyak na sambit ng Mama niya nang marinig nito ang balitang magpapakasal na sila ng kaniyang nobyong si Jason.
“Salamat po, Tita Teresa,” nakangiting pasasalamat ng kaniyang nobyo.
“Sana ay sigurado na kayo sa inyong desisyon, Erich at Jason. Hindi basta basta ang pag-aasawa,” maikling tugon naman ng ina ni Jason.
“Oo naman po, Tita Ellie,” malungkot na wika ni Ellie.
Malamig pa rin kasi ang turing sa kaniya ng ina ng kasintahan, bagay na hindi niya maunawaan. Sa totoo lang, wala silang ideya ni Jason kung bakit tila hindi pabor ang nanay nito sa kanilang relasyon.
Pero masaya na rin sila dahil hindi naman ito tumutol.
Napangiti si Erich sa kaniyang mapapangasawa bago siya napatingin sa magkahawak nilang mga kamay.
Walong taon na silang magkasintahan kaya nang alukin siya nito na magsama na sila nang panghabang buhay ay walang pagdadalawang-isip siyang pumayag.
“‘Wag na ‘wag kang magloloko, Jason, dahil kahit anak kita ay hindi ka makakaligtas sa akin,” pagbibirong pananakot pa ng ama ni Jason.
Natawa sila sa birong iyon ngunit may isang tao sa lamesa na napasimangot sa biro na iyon. Ang nanay ni Jason.
“Para namang wala kang tiwala sa akin, Papa. Hinding hindi ako magloloko, ‘yan naman ang maipapangako ko kay Erich,” natatawang banat ni Jason saka siya inakbayan.
“Ikaw din, Erich. Sana ay maganda ang intensyon mo sa anak ko,” biglang singit Ellie, ina ni Jason. Natigilan siya at alanganing napatingin sa gawi nito.
Nakita niya na nakatitig ito sa kaniyang Mama.
Makalipas ang ilang segundo ay ipinukol nito ang tingin sa kaniya.
“Biro lang, hija. Alam kong mahal mo si Jason at hindi mo siya ipagpapalit,” bawi nito saka siya binigyan ng isang tipid na ngiti.
Dun lamang siya nakahinga nang maluwag kahit na tila may kahulugan ang pasaring nito habang nakatingin ito sa kaniyang Mama.
Ipinagkibit baikat niya na lamang iyon. Marahil ay masyado lang siyang nag-iisip ng kung ano ano dahil sa nalalapit niyang kasal.
Kinabukasan ay sa kanilang mga kaibigan naman nila ibinalita ang kanilang pagpapakasal.
Kagaya ng kanilang mga magulang ay masayang masaya rin ang mga ito para sa kanila ni Jason.
Excited na excited ang magkasintahan sa nalalapit nilang pag-iisang dibdib subalit may isang bagay na bumagabag sa kaniya.
Hindi magkasundo ang Mama niya at ang ina ng kaniyang mapapangasawa.
Kagaya na lamang ng kulay ng rosas na ipangdidisenyo sa simbahan. Nagtatalo ang dalawa kung pula o puti ang mas maganda.
“Mas maganda ang kulay pula.”
“Hindi ba’t mas bagay ang kulay puti para sa kasal?”
Ultimo kaliit-liitang detalye ay may alitan ang dalawa. Laging magkasalungat ang opinyon ng dalawa.
“Sige, ikaw na ang bahala. Piliin mo na lang kung ano ang gusto mo,” malumanay na wika ng Mama niya.
Mabuti na lamang at parating nagpaparaya ang Mama niya para hindi na lumaki pa ang ‘di pagkakaunawaan ng mga ito. Sa huli ay nagpapatianod na lang ito, bagay na ikinatuwa niya.
Nagpatuloy pa ang pagpaplano para sa kanilang kasal. Nakakapagod man ito ngunit masayang masaya si Erich sa daang tatahakin niya kasama ang kaniyang pinakamamahal.
Nang gabing iyon ay nang-imbita ang kaniyang Mama na sama-sama silang maghapunan sa bahay nila dahil gusto nitong magluto para sa pamilya nina Jason.
“Hinding hindi talaga ako magsasawa sa luto mo, Teresa,” komento ng ama ni Jason habang magana itong kumakain.
“Naku, Roger, masarap din naman ang luto ni Ellie,” nahihiyang wika ng kaniyang Mama na pinukol pa ng tingin ang tahimik na si Ellie.
“Kumain ka na lang at ‘wag ka nang maingay,” mataray na saway ni Ellie sa asawa.
Natawa na lang ang lalaki sa sinabi ng asawa nito.
Hindi tuloy maiwasan ni Erich na ma-miss ang kaniyang ama. Wala na ang kaniyang Papa dahil nasawi ito nang dapuan ito ng isang malubhang sakit matagal na panahon na ang lumipas.
Gusto pa naman sana niya na ito ang maghatid sa kaniya sa altar. Nanghihinayang siya dahil hindi na magyayari iyon.
“Sayang po’t hindi na naabutan ni Papa ang kasal ko,” maungkot na wika ni Erich.
Natahimik naman ang lahat.
Nagulat silang lahat nang may narinig silang ingay sa kusina kung nasaan ang kaniyang Mama. Napatakbo siya doon at nakita ang kaniyang nanay na nahinuha niyang nabanlian ng mainit na sabaw.
“‘Ma!” nag-aalalang sigaw niya saka ito nilapitan. Kinuha niya ang first aid kit sa isang cabinet saka ginamot ang namumulang balat ng kaniyang nanay.
Nang masigurong maayos na ang kaniyang ina ay nagpaalam na ang mag-anak.
“Uuwi na kami. Salamat sa pagkain,” malamig na wika ni Ellie bago ito tuluyang lumabas kasama ang asawa nito.
“Dito na kami, mahal. Tita, mauna na po ako,” pagpaaalam din ni Jason
Nang silang dalawa na lamang ng nanay niya ang naiwan ay nagulat siya ng bigla itong umiyak sa harapan niya. Tinabihan niya ito at niyakap.
“May sikreto akong sasabihin sa iyo, anak. Pasensiya ka na at hindi ko na ‘to kayang itago pa. Nasasaktan din kasi ako sa malamig na trato sa’yo ni Ellie,” mahinang wika ng kaniyang ina.
“Ano po iyon?” kuryosong tanong niya. Nagtataka na rin kasi siya kung bakit tila hindi sila gusto ng ina ni Jason.
“Alam kong nalilito kayo ni Jason sa relasyon namin ng Tita Ellie mo. May rason kung bakit ganoon ang turing niya sa atin, anak,” wika ng ina niya.
Nagsimulang kumabog ang dibdib ni Erich. Hindi niya maaatim na may humadlang sa pag-iibigan nila ng mapapangasawa.
“Ang Papa mo ay dating nobyo ni Ellie. Magkaibigan kami dati ngunit nasira iyon nang ligawan ako ng Papa mo. Gustong gusto ko ang Papa mo noon kaya’t sinagot ko siya. Kaya naman galit pa rin si Ellie sa akin hanggang ngayon,” naiiyak nitong kuwento.
“Hindi ako nagkaroon ng pagkakataong humingi ng tawad sa kaibigan ko,” malakas ang hikbing dugtong ng kaniyang Mama.
Nagulat si Erich sa nalaman. Hindi niya inakalang dating magkaibigan ang kaniyang ina at ang ina ni Jason at may nakaraan pala ang dalawa na pilit tinatakasan.
Kinabukasan at ikinuwento niya ito kay Jason at gaya niya ay wala rin itong kaalam-alam.
“Hindi ko alam na ganoon pala. Pero ‘wag kang magalala dahil kakausapin ko si Mama tungkol dito,” malambing na wika sa kaniya ni Jason.
“Ako na. Ako na ang kakausap kay Tita,” umiiling na sambit niya at sinandal ang ulo sa balikat ng nobyo.
Gaya ng sinabi niya ay kinausap niya nga ang kaniyang Tita Ellie.
“Alam ko na po ang totoo, Tita. Humihingi po ako ng tawad kung nasaktan kayo noon nila Mama. Sana po ay mapatawad niyo na sila lalo na’t matagal na rin naman pong wala si Papa,” nakayukong wika niya.
“Ako ang dapat na humingi ng tawad. Talagang nagmahalan sila ngunit nagpakabulag ako sa galit at nadamay pa kayo ni Jason,” mahinang tugon nito, tila nahihiya sa inasta nito.
Nang mag-angat siya ng tingin ay nakita niya ang malungkot na ekspresyon nito.
“Sana po ay ‘wag niyong isipin na ipagpapalit ko si Jason. Mabuti po ang intensyon ko sa anak niyo at mahal na mahal ko po siya. Saksi po kayo diyan dahil si Jason lang nag-iisang lalaki sa buhay ko simula noon,” pakiusap niya sa babae.
“Erich, hija. Kilala kita at alam kong hindi mo gagawin iyon. Para na kitang anak at wala na kong ibang gusto pang makatuluyan ni Jason kundi ikaw,” matamis na tugon nito.
Niyakap siya nito habang paulit ulit na humihingi ng paumanhin.
Araw ng kasal.
Kinakabahan si Erich sa muling pagkikita ni Mama niya at ni Ellie. Baka magkailangan ang dalawa.
Ngunit nagulat siya nang makitang magkahawak kamay na pumasok sa simbahan ang dalawa.
May malaking ngiti sa kanilang mga labi habang papasok at papalapit sa mga ikakasal.
“Salamat, Erich. Dahil sa’yo ay napalapit akong muli sa aking kaibigan,” bungad sa kaniya ni Ellie. May kislap sa mata nito, gayundin ang kaniyang ina. Napagtanto niya na naayos na ng mga ito ang gusot na matagal na panahon din na kinimkim.
Sinuklian niya ito ng isang matamis na ngiti.
Wala nang mahihiling pa si Ellie. Dahil naresolba na ang alitan sa pamilya nila ay alam niya na puro masasayang araw na ang naghihintay sa kanila ni Jason.