Nagpabilog ang Dalagang ito sa Matatamis na Salita ng Nobyo, Isang Mensahe ang Nagpagising sa Kaniya
“Nakita ko na namang kapalitan mo ng mensahe si Gwen,” sabi ni Cindy sa kinakasama niyang binata, isang hapon pagkauwi nito galing bilyaran.
“O, ano naman? Hanggang ngayon ba nagseselos ka pa rin sa kaniya? Sabi ko naman sa’yo, kaibigan ko lang siya,” depensa nito saka sinampay ang pinagpawisang tuwalyang pinangtabing sa dibdib.
“Paano akong hindi magseselos, Clyde? Bukod sa araw-araw kayong nagpapalitan ng mensahe, palagi mo pang pinapaalalahanan na kumain sa oras at mag-ingat sa tuwing aalis siya!” galit niyang sigaw saka ipinakita sa nobyo ang usapang nakita niya sa selpon nito.
“Anong masama ro’n? Eh, kaibigan ko nga siya. Nitong mga nakaraang araw lang naman kami madalas mag-usap dahil may problema siya, dinadamayan ko lang. Wala kang dapat ikaselos o ikapagtaka dahil wala akong tinatago sa’yo, nababasa mo pa ang usapan namin, hindi ba? Hindi ko talaga binubura para makita mong wala naman akong ginagawang masama, nais ko lang damayan ang kaibigan ko,” paliwanag nito dahilan upang bahagya siyang kumalma.
“Pangako?” tanong niya nang may nangungusap na mga mata.
“Pangako, halika nga rito!” tugon nito saka siya mariing na niyakap, “Ikaw lang ang babaeng mamahalin ko habambuhay,” dagdag pa nito na labis niyang ikinatuwa’t ikinakilig.
Sa mga matatamis ng naturang binata nahulog ang dalagang si Cindy. Sa katunayan, isang linggo lamang itong nanligaw sa kaniya, nakuha na agad nito ang kaniyang kiliti at matamis na “oo”.
Naniwala at humanga kasi siya sa prinsipyo ng naturang binata na ang relasyon ang pinapatagal at hindi ang ligawan dahilan upang nang mapagtanto niyang tama ito, agad niyang sinagot ang naturang binata.
Hindi naman siya nagsisi sa desisyon niyang iyon dahil araw-araw niyang nararamdamang mahal na mahal siya nito sa pamamagitan nang palagian nitong paghahatid sundo sa kaniya mula sa trabaho, paghahanda ng pananghalian niya, at marami pang iba.
Ito ang dahilan upang kahit wala pa silang isang taong magkarelasyon, agad na siyang pumayag sa kagustuhan nitong sila’y magsama na sa iisang bubong.
Ngunit sa pagsasama nilang iyon, nang makuha na nito ang kaniyang bataan, bigla na lamang itong nagbago at nanlamig sa kaniya. Kung dati’y hinahatid-sundo pa siya nito, ngayo’y binibigyan na lang siya nito ng pamasahe pauwi at imbis na paglutuan siya ng pagkain, palagi pa itong nasa bilyaran dahilan upang bahagya na siyang magtaka sa mga kinikilos nito.
Lalo pang nadagdagan ang paghihinala niya rito nang mabasa niya ang usapan nito at ng kaibigan nitong babaeng labis niyang pinagseselosan noong pa man. Ngunit katulad ng dati, nakumbinsi na naman siya nito na wala iyong malisya at nais lamang na tumulong.
Ilang linggo ang lumipas simula nang komprontahin niya ang nobyo sa nabasa niyang usapan, may nakita naman siyang hindi kaaya-ayang litrato sa selpon nito. Litrato ito ng kaniyang nobyo kasama ang naturang babae na sabi nito’y huwag niyang pagselosan. Tila nasa hotel ang dalawang ito dahil sa ganda ng kamang hinihigaan dahilan upang unti-unti na siyang manginig sa galit.
Pinapakalma niya pa lang ang sarili, may isang mensahe pa na mula sa dalaga ang natanggap ng selpong hawak niya. Agad niya itong binasa at hindi siya makapaniwala sa mensaheng nabasa, “Puntahan mo ako sa bahay, gusto ko ng manggang hilaw at bagoong. Ang hirap pala talaga maglihi, mahal, pero ayos lang panigurado, kamukha mo naman si baby!” na labis niyang ikinapanlambot.
Mayamaya pa, dumating na ang kaniyang nobyo mula sa bilyaran. Ngumiti ito sa kaniya na para bang walang kasalanang ginawa at nang makita nitong hawak niya ang selpon, ika nito, “O, nakasimangot ka na naman, nagseselos ka na naman, ‘no? Halika nga rito, sabi naman sa’yo, kaibigan ko lang siya,” habang unti-unting lumalapit sa kaniya.
“Kaibigan? Pero binuntis mo? Hanggang kailan mo akong lolokohin, Clyde?” sigaw niya, kitang-kita sa mukha nito ang labis na pagkagulat.
“A-ano bang sinasabi mo?” uutal-utal na tanong nito habang pilit na gumagawa ng tawa.
“Sabi ng kaibigan mo, ibili mo raw siya ng manggang hilaw at bagoong, mahirap daw pala talaga maglihi at panigurado raw kamukha mo ang anak niyo,” sabi niya dahilan upang agad siyang yakapin nito.
“Cindy, pangako, hindi ko sadya ‘yon, maniwala ka sa’kin!” tugon nito.
“Hindi na ako maniniwala sa mabubulaklak mong salita, tama na!” wika niya habang pigil-pigil ang mga luha.
Doon niya napagtantong tila lumabis ang pagkauto-uto niya nang dahil lang sa pag-ibig. Mas pinaniwalaan niya ang lalaking iyon kaysa sa bagay na bumabagabag sa puso niya noon pa man na labis niyang pinagsisisihan ngayon.