Hindi Pinakinggan ng Binatang ito ang Kapatid na Nagsumbong sa Kaniya, Napatunayan Niyang Nasa Huli ang Pagsisisi
“Tingnan mo na ang ginawa mo, Chelsea! Nabugbo*g lang naman ang tatay dahil sa kaartehan mo! Masaya ka na ba?” galit na sambit ni Billy sa kaniyang kapatid, isang umaga habang pinupunasan niya ang dugo sa mukha at ulo ng kanilang tatay bunga nang pakikipagsuntukan.
“Hindi ko naman ginusto, kuya, na masaktan ang tatay. Gusto ko lang naman sabihin sa kaniya ang pangbabastos na ginawa sa akin doon sa kanto ng isang pedicab driver,” paliwanag ng kaniyang kapatid habang pinigil ang pag-iyak.
“Nasanggi lang ang pwet mo, Chelsea, pangbabastos na ‘yon sa’yo? Ano, hindi ka pupwedeng masanggi, ha? Ano ka, Diyosa?” inis niyang sambit dito.
“Hindi lang naman kasi sanggi ang ginawa no’n, kuya, kung sanggi ‘yon, hindi ko mararamdaman ang pagpisil niya!” giit nito dahilan upang lalo siyang manggalaiti, tingin niya, nag-iinarte lamang ito.
“O, sige, tama ka na, may nawala ba sa’yo no’ng ginawa sa’yo ‘yon? Wala, hindi ba? Kaya, kung may mga ganiyang pangyayari, tumahimik ka na lang dahil kami lang ni tatay ang napapahamak! Alam mo naman ‘to si papa, pagdating sa’yo, ayaw niyang nababastos ka! Mabuti na lang at dumating ako kung hindi wala na siguro sa atin si tatay ngayon! Mga basagulero ang mga iyon, Chelsea!” bulyaw niya pa sa kapatid dahilan upang mapatakbo ito sa silid at doon magkulong.
Panganay sa dalawang magkapatid ang binatang si Billy. Siya ang nakakatuwang ng kaniyang ama sa panghuhuli ng isda sa laot habang ang kaniyang kapatid na babae naman ang naglalako nito sa kanilang buong lugar.
Sanggol pa lang ang kaniyang bunsong kapatid na babae nang mawala ang kanilang ina dahil sa inpeksyon na nakuha nito mula sa panganganak at simula noon, ang ama na nila ang siyang mag-isang nagtaguyod sa kanilang dalawa.
Kaya naman, nang siya’y magkawisyo na at maintindihan na ang lagay ng kanilang buhay, imbis na magpatuloy sa pag-aaral, minabuti niyang tumulong sa kaniyang ama na kumita ng pera para sa pang-araw-araw nilang mag-aama.
Nang siya’y magtrabaho na rin, napagdesisyunang din ng kaniyang bunsong kapatid na tumulong sa pagtitinda. Ika nito sa kanila ng kaniyang ama, “Ako na lang po ang maglalako sa lugar natin at magbabagsak sa palengke para pagkatapos niyong pangisda, makapagpahinga na po kayong dalawa,” na labis nilang ikinatuwa.
Naging maayos naman ang pagtitinda ng kaniyang kapatid. Malaki ang naiuuwi nitong pera at maaga pa itong nakakauwing walang tirang paninda, kaya lang, nang lumipas na ang ilang taong pagtitinda nito, palagi na lang silang nakatatanggap ng sumbong mula rito na may nangbabastos daw hindi umano rito.
Ito ang dahilan upang mapuno na ang kanilang ama at sugurin ang tinuturong binata ng kaniyang kapatid. Sa kasamaang palad, marami pala itong tropang nakaabang dahilan upang mabugbog ang ito. Mabuti na lang at napagdesisyunang niyang sundan ang ama at ito’y itakas. Kaya naman, ganoon na lang ang galit niya sa naturang kapatid.
Noong araw na ‘yon, maghapon na hindi lumabas ang kaniyang kapatid. Lumabas lang ito nang dumating na silang mag-ama mula sa laot upang maglako ng isda. Hindi siya pinapansin nito kahit anong bilin niyang umiwas na lang sa lalaking iyon dahilan upang lalo siyang magalit dito.
Natulog siyang may inis habang hindi naman mapakali ang kanilang ama. Ngunit nagising na siya, nakakain at nakaligo na, wala pa rin ang kaniyang kapatid dahilan upang bahagya na siyang mag-alala.
“Billy, maggagabi na, wala pa ang kapatid mo, dapat kanina pang alas tres nakauwi ‘yon,” pag-aalala ng kaniyang ama.
“Teka, hahanapin ko na po, baka hindi pa siya nakakaubos kaya hindi pa nauwi,” sabi niya saka agad na nag-ayos ng sarili.
Ngunit paalis pa lang siya ng bahay, pinatawag na sila ng kanilang kapitan sa barangay dahil sa natagpuang dalagang kamuka raw ni Chelsea na nakita walang buhay at hubo’t hubad sa isang ilog, dalawang lalawigan ang layo mula sa kanila.
“Diyos ko, huwag naman po sana,” panalangin niya habang sila’y mapunta sa barangay.
Nang makita niya ang larawan ng naturang dalaga, napatungo na lang siya habang labis na humagulgol ang kaniyang ama.
“Si Chelsea nga ‘yan, ang anak ko, ang tanging yaman ko! Diyos ko! Sinasabi ko na nga ba!” hagulgol ng kaniyang ama.
Doon na siya labis na nakaramdam ng pagsisisi. Imbis pala na pinatahimik niya ang kapatid, dapat pala’y pinakinggan niya ito at humingi ng tulong sa batas.