Inday TrendingInday Trending
May Nakilalang Binata ang Ginang na ito sa Social Media; Ito na kaya ang Pangalawang Pag-ibig na Inaasam Niya?

May Nakilalang Binata ang Ginang na ito sa Social Media; Ito na kaya ang Pangalawang Pag-ibig na Inaasam Niya?

“Mama, totoo bang may nakilala kang binata sa social media at ngayo’y palagi mo nang kausap?” tanong ni Matilda sa kaniyang ina, isang gabi pagkatapos niyang marinig ang balitang ito sa kaniyang bunsong kapatid.

“Oo, anak, Diyos ko! Pakiramdam ko, dalaga ulit ako! Ramdam na ramdam ko na mahal niya talaga ako. Isipin mo, anak, ha, sino ba namang papatol sa senior citizen na katulad ko? Tapos ang macho at ang gwapo niya pa! Batang-bata!” sobrang sayang kwento ni Aling Dory saka pinakita sa kaniyang anak ang litrato ng kaniyang kausap na binata.

“Baka naman may gusto lang ‘yan na mahita sa iyo,” sabi pa nito habang pinagmamasdan ang larawan ng kaniyang iniirog.

“Hay, naku, kahit kailan talaga palagi kang nakakontra! Ayaw mo bang maging masaya ang ulila mong nanay? Isang dekada na akong biyuda, anak! Pagbigyan mo na si mama, suportahan mo na lang ako! Tiyak pag dalaw no’n dito, makakasundo mo rin ‘yon,” wika niya pa habang pinagmamasdan ang larawan ng binata.

“Dadalaw ‘yon dito sa Maynila? Sabi ni bunso, taga Davao raw ‘yon. Mama, huwag mong sabihing…” pagtataka ng kaniyang anak dahilan upang siya’y mapakamot ng ulo.

“Pinadalhan ko siya ng pera pangpamasahe. Maliit na halaga lang naman,” mahina niyang sambit, alam niya kasing magagalit ang kaniyang anak sa ginawa niyang ito.

“Diyos ko, mama!” sigaw nito dahilan upang pilit na lang siyang ngumiti at kinumbinsi itong huwag magalit.

Isang dekada nang biyuda ang ginang na si Dory. Simula noong mawalan siya ng asawa binuhos niya ang lahat ng atensyon sa dalawa niyang anak na babae. Nagsimula siyang magbenta ng mga cake at iba pang panghanda sa mga selebrasyon. Ang perang kinikita niya ang pinapantulong niya sa pag-aaral ng kaniyang mga anak na pawang mga working students na malaking alwan para sa kaniya.

Kaya nang makapagtapos na ang mga ito ng pag-aaral at pawang mga propesyonal ng abogado, minabuti na ng mga ito na siya’y pagpahingahin. Doon na siya nagsimulang mawili sa social media. Lahat ng kaniyang mga ginagawa sa buhay, mapasayaw man niya sa sinalihang zumba o kahit mga pagkain niya sa araw-araw, kaniyang kinukuhanan ng litrato sa inilalagay sa kaniyang social media.

Dito na niya nakilala ang isang binatang muling nagbigay buhay at kulay sa kaniyang pagkatao. Makailang ulit man siyang pagsabihan ng kaniyang mga anak, lalo na ng kaniyang bunsong anak na palagi niyang kasama sa bahay, hindi niya ito iniintindi. Palagi niyang rason, “Gusto ko lang maging masaya, anak, sigurado naman akong malinis ang intensyon niya sa akin.”

Kaya naman, nang malaman ito ng kaniyang panganay na anak, labis itong nagalit, lalo pa nang malaman nitong hindi lang pamasahe ang binigay niya rito. Nakapagbigay na rin pala siya ng libo-libong pera rito sa tuwing umuungot itong walang pangkain dahilan upang labis niyang amuhin ang kaniyang mga anak at kumbinsihin ang mga ito na siya’y suportahan.

Kinabukasan noong araw na ‘yon, hindi man niya makumbinsi ang mga anak na siya’y suportahan at samahan sa pagsundo sa darating na binata sa airport, tumuloy pa rin siya sa pagsundo rito nang mag-isa. Sa katunayan, siya’y tumakas lamang sa dalawa niyang anak na mahimbing pang natutulog.

Ilang oras lang ang lumipas matagumpay na nga siyang nakarating ng naturang airport. Ilang oras din siyang naghintay doon ngunit ni anino ng naturang lalaki, wala siyang nakita.

Sinubukan niya itong tawagan at padalhan ng mensahe sa social media ngunit hindi siya nirereplyan nito.

“Isang oras pa, baka na-delay lang ang flight niya,” kumbinsi niya sa sarili kahit na nangingilid na ang luha sa kaniyang mga mata.

Ngunit lumipas na ang isang oras at kalahating minuto, wala pa rin ang naturang binata dahilan upang labis na siyang manghina at malungkot.

“Uwi na tayo, mama, hindi na po darating ‘yon,” sabi ng kaniyang bunsong anak saka siya tinayo sa inuupuang semento sa tapat ng airport.

“Gusto mo bang magliwaliw muna, mama? Baguio tayo? Doon tayo mag-inom at maglabas ng sama ng loob!” yaya ng kaniyang panganay dahilan upang siya’y napatawa habang umiiyak sa lungkot na nararamdaman.

Doon niya napagtantong siguro, hindi talaga para sa kaniya ang pangalawang pag-ibig na inaasam niya. Lalo pa’t napakabilis niyang nahulog at nahumaling sa naturang binatang iyon.

“Siguro nga, hindi lahat ng nagbibigay ng atensyon at oras, malinis ang intensyon. Mag-iingat na ako nang maigi upang huwag na akong masaktan nang ganito,” sambit niya sa sarili habang sila’y nasa biyahe papuntang Baguio.

Advertisement