Inday TrendingInday Trending
Nawala ng Binata ang Perang Ipinagkatiwala sa Kaniya ng Kanilang Boss, Hindi Niya Inasahan ang Tulong na Natanggap

Nawala ng Binata ang Perang Ipinagkatiwala sa Kaniya ng Kanilang Boss, Hindi Niya Inasahan ang Tulong na Natanggap

“Ayos ka lang ba, p’re? Kaaga-aga nakalumbaba ka r’yan sa tapat ng restawran! Natataboy mo ang swerte, eh,” sabi ni Ken sa kaniyang katrabaho, isang umaga nang makita niya itong nakatambay sa harapan ng kanilang restawran at nakapalumbaba pa.

“Hindi ko na alam ang gagawin, p’re, gusto ko na tapusin ang buhay ko,” sagot ni Edgar habang malayo ang tingin.

“Ha? Bakit? Ano bang nangyari?” pagtataka nito saka naupo sa tabi niya.

“Nawala ko kasi ‘yong bag ko na naglalaman ng pinagkatiwalang dalawangpung libong piso sa akin ni boss noong nag-inom tayo noong makalawa. Hindi ko alam kung sa inuman nahulog o noong sumuka ako. Lasing ako, eh, hindi ba? Kaya hindi ko alam kung anong nangyari, ni hindi ko nga alam paano pa ako nakauwi. Ang huling naaalala ko lang ay ang pagsuka sa puno na hindi ko alam kung saan!” kwento niya dahilan upang unti-unti nang mangilid ang luha sa kaniyang mga mata.

“Diyos ko, p’re, ang laking pera niyan!” sigaw nito dahil sa labis na panghihinayang.

“Kaya nga, eh, hindi ko alam kung saan ko hahagilapin ‘yon, malilintikan ako kay boss baka masisante pa ako at pabayaran sa akin ‘yon, eh, saan naman ako kukuha ng ganoong kalaking pera?” hikbi pa niya dahilan upang tapik-tapikin siya ng kaniyang kaibigan.

“Tutulungan kita, huwag ka lang mawala,” sabi nito dahilan upang lalo pa siyang mapaiyak.

Sa lahat ng empleyado sa pinagtatrabahuhang restawran, ang binatang si Edgar ang tanging pinakapinagkakatiwalaan ng kaniyang boss. Bukod kasi sa kabaitang mayroon siya sa lahat ng taong sa loob ng naturang restawran, napatunay niya ang katapat niya rito nang mapulot niya ang wallet nitong naglalaman ng malaking halaga at agad niya itong isinauli.

Simula noon, nakuha na niya ang buong tiwala nito dahilan upang pati ang sweldo at perang ipapangbayad sa mga biniling pang sahog para sa mga binebenta nilang pagkain, sa kaniya pinagkakatiwala buwan-buwan.

Ngunit tila wala talagang perperktong empleyado dahil kapag naman siya’y nayaya na sa inuman, hindi niya makontrol ang sarili at labis na nagpapakalango.

Ito ang dahilan upang payuhan siya ng kaniyang asawa na kung iinom man, iwan niya sa kanilang bahay ang perang pinagkakatiwala ng kaniyang amo. Sinusunod niya naman ito dahil alam niya namang hindi mawawala ang pera sa kanilang bahay.

Ngunit noong araw na nagkayayaan sila ng kaniyang mga katrabahong uminom, hindi na niya nagawang dumaan sa kanilang bahay upang iwan ang pera dahil nagmamadali na ang mga ito.

At doon na nga nangyari ang kinatatakutan niyang pangyayari, nawala niya ang malaking halagang pera pambayad sana sa mga inorder nilang mga manok, baboy, isda at bigas sa palengke.

Noong araw na ‘yon, wala siya sa sarili habang nasa trabaho. Mabuti na lang at wala ang kanilang boss at siya’y pinagpahinga muna ng ibang empleyado.

“Umuwi ka muna, p’re, pahinga ka muna,” payo ni Ken sa kaniya dahilan upang siya’y agad na umuwi.

Pagkauwi niya, hindi rin naman siya makatulog dahil sa labis na pag-iisip kung saan pupwedeng makakuha nang malaking pera.

“Lagot ako nito, bukas na ang darating ang mga inorder namin,” inis na sambit niya sarili habang hinihila-hila ang kaniyang buhok dahil sa labis na pagkainis.

Nakita niya pa ang lubid na binili ng kaniyang ama panali sa kanilang bubong dahilan upang siya’y lalong mapaisip ng masama.

“Kung tatapusin ko ang buhay ko, hindi ko na kailangang mabaliw ng ganito dahil sa perang nawala ko,” sabi niya sa sarili habang itinatali sa pundasyon ng kanilang bubong ang naturang lubid.

Isusukbit na niya sana ang kaniyang ulo sa tali nang biglang tumunog ang kaniyang selpon at dahil nga ganoon na lang siya karesponsable sa kaniyang trabaho nang maaninag niyang si Ken ang tumatawag, agad niya itong sinagot.

“P’re, mas mahalaga ang buhay mo kaysa sa perang nawala mo, ha? Huwag ka na mag-alala, nakagawa na kami ng paraan. Lumabas ka d’yan sa lungga mo, nandito kami sa harapan ng bahay mo,” sabi nito dahilan upang magdali-dali siyang sumilip sa bintana at tumambad sa kaniya ang mga katrabaho niyang masayang kumakaway sa kaniya.

Pagkababa niya, agad na inabot ng mga ito ang dalawangpung libong piso na kanilang pinag-ambagan.

“Sigurado ba kayo? Te-teka, sahod niyo yata ito!” hindi makapaniwala niyang ika habang pinagmamasdan ang hawak-hawak na pera.

“Ayos lang, huwag ka lang mawala,” sabay-sabay na sabi ng mga ito dahilan upang siya’y agad na mapaluha sa sayang nararamdaman.

Advertisement