Sinumbong ng Dalagang ito ang Binatang tila Nambabastos sa Kaniya, Kahihiyan ang Nadulot nito sa Kaniyang Pamilya
“Bakit nakabusangot na naman ang mukha mo, anak? Ayaw mo ba rito sa pinuntahan natin?” tanong ni Anita sa dalaga niyang anak, isang tanghali nang mapansin niya itong balisa sa isang sulok ng inupahan nilang kubo sa isang resort.
“Gusto ko naman po, mama, kaya lang nakakainis kasi ‘yong lalaking ‘yon, eh!” sagot ni Girlie sa kaniyang ina, saka tumingin sa labas ng kanilang kubo.
“Sinong lalaki? Anong ginawa sa iyo?” naiinis na tanong nito.
“Ayon po mama, oh, ‘yong lalaking nakaupo banda ro’n! Nakasuot ng puting damit at itim na sumbrero!” sambit niya habang tinuturo ang lalaking hindi umano’y nambastos sa kaniya, “Kanina pa kasi nakatingin sa akin ‘yon, pagdating pa lang natin dito sa resort! At hindi lang basta tingin, mama, parang pinagnanasaan pa ang hita at binti ko!” dagdag niya pa dahilan upang manggalaiti ang kaniyang ina.
“Aba, hindi tama ‘yan! Malilintikan sa akin ‘yan, sandali lang!” sigaw nito saka binaba ang hawak na pang-ihaw.
“Opo, mama, harapin mo! Kanina pa nga ngumunguso-nguso pa sa akin ‘yan habang nakatingin sa hita ko!” kwento niya pa dahilan upang lalong magalit ang kaniyang ina.
“Maghintay ka d’yan at haharapin ko ang bastos na ‘yon! Isumbong mo na rin sa tatay mo pagdating para mayari lalo ‘yon!” payo nito sa kaniya saka agad na umalis ng kanilang kubo.
Nag-iisang anak na babae ang dalagang si Girlie. Ito ang dahilan upang labis siyang pag-ingatan ng kaniyang mga magulang at ng tatlo niya pang kapatid na lalaki. Sa katunayan nga, kapag siya’y naaagrabyado, agad siyang pinagtatanggol ng mga ito.
May pagkakataon pa nga noong siya’y niloko ng kaniyang nobyo, tinuruan ito ng leksyon ng kaniyang mga kapatid. Bukod sa pinagsabihan ito, nakatikim pa ito nang malalakas na suntok habang nasa harapan niya. Ito ang dahilan upang hindi muna siya magnobyo dahil natatakot siyang baka mga kapatid naman niya ang mapahamak.
Ngunit sa tuwing may mangbabatos sa kaniya, hindi niya maiwasang magsumbong sa mga ito. Lalo na’t mala-diyosa ang kaniyang itsura, at marami ang nakakapansin sa kaniya.
Noong araw na ‘yon, pagkarating na pagkarating pa lang nila sa resort na iyon, may isang lalaki na ang patingin-tingin sa hita at binti niya. Naka-short pa naman siya dahilan upang labis siyang mailang dito.
Inobserbahan niya muna ang lalaki kung patuloy pa siyang pagmamasdan ngunit hindi lang iyon ang ginawa ng lalaki dahil ngumuso-nguso pa ito sa kaniya dahilan upang tuluyan siyang magkulong sa kanilang kubo.
Sakto naman nang mapansin siya ng kaniyang ina, umalis ang kaniyang ama at mga kapatid upang bumili ng kanilang makakain sa kalapit na bayan kaya ang ina na lang niya ang sumugod sa lalaking iyon.
Pagkaalis na pagkaalis ng kaniyang ina, agad siyang sumilip sa bintana upang makita kung anong gagawin nito sa naturang binata.
Kitang-kita niyang binubungangaan ito ng kaniyang ina habang todo paliwanag ang naturang binata. Ika niya, “Panigurado nagdadahilan ‘yan upang huwag mapahiya! Nakakainis talaga ang mga bastos na lalaki!”
Mayamaya pa, dumating na ang kaniyang ama at ang tatlo niyang kapatid na lalaki. Nakita niya ang takot sa mukha ng naturang binata dahilan upang siya’y mapangisi.
“Tiyak naman ako hindi yan sila mapapahamak. Mukhang duwag ang lalaki, eh,” sabi niya pa.
Ngunit nalingat lang siya saglit nakita na niyang napalibutan ng mga lalaki ang kaniyang mga magulang at kapatid dahilan upang mapalabas na siya ng kubo at agad na magpunta roon.
“O, nakita niyo na ang hita ng anak niyo? Hindi ba’t may dumi ng hayop sa bandang likuran? Nginungusuan ko siya dahil iyon ang paraan ko ng pagtuturo. Huwag ho kayong basta sugod, lalo na’t wala kayo sa lugar niyo,” sabi nito habang pinapakita ang dumi ng hayop na nasa kaniyang katawan dahilan upang bahagya siyang mapahiya pati na ang kaniyang buong pamilya.
“Pasensiya na kayo, unica hija kasi, eh, kaya ganiyan kami kaprotektado,” wika ng kaniyang ama.
“Kahit na, sir, kung kaming mga tiga rito ay basagulero, sigurado hindi na kayo makakauwi nang buhay,” sagot pa ng naturang binata saka sila nilayasan kasama ang iba pang mga taga roon.
Pagkadating na pagkadating nila sa kanilang kubo, agad siyang humingi ng tawad sa kaniyang buong pamilya habang nililinis ng kaniyang ina ang dumi sa kaniya hita.
“Pasensiya na po kayo, lagi ko kayong nadadala sa alanganin,” hikbi niya.
“Ayos lang ‘yon, anak, ang mahalaga, kampante tayo na walang nambabastos sa’yo,” wika ng kaniyang ina saka sila nagyakapang pamilya.