
Tinulungan ng Babae ang Nangangailangang Kaibigan; Hindi niya Akalaing Ahas pala Ito
Dumating si Jean sa cafeteria hindi ganoon kalayo sa bahay na tinutuluyan niya. Tinawagan kasi siya ng kaibigan niyang si Irish at nais siyang makausap.
Hindi naman nagtagal ay dumating na rin ito. Hapit na hapit ang suot nitong off-shoulder dress na nagpapakita ng hubog ng kaniyang katawan. Nakalugay ang bagsak at itim na buhok at sobrang ganda nitong tingnan.
Kumaway ito nang makita si Jean. Tumayo naman si Jean at nakipag-beso kay Irish nang makalapit ito sa table na pinili niya.
Nag-chikahan muna sila bago natanong ni Jean kung bakit nais siyang makausap ng kaibigan.
“Jean, lumayas ako sa amin. Hindi ko alam kung saan ako tutuloy ngayon,” malungkot ang boses ni Irish.
Hinawakan ni Jean ang kamay ni Irish at pinisil ito.
“May isang room pa sa bahay namin. Doon ka muna, kakausapin ko ang husband ko na sa amin ka na muna tumira.” Tumayo si Irish at niyakap ang kaibigan. Naluluha siyang yumakap sa matalik na kaibigan.
Dinala ni Jean sa kanila si Irish. Ipinakilala niya ito sa asawa at tinanggap naman dahil sa pakiusap na pansamantala lang ito.
“Jane, magmano ka sa Ninang Irish.” Pinalapit ni Jean ang anak sa kaibigan. Agad naman itong tumalima.
Mabilis lumipas ang araw. Busy si Jean sa trabaho habang naiiwan naman si Irish para magbantay sa anak nila. Sa gabi lang nakakauwi si Jean at sobrang pagod na pagod pa kaya pagkatapos kumain at deretso na sa kwarto para magpahinga.
Ilang linggo na ganoon ang routine nila kayaʼt kahit ang pagkakaroon nila ng oras na mag-asawa ay hindi niya magawa dahil sa sobrang pagod.
Isang araw ay nagkaroon ng break sa trabaho si Jean. Maaga pa rin siyang umalis katulad ng nakagawian upang mamili at ipagluto ang asawa at anak. Ilang linggo na rin na si Irish ang naglilinis ng bahay at gumagawa ng dapat ginagawa niya kaya naisip niyang bumawi sa mga ito.
Alas diyes ng umaga ay nakauwi na si Jean sa bahay. Nakita niya sa sala ang anak kaya tinanong niya ito.
“Nasaan ang Daddy at Ninang Irish?” tanong niya sa anak.
“Nasa kwarto po.” Walang muwang namang sagot ng kaniyang anak na si Jane.
Dumagundong ang kabog sa puso ni Jean. Parang nawala siya sa sistema at kung ano-ano nang pumasok sa utak niya.
Umakyat siya papunta sa kwarto nilang mag-asawa. Kakatok na sana siya nang marinig ang ungol na nanggagaling sa loob. Napaupo na lang siya sa labas ng pinto at doon impit na umiyak.
Bumaba siya sa kusina. Pinahiran ang mga luha at nagpanggap na walang narinig. Masaya niyang dinala sa taas ang nilutong bulalo at kanin. Dinalahan niya rin ang mga ito ng tea at cake sa taas.
Ilang araw siyang nagpanggap. Pakiramdam niya ay wala siyang mata at tainga sa mga nagdaang araw. Ang tinginan ni Irish at asawa niya ay kakaiba. Ang bawat ungol sa tuwing naabutan niya ay parang bumabasag at dumudurog sa kaniya hanggang sa isang gabi na magkakasama sila sa hapag ay parang binomba siya nang buo sa tanong ng anak niya.
“Daddy, bakit po magkalapat ang labi niyo ni Ninang Irish kanina?” Nabitiwan ni Jean ang hawak na kutsara at tinidor. Naging gripo ang kaniyang mga mata sa walang awat na pagtulo ng luha.
“K-Kumain ka na muna, ‘nak,” basag ang boses ni Jean nang sabihin iyon. Matapos kumain ay iniligpit ni Irish ang pinagkainan habang pinatulog ni Jean ang anak.
Matapos makatulog ng bata ay bumaba na si Jean. Pinigil niya ang sarili na makapagbitiw ng salita ngunit sobra na ang sakit ng panloloko ng mga ito.
“Sobrang minahal kita, Dion. Sobra-sobra ngunit alam kong nagkulang ako…” itinigil ni Jean ang pagsasalita saglit at tumingin sa kaniyang asawa. “Kaya siguro humanap ka ng pandaliang kaligayahan.” Binigyan ng tingin ni Jean si Irish na ngayon ay lumuluha na rin.
“Sana masaya ka,” saad ni Jean bago pinunasan ang natuyong luha.
“Tapos na akong magbingi-bingihan at magbulag-bulagan dahil iniisip ko ang anak ko. Kayo? Naisip nʼyo ba siya? Naisip mo ba ang anak mo, Dion? Ang inaanak mo, Irish? Ang baboy nʼyo!” basag ang boses ni Jean. Hindi na niya kaya pa ang sakit.
“Pwede na kayong magsama. Malayo sa akin at sa anak ko. Iyon na lang ang pakiusap ko… sana bukas wala na kayo.” Tumalikod si Jean at umakyat na sa kwarto niya.
Bumungad sa kaniya ang anak na namumungay ang mata.
“Mom, nasaan po si Daddy?” Mas lalong napaiyak si Jean.
“Simula ngayon, si Mommy na lang at ikaw, anak.” Hinalikan nito ang noo ng anak at muling iginaya ang nalilitong anak sa kama.
Magdamag na umiyak si Jean. Namumugto ang mata ng bumangon. Nagtuloy siya sa banyo at naligo. Lumabas siya at naghanda ng makakain.
Tahimik na ang bahay niya. Wala nang kakaibang ingay. Napatingin si Jean sa kabilang kwarto. Wala na rin ang asawa niya kasama na ang matalik niyang kaibigan.
Lingid sa kaalaman ng mga ito ay nakuhanan niya ng litrato at mga video ang ginagawang pagtataksil ng mga ito sa kaniya. Bukas, magsasampa siya ng kaso. Hindi na uso ngayon ang martir na asawa. Lalaban si Jean hindi lang para sa kaniya kundi para sa kaniyang anak!