Napakasipag ng Janitor na Ito ng Isang Paaralan; Alamin kung Paano Siya Naging Inspirasyon sa Karamihan

Malawak ang pribadong eskwelahan na pinagtatrabahuhan ni Joel. Marami naman silang janitor pero masyadong marumi at makalat ang mga estudyante at hindi yata natutunan ang tamang pagtatapon ng basura. Higit sa lahat ay may iilan sa kanila na likas na masama ang ugali.

“Hey, Janitor, come here!” walang modong utos ni Sabrina kay Joel. Kilala itong isa sa mga bully sa naturang eskuwelahan.

“Ano ho iyon?” pormal na sagot ni Joel na nasa edad na tatlumpo’t lima. Amo kung ituring nila ang mga estudyanteng kagaya nito dahil siguradong tanggal sila kapag nagkataon.

“Linisin mo, ‘to!” Ibuhos ni Sabrina ang tira-tirang pagkain habang nakangisi ito. Napanganga ang iilang mga estudyante na kumakain sa canteen.

Napatungo na lang si Joel at kinuha ang mop na gagamitin upang linisin ang basurang sinadyang itapon ni Sabrina. Natatawang umalis ang dalagita na may nanunuyang ngisi para kay Joel.

Maraming beses na naulit iyon. Paulit-ulit na pagpapahirap ang ginawa sa kaniya at sa mga kapwa niya janitor ng mga estudyanteng kagaya ni Sabrina ngunit ipinagkikibit-balikat na lamang nila iyon dahil maaari silang mapatalsik sa pinagtatrabahuhang eskwelahan kapag sila ay lumaban.

May isang batang babaeng nagtanong kay Joel, si Alexa. Mabait ito at maalalahanin, hindi katulad ni Sabrina na hindi yata napalaki nang ayos ng kaniyang mga magulang.

“Bakit po kayo nag-janitor?” Napangiti si Joel at itinabi saglit ang mop na ginagamit. Umupo sila sa bakanteng upuan at saka nagkwento si Joel.

Advertisement

“May anak akong si Ruben, ngayong taon ay matatapos na siya sa kolehiyo. Si Roxanne naman ay isang taon pa dahil 3rd year college na siya. Kailangan kong magsumikap dahil pangarap kong makapagtapos sila,” naluluha pang kwento ni Joel.

“Sa pagiging janitor nʼyo po sila binubuhay?” muling tanong ni Alexa. Umiling si Joel.

“Simula alasais ng umaga hanggang alas-dose ng tanghali ay nasa school ako bilang janitor. Sa hapon ay taga-deliver ng tubig at waiter naman ako sa isang bar kapag gabi. Minsan nagsa-sideline din akong mekaniko.” Literal na ngumanga si Alexa sa tinuran ni Joel at hindi napigilang takpan ang bibig.

“Napakasipag nʼyo po. Hindi po ba kayo napapagod?” tanong pa ni Alexa at muling umiling si Joel.

“Kailangan ako ng mga anak ko, hija. Hindi ako pwedeng mapagod o sumuko dahil ako ang inaasahan ng pamilya ko.”

Napahanga si Alexa sa tinuran ng butihing janitor.

“Malapit na pong makatapos ang panganay nʼyo. Sa loob ng ilang taon ay siguradong hindi ninyo na kakailanganin pang magtrabaho at mananatili na lang kayo sa bahay.” Muling napailing si Joel sa tinuran ng dalaga na ngayon ay nakakunot na ang noo.

“Po? Magtatrabaho pa kayo?” agap na tanong nito.

Advertisement

“Balak ko sanang mag-aral muli. Alam mo kasi, hija, edukasyon ang kayamanan natin. Gusto kong tuparin ang pangarap ng aking mga magulang na magkaroon ako ng diploma sa kehiyo na kahit wala na sila pareho, matutupad ko. Hindi lang naman para sa kanila, higit sa lahat sa sarili ko, hindi ba?” Mas humanga nang tuluyan si Alexa sa kanilang janitor.

“Sana matupad po lahat ng pangarap ninyo na muling makapag-aral,” saad ni Alexa bago nagpaalam kay Joel.

Lumipas ang isang taon at nakapagtapos na si Ruben—ang anak ni Joel. Mabilis itong natanggap sa isang kompanya at nakasimula sa trabaho.

Mabilis lumipas ang panahon at nakatapos na rin ang anak na dalaga ni Joel na si Roxanne.

Abot-abot ang saya ni Joel at halos maluha-luha pa nang sa pribadong eskwelahan ng St. Agustin ay muli siyang aapak hindi bilang isang janitor kung hindi bilang isang first year college student. Nakatanggap siya ng scholarship at bukod roon ay parehas nang nagtatrabaho ang dalawa niyang anak. Pagtuturo sa sekondarya ang kinukuha niya na siyang pangarap niya noon pa.

Unang pasok pa lang ay nakabibinging ingay ng mga estudyante ang naririnig niya. Matagal ang bakasyon kaya marami silang napagpulungan hanggang sa dumating ang guro nila.

Nanlaki ang mata ni Joel nang makita kung sino ang magiging adviser nila.

“Hi. I’m Alexa Delavin, ako ang magsisilbing adviser ninyo for the whole year. I hope we enjoy being together.” Halos mapunit ang labi ni Alexa sa sobrang pagkakangiti dahil nakita niya ang isang taong naging inspirasyon niya para magsumikap mag-aral, ang dati nilang Tatay Janitor na ngayon ay estudyante na niya, si Mang Joel.