
Iniwan Siya ng Kaniyang Minamahal Dahil sa Hilig niya sa Musika; Ito rin Pala ang Magbabangon sa Kaniya
Parang pinipiga ang puso ni Clark sa bawat pagbigkas niya ng mga liriko ng kanta. Pakiramdam niya ay may nakabikig sa kaniyang lalamunan habang umaawit sa harap ng maraming tao.
Isa siyang sikat na mang-aawit sa kaniyang henerasyon. Nakalibot na siya sa iba’t ibang bansa upang magtanghal.
Ngunit hindi makumpleto ang saya niya dahil ang nakaraan niya ay patuloy na ginugulo ang isip at puso niya. Ang alaala niya kasama ang babaeng minahal niya nang lubos ay bumabalik nang paulit-ulit at nagpapasakit sa kaniyang damdamin, na kahit anong pilit niyang kalimutan ay bahagi pa rin ng kaniyang pagkatao ngayon.
Iniwan siya nito sa kadahilanang hibang siya sa musika. Nawalan ng oras at pinagkatutukan niya ang pagkanta. Paulit-ulit na ensayo, kabi-kabilang gig at mga audition upang makilala ang kaniyang pangalan at pagmamahal niya sa musika pero nakalimutan niya ang pinakaimportanteng babae sa buhay niya—si Faye.
Natapos ang performance niya na may luhang naglalandas sa kaniyang pisngi. Ngumiti siya sa mga tao at kumaway bago tumalikod at saka nagpahid ng luha. Masakit pa rin para sa kaniya kahit na halos tatlong taon na silang hiwalay ni Faye.
“Bakit mo ako iiwan, Faye?” garalgal ang boses ni Clark habang nagtatanong sa babaeng nasa harapan. Umiwas ito ng tingin kay Clark at naging bingi na rin sa sinasabi ng binata.
“Clark, ayoko na. Hindi na kita mahal. Simula nang mahibang ka sa iba’t ibang instrumento na ‘yan! Nawalan ka na ng oras sa akin. Mas mahal mo pa ‘yang gitara mo kaysa sa akin. Parang nakalimutan mong ako ang girlfriend mo at hindi ang gitarang lagi mong yakap-yakap at kasa-kasama!” May hinanakit sa boses ni Faye at tuluyan na siyang napahagulhol.
Naglumuhod si Clark habang lumuluhang hinawakan ang kamay ni Faye pero inalis nito ang pagkakawak niya.
“I treasured you, Clark. But let’s end this. Maghiwalay na tayo,” huling saad ni Faye kay Clark bago ito tuluyang iniwan na umiiyak.
Hinabol pa Ito ni Clark ngunit hindi na naabutan. Araw-araw nitong kinakantahan ang dalaga sa labas ng bahay nito, hinaharana, ngunit wala pa rin. Patuloy niyang hinabol ito hanggang sa lumipat ito ng tirahan na hindi niya alam kung saan.
Sobrang nalungkot si Clark. Walang oras na hindi niya inisip ang dating kasintahan. Puro pagtugtog at pagkanta ang ginawa niya sa kung saan-saan upang makalimot. Paborito niya ang kantang iyon dahil pinapaalala niyon ang kaniyang hinagpis at kabiguan sa pag-ibig.
Hindi niya inasahang makakamtan niya pa ang kinalalagyan niya ngayon matapos siyang iwan ni Faye. Kumakanta siya sa isang cafe kung saan may entablado nang makuhanan siya ng video roon at mabilis na nag-viral.
Maraming kumuha sa kaniya sa gigs, may mga nag-request ng interview na ipinalabas sa TV at kabi-kabilang show. Naging tanyag nga ang pangalan ni Clark sa industriya ng musika. Hinahangaan siya ng mga kadalagahan.
Naging dahilan ang musika upang masaktan siya nang sobra ngunit naging lakas niya rin ito nang maabot niya ang pangarap na maging sikat na singer.
Napailing si Clark nang muling maalala ang kaniyang nakaraan na kung tutuusin ay hindi na dapat niya iniiyakan sapagkat masaya na siya sa buhay niya ngayon.
Marami siyang nakilala sa industriya ng musika ngunit wala sa kanila ang nakapagpalimot sa kaniya sa dating pag-ibig, hanggang sa makilala niya si Kylie… isa ring singer. Nagkapalagayan sila ng loob hanggang umabot ng dalawang taon ang kanilang relasyon bago sila nagpakasal. Makalipas lang ang tatlong taon ay nagbunga ng isang malusog na batang babae ang kanilang pagsasama na mas nagpasaya kay Clark.
Napagtanto niya na hindi ng lahat ng bagay ay dapat habulin at hindi rin dapat sumuko sa pangarap at sa buhay para sa hinaharap.
Napakasuwerte ni Clark kay Kylie. Nagawa niyang kalimutan si Faye simula nang makilala niya ito. Hindi akalain ni Clark na may kaya pa palang humigit sa pagmamahal niya kay Faye. Ang buong akala niya noon ay sagad na iyon, ngunit mas matindi pala kapag nakilala mo na ang iyong tunay at tamang pag-ibig.
Sinusuportahan ni Kylie ang kaniyang pagkanta, dahil mahal din nito ang musika. Sa katunayan ay halos ito ang kaniyang naging inspirasyon sa tuwing maglalabas siya ng panibagong himig. Lalo pang nakilala si Clark sa larangang ito sa tulong at suporta ng kaniyang mahal na asawaʼt anak.