Inday TrendingInday Trending
Iniwasan ng Dalaga ang Kaibigan Dahil Palagi Siya Nitong Pinagagalitan, Nakita Niya ang Halaga Nito nang Makaranas ng Pagtatraydor

Iniwasan ng Dalaga ang Kaibigan Dahil Palagi Siya Nitong Pinagagalitan, Nakita Niya ang Halaga Nito nang Makaranas ng Pagtatraydor

“Ngiting-ngiti ka na naman, ha? Mukhang bumalik ka na naman doon sa babaero mong nobyo, ano?” bungad ni Imelda sa kaibigan niya, isang araw nang makita niya itong todo ngiti dahil sa selpong hawak sa kantin ng kanilang pinagtatrababuhan.

“Pwede ba huwag mong sirain ang araw ko? Hindi ka ba masaya para sa akin?” masungit na sagot ni Mira saka niya tinaob ang hawak na selpon at inirapan ang kaibigan dahilan upang bahagya itong magalit.

“Hindi, Mira! Ilang beses ka nang niloko niyan? Ang sweldo mo, imbis na sa pamilya mo napupunta, pinapangbisyo niya. Kailan ka ba matatauhang ginagamit ka lang niyan?” sambit nito dahilan upang labis siyang magalit.

“Alam mo, hindi ko kailangan ng kaibigang katulad mo. Palagi mo akong pinapagalitan imbis na sinusuportahan mo ako kung saan ako masaya! Nakakainis ka!” sigaw niya rito, napansin niyang nakatingin na halos lahat ng tao sa kantin sa kanila dahilan upang bulungan niya ang dalaga, “Tandaan mo ‘tong araw na ito, huwag ka nang magpapakita sa akin! Kalimutan na natin ang isa’t-isa, ayoko ng pakialamera sa buhay ko!” ‘ika niya saka binalya ang kaibigang mangiyakngiyak.

Matalik na magkaibigan ang dalagang sila Mira at Imelda. Bata pa lamang sila nang magkapalagayan na ng loob dahil pawang magkakaibigan din ang kanilang mga magulang. Palagi silang sabay pumasok sa paaralan simula elementarya hanggang sila’y makapagtapos ng pag-aaral. Sa katunayan nga, hanggang sa kanilang trabahong pinili, nais nilang magkasama.

Kaya ganoon na lang ang tuwa ng kanilang mga magulang, panatag ang mga ito na kapag silang dalawa ang magkasama, walang masamang mangyayari sa kanilang dalawa.

Ngunit tila bahagyang lumayo ang loob ni Mira sa kaibigan nang siya’y magkaroon ng nobyo. Halos wala kasing buwan na pinapagalitan siya nito. Pakiramdaman niya, naiinggit ito sa kaniya, ‘ika niya isang beses nang mainis sa dalaga, “Ako kasi may nobyo, habang siya, simula hayskul, walang nagkakagusto sa kaniya!”

Pero kapag nakakaranas naman ng depresyon dahil sa nobyo, ito ang una niyang pinaglalabasan ng sama ng loob. Madalas niya kasing nahuhuling may kausap na iba ang kaniyang nobyo, bukod pa roon, siya ang inaasahan nito para mabuhay.

Mapapangkain nito sa araw-araw, hanggang sa pangbili nito ng alak at sigarilyo, siya ang nagbibigay ng pera rito kaya ganoon na lang ang galit ng kaniyang kaibigan na hindi niya maintindihan dahil siya’y nabulag na ng tinatawag at pinapaniwalaan niyang pag-ibig.

Simula noong araw na ‘yon, nawala na ang komunikasyon niya sa naturang kaibigan dahilan upang mapilitan siyang maglabas ng sama ng loob sa isa nilang katrabaho nang minsan na naman siyang iwan ng nobyo. Labis siyang natuwa sa bagong tagpong kaibigan dahil nang makabalikan ulit sila ng kaniyang nobyo, hindi ito nagalit at nagpakita pa ng labis na suporta.

‘Ika nito, “Kung d’yan ka masaya, dapat maging masaya rin ako bilang kaibigan mo,” dahilan upang yakapin niya ito dahil sa tuwa.

Ngunit ilang linggo lang nakalipas, may balitang nakarating sa kaniya na may naninira raw sa kaniya sa kanilang trabaho dahilan upang magdesisyon siyang sabihin ito sa bagong tagpo niyang kaibigan.

Pero imbis na umalwan ang loob niya nang makita ang naturang dalaga, hindi siya makapaniwala sa narinig niya mula rito.

“Ay, naku, ‘yang si Mira? Pinanganak yatang t*nga ‘yon! Ilang beses nang niloko at pineperahan ng nobyo, balik pa rin nang balik! Parang linta kung makakapit sa pangit na ‘yon!” sambit nito dahilan upang bigla siyang mapatigil.

“O, akala ko ba kaibigan mo ‘yon?” tanong ng isa pa nilang katrabaho.

“Sino naman nagsabi sa’yo? Gusto ko lang makasagap ng tsismis tungkol sa kaniya kaya ako lumalapit doon!” tugon nito na lalong nakapagpasama ng loob niya.

Doon niya napagtanto ang halaga ng matalik niyang kaibigang si Imelda dahilan upang mapaiyak na lang siya sa isang sulok ng kanilang kantin. ‘Ika niya, “Mas mabuti pa pala si Imelda, sinasabi niya lahat ng mali sa akin sa harap ko at hindi sa ibang tao. Sana pala…” bigla na lang siyang napatigil sa paghikbi nang may yumakap sa kaniya.

“Mahal kita, kaya itinatama ko lahat ng pagkakamali mo sa harap mo, magalit ka man, alam kong para ‘yon sa ikabubuti mo,” sabi nito saka siya muling niyakap nang mahigpit dahilan upang siya’y mapahagulgol.

Pagkatapos ng pangyayaring iyon, napagdesisyunan niya na ring putulin ang relasyon niya sa nobyong pabigat sa kaniya. Mahirap man, nagawa niya itong lagpasan sa tulong ng totoo at tapat niyang kaibigang si Imelda.

Advertisement