
Nagyayabang Daw ang Amo ng Dalagang Ito, Napatunayan Niyang Mali ang Tsismis nang Maisama Siya Nito sa Isang Mall
“Naku, aabisuhan na kita, ha? May pagkamayabang ang amo natin, magtiis ka na lang. Tingnan mo, kinuha ka niya pa ring kasambahay kahit napakarami na namin dito at wala nang dapat gawin,” sambit ni Mylene sa bagong kasambahay, isang araw nang una itong magtrabaho kasama siya.
“Ang bait niya nga po, eh, kasi kahit ganoon binigyan niya pa rin ako ng trabaho,” depensa nito saka ngumiti sa kaniya habang abala sa pagpupunas ng mga bintana.
“Pagyayabang ‘yon, hindi pagiging mabait. Gusto niya lang ipakita sa lahat ang yaman niya kaya marami siyang trabahador sa mansyong ito,” giit niya, saka bahagyang tumingin sa paligid kung may nakakarinig sa kanila.
“Ay, talaga po ba?” paninigurado nito, sinenyasan naman niya ito agad dahilan upang lumapit ito sa kaniya.
“Oo, bakit naman ako magsisinungaling sa’yo? Sa tagal ko rito, marami na akong nakakasamang kasambahay na umaalis pagkatapos niyang isama sa labas. Ang bali-balita kasi, niyayabangan sila nang labis ng amo natin,” bulong niya sa naturang dalaga, napailing-iling na lang ito saka bumalik sa ginagawa.
Mag-iisang dekada nang naninilbihan sa isang mayamang ginang ang dalagang si Mylene. Nakilala niya ang naturang ginang sa restawrang pinagtatrababuhan niya noon bilang isang janitress at dahil noong mga panahong iyon ay hirap na hirap siya sa buhay, agad siyang sumama rito nang alukin siyang magtrabaho bilang isang kasambahay.
Tila nagustuhan kasi nito ang pagiging maimis niya’t pagiging magiliw sa mga customer dahilan upang agad siya nitong bigyang ng malaking sahod na talaga nga namang hindi na niya pinalampas.
Labis ang kasiyahan niya nang mapunta sa puder ng ginang na ito. Bukod kasi sa maayos niyang natutugunan ang kaniyang mga responsibilidad sa kaniyang pamilya bilang panganay, mayroong pa siyang sariling ipon at mga bagong gamit na bigay ng naturang ginang.
Ito ang naging dahilan upang mas lalo niyang pag-igihan ang pagtatrabaho rito. Ngunit nang tumagal, bigla na lang may naumong tsismis sa loob ng mansyon na ikinasira ng tiwala niya sa amo.
Kada kasi may isinasama itong kasambahay sa pag-alis, hindi na bumabalik ang mga ito, at ang usap-usapan, labis daw kasing nagyayabang ang kanilang amo dahilan upang tumakas at hindi na magpakita ng mga naturang kasambahay na talaga nga namang unti-unting napatunayan ni Mylene sa mga napapansin niyang ikinikilos ng ginang.
Bukod sa parami na sila nang parami sa mansyon kahit wala na silang ginagawang trabaho, ang mga pera’t alahas nito’y nakakalat lamang sa iba’t-ibang parte ng mansyon. Kung minsan pa, ang mga bagong biling gamit nito’y ipinapakita sa kanila dahilan upang makaramdam siya nang kaunting pagkainggit at pagkainis dahil katulad nga ng ‘ika niya, “Nagyayabang lang ito.”
Ngunit noong araw na ‘yon, habang sila’y nagkukwentuhan ng bagong kasambahay, bigla siyang kinabahan nang ipatawag siya nito.
“Magbihis ka raw at isasama ka ni madam sa meeting niya,” ‘ika ng isa niyany katrabaho dahilan upang magkatitigan sila ng bagong kasambahay.
“Dito ko na mapapatunayan ang tsismis, babalitaan kita,” sambit niya saka agad na nagbihis upang makasama sa amo.
Maya-maya pa, umalis na nga sila ng kaniyang amo. Magiliw siya nitong kinakausap at habang sila’y nasa biyahe, binigyan pa siya nito ng mamahaling inumin dahilan upang masabi niyang nagyayabang na naman ito.
Ilang minuto lang ang nakalipas, matagumpay na silang nakarating sa naturang pagtitipon at ilang oras lang ang lumipas, agad na itong natapos dahilan upang dalhin na siya sa isang mall ng kaniyang amo.
“Sige na, pumili ka ng mga gusto mo, mapaalahas man o damit, kunin mo lang,” nakangiting sambit nito dahilan upang maisip niyang nagyayabang na naman ito. Ngunit imbis na mainis, ngumiti lang siyang sinunod ang ginang.
Nang mabili na niya ang lahat ng nais niya, dinala siya nito sa isang restawran upang kumain. Ngunit nabigla siya sa balitang sinabi nito habang sila’y tahimik na kumakain.
“Gusto mo bang mangibang bansa katulad ng ibang kasambahay noon?” tanong nito na labis niyang ikinagulat, “Balita ko kasi, isa sa mga pangarap mo ang mangibang-bansa, tutal matagal ka nang naninilbihan sa akin, hayaan mo akong makabawi sa’yo, pag-aaralin kita doon para makahanap ka ng magandang trabaho doon,” dagdag pa nito dahilan upang bigla na lang siyang mapaluha, tumango-tango lang siya habang pinupunasan ang kaniyang mga luha. Ngumiti lang ito saka hinawakan ang kaniyang magaspang na kamay.
Doon niya lubos na napatunayan ang kabaitan ng naturang ginang. Labis siyang nagsisi sa tsismis na pinaniwalaan niya dahilan upang pagkauwi nila, agad niyang pinuntahan ang bagong kasambahay saka sinabing, “Pag-igihan mo ang pagtatrabaho, hindi totoo ang tsismis!”