Inday TrendingInday Trending
Korap ang Naturang Alkaldeng Ito, Sa Huli ay Rehas ang Kaniyang Hinimas Imbis na Perang Nalikom

Korap ang Naturang Alkaldeng Ito, Sa Huli ay Rehas ang Kaniyang Hinimas Imbis na Perang Nalikom

“Hoy, Ben! Sabi naman sa’yo, kuhanan mo ako ng litrato kapag mag-aabot ako ng mga relief goods sa mga tao! Makikinabang din naman kayo sa ginagawa ko, eh,” bulyaw ni Mario sa isa sa kaniyang tauhan, isang araw matapos silang magpamigay ng pagkain sa isang barangay at wala ni isang litrato itong nakuhanan.

“Pasensiya na po, sir, dinumog na rin po ako ng tao, eh, kaya nag-abot na rin po ako,” nakatungong tugon nito na ikinagalit niya.

“Hay naku, ewan ko ba sa’yo! Ang sabi ko naman sa’yo, hayaan mo munang ako ang magpamigay, tapos kapag may maganda na akong litrato, kayo na ang bahala. Napakasimple, ang kitid lang ng pang-unawa mo!” sigaw niya pa rito dahilan upang mapakamot na lang ito ng ulo.

“Sige po, dito po sa susunod pong barangay, makakaasa na po kayo,” sambit nito dahilan upang bahagyang bumaba ang kaniyang boses.

“Siguraduhin mo lang dahil ‘yang mga litrato ko, ipapadala sa mga sponsor ko, at kapag malaki ang nalikom ko, dadagdagan ko ang sweldo mo,” ‘ika niya saka muling nag-ayos ng sarili nang mapansing nasa kabilang barangay na sila, “Dalian mo, baba na tayo,” yaya niya saka tuluyang bumaba sa kaniyang sasakyan.

Nagsimula nang mag-unahan ang mga tao sa pila dahilan upang umpisahan na niya ang pamimigay kasabay nang pagkuha ng litrato ni Ben. Nang makakuha na ng magandang anggulo, agad na siyang pumasok sa loob ng sasakyan at hinayaan nang magpamigay ng tulong ang kaniyang mga tauhan.

“Mga patay-gutom! Sa kakarampot na bigas, mag-aagawan!” inis niyang sambit habang naglalagay ng alcohol sa kamay.

Magtatatlong taon nang naninilbihan bilang alkade sa kanilang lugar si Mario. Sa loob ng mahaba-habang taong ito, unti-unti niyang napaganda ang kanilang munting lugar. Ito ay dahil sa tulong ng iba’t-ibang kumpanyang hinihingian niya ng donasyon.

Sa katunayan, sa kaniyang termino nag-usbungan ang naggagandahang istraktura sa kanilang lugar. Ang mga malls, pampublikong parke, at mga pampublikong health centers bawat barangay, kaniya lang namang naipatayo sa loob ng tatlong taong paninilbihan dahilan upang labis siyang hangaan ng mga taong bayan.

Ngunit lingid sa kanilang kaalaman ang madumi niyang panunungkulan. Kada may ginagawa siyang proyekto, mapabigayan man ng relief goods o pagtulong sa paghahalo ng semento sa mga istrakturang pinapagawa, lahat pinapakuhanan niya ng litrato at kapag may maganda na siyang larawan, agad na siyang tumitigil sa pagtatrabaho’t pinapagawa na ang lahat sa mga tauhan niya.

Sa tuwing may darating namang bagong donasyon, napupunta ang kalahating porsyento nito sa kaniyang sariling bulsa, apatnapung porsyento para sa proyektong panlalawigan at ang sampung porsyentong natitira, iyon ang pinapasweldo niya sa kaniyang mga tauhan. Ito ang dahilan upang yumaman siya kasabay ng pagyaman ng kaniyang lugar na “pinagsisilbihan”.

At dahil malapit na naman ang halalan, lalo siyang nagpapakitang gilas sa mga taong bayan. Muli na naman kasi siyang tumakbo bilang alkalde upang mas mapayaman ang sarili.

Noong araw na ‘yon, pagkapasok niya sa sasakyan, may isang matandang kumakatok sa kaniyang bintana. Umiiyak ito at para bang humihingi ng tulong. Inis man at walang balak na tumulong, binaba niya ang bintana at nagpakuha ng litrato kasama ang matandang umiiyak.

“Parang-awa mo na, tulungan mo akong maidala sa ospital,” hikbi nito habang sila’y kinukuhanan ng litrato ngunit imbis na pakinggan, pagkatapos kuhanan ng litrato, agad na niyang sinarhan ang bintana at walang anu-ano, bigla na lang bumagsak ang naturang matanda.

Dahil sa takot na baka siya ang sisihin, agad na niyang pinaharurot sa isa sa kaniyang mga tauhan ang kanilang sasakyan at iniwan ang matandang naghihingalo sa kalsada.

Umingay ang balitang ito hindi lang sa kanilang lugar kung hindi sa buong bansa. Marami ang nagalit sa hindi makatao niyang ginawa dahilan upang siya’y magtago at mabalewala lahat ng litratong kaniyang pinakuhanan na gagamitin niya sana sa paglikom ng donasyon mula sa mga sikat na senador.

Dito na unti-unting bumagsak ang kaniyang buhay. Bukod sa hindi na siya nanalo sa halalan, sinuplong pa siya ng kaniyang mga tauhan sa mga pulis dahil sa korapsyong ginawa dahilan upang siya’y makulong at bawiin lahat ng perang kaniyang nalikom.

Doon niya labis na napagtanto ang mali niyang ginagawa dahilan upang labis siyang magsisi. Nakaranasan man siya nang maalwang buhay mula sa maruming gawain, agad naman siyang binawian nito. Nagawa man niyang humawak ng milyon-milyong pera noon, rehas na ang kaniyang hinihimas ngayon.

Advertisement