Inday TrendingInday Trending
Ayaw na Ayaw Niyang Kumain ng De-Lata; Natauhan Siya nang Makita ang mga Taong Kumakain sa Lata

Ayaw na Ayaw Niyang Kumain ng De-Lata; Natauhan Siya nang Makita ang mga Taong Kumakain sa Lata

“Anak, tama na muna ‘yang paglalaro, kumain ka na muna rito!” Malakas na sigaw ni Aling Martina sa kaniyang anak na si Max.

“Mamaya na, ‘ma, malapit na akong manalo rito!” Sigaw naman nito pabalik.

Napabuntong hininga na lang si Aling Martina. Walang ibang nagawa kundi hintayin na lang matapos maglaro ang anak.

Makalipas ang ilang minuto ay nakangiti na lumapit sa hapag-kainan si Max. Ngunit ang maaliwalas nitong mukha ay agad na napalitan ng simangot nang makita ang pagkain na inihanda ng ina.

“’Ma, bakit naman ganiyan ang pagkain natin ngayon? Ayoko ng sardinas!” Agad na reklamo ni Max sa ina.

“Anak, ngayon ka lang naman kakain nito. Hindi lang talaga ako nakapamalengke ngayong araw dahil naglaba ako,” mahinahong paliwanag ni Aling Martina sa anak.

“Kahit na ‘ma, ayoko ng sardinas! Hindi na lang ako kakain!” pagmamaktol pa ni Max.

“Anak, magpasalamat ka na lang kung ano ang nasa lamesa. Napakaraming taong nagugutom ngayon at walang makain!” pangungumbinsi niya sa anak.

Nagdadabog na umalis ng kusina ang binatilyo.

Muling humugot ng malalim na hininga si Aling Martina. Masyado talagang spoiled ang anak. Kapag hindi nasusunod ang gusto nito ay ang bilis-bilis nito magmukmok.

Ngunit nangibabaw ang pusong ina ni Aling Martina. Mabilis na itinabi ang mga pagkain sa lamesa bago tinungo ang silid ng anak na nagmumukmok pa rin.

“Anak, halika, lumabas na lang tayo at kumain! Sakto, matagal-tagal na rin simula nung nakapag-bonding tayo na tayong dalawa lang,” masayang aya ni Aling Martina sa anak.

Agad naman nagliwanag ang mukha ni Max. Alam niya kasing hindi siya matitiis ng kaniyang ina.

“Yes!” Tuwang-tuwang wika ni Max bago yumakap sa ina.

Natawa na lang si Aling Martina sa inasta ng anak. Kaya hindi niya magawang tuluyang magalit sa anak, malambing kasi ito.

Isa pa, nag-iisang anak nila ito. Matagal din nila itong ipinagdasal bago ito ibinigay sa kanilang mag-asawa. Kaya naman mahal na mahal niya ang anak at gusto niyang nakukuha nito ang lahat ng gustuhin nito.

Minsan nga ay naisip niya na baka mali ang pagpapalaki niya sa anak ngunit nawawala ang pagdududa niya kapag nakikitang masaya at nakangiti ang kaniyang anak.

Nagtatawanan pa silang mag-ina habang papunta sa paborito nilang restawran.

Akmang papasok na si Max nang marinig niya ang malakas na sigaw ng security guard habang may sinesenyasan sa gilid ng restawran.

“Hoy! Umalis kayo diyan! Naiinis sa inyo ‘yong mga tao sa loob!” galit na sigaw nito sa tatlong palaboy na nakatambay.

Hindi maiwasan ni Max na masdan ang mga ito. Sa tingin niya ay isang buong pamilya ito. May tatay, nanay, at bata na sa palagay niya ay anak ng mga ito.

“Ser, maawa naman po kayo, naghihintay lang naman po kami ng mga tira-tirang pagkain. Kaysa ho ibasura niyo ay ibigay niyo na lang ho sa amin pangkain,” pagsusumamo ng lalaki habang iniuumang dito ang isang lata, na tila gamit nito kapag kumakain.

“Gutom na gutom na ho ang anak ko, ser, kagabi pa ang huli naming kain!” Halos magmakaawa din ang babae dito.

May kumurot puso ni Max sa tagpong nasaksihan. Hindi niya namalayan na may pumatak na palang luha sa kaniyang mga mata.

“Alis! Dun kayo sa malayo!” Walang awang pagtataboy ng security guard sa mga ito.

Bagsak ang balikat ng mga ito na inakay ang kanilang anak palayo sa restawran. Nakita pa ni Max ang pag-upo ng mag-anak sa gilid ng daan, kipkip pa rin ang mga lata na naghihintay na mapunan ng pantawid-gutom.

Napapitlag pa siya nang marinig ang marahang sigaw ng kaniyang ina. Nakasungaw ito sa pinto ng restawran. “Anak! Kanina pa kita hinahanap, hindi ka pa pala nakakapasok. Pumasok ka na dito nang maka-order na tayo. Alam kong gutom na gutom ka na.”

Nanlalambot ang tuhod na pumasok siya sa loob. Nang masamyo ang mabangong amoy ng masasarap na pagkain, imbes na makaramdam ng gutom ay muling naisip ni Max ang nasaksihang eksena kanina.

“Max? Okay ka lang ba?” Narinig niyang tanong ng ina.

Isang ideya ang pumasok sa isip ni Max.

“Ma, pwede bang ibalot na lang natin ang pagkain? Sa bahay na lang tayo kumain,” suhestiyon ni Max sa ina.

“Ha? Bakit naman anak, eh nandito na tayo?” kunot noong tanong ni Aling Martina sa anak.

“Sige na po, ‘ma? Please?” muling pakiusap ni Max.

Bagaman naguguluhan na sa inaasta ng anak ay pumayag si Martina sa gusto nito.

Nang makalabas silang mag-ina ng restawran ay agad na tinakbo ni Max ang kinaroroonan ng mag-anak na palaboy.

“Max! Anak, saan ka pupunta?” narinig niyang wika ng ina.

Hindi siya nagdalawang-isip ibigay dito ang pagkain na binili ng ina.

“Maraming maraming salamat, hijo! Hulog ka ng langit!” naluluhang wika ng lalaki.

Tila hinaplos ang puso ni Max nang makitang maganang kumakain ang mag-anak.

“Anak…” wika ni Aling Martina nang tuluyang makalapit sa anak.

“Kayo ho ba ang ina ng batang ito? Maswerte ho kayo at nagkaroon kayo ng anak mabait,” wika ng babaeng palaboy bago nila iwanan ang mga ito.

Habang pauwi sila ay kinuwento ni Max sa ina ang nasaksihan. Kagaya niya, matinding awa rin ang naramdaman ng kaniyang ina mga ito.

“Tama ang ginawa mo, anak. Tayong mayroong higit sa sapat ang dapat tumutulong sa mga walang-wala,” nakangiting puri ni Aling Martina sa anak.

“Mama, sorry po, kung hindi ako nagpasalamat kung ano ang mayroon tayo. Sa nakita ko kanina ay nalaman ko po na marami pala talagang walang-wala, at napakaswerte ko na kumpara sa iba,” paghinging paumanhin ni Max sa ina.

“Yung de-lata na hindi ko kinakain, ginagawa pa palang kainan ng mga naninirahan sa lansangan,” malungkot na kwento pa ni Max.

Napatango si Aling Martina sa sinabi ng anak. Mukhang isang malaking leksyon ang natutunan nito.

Nang makauwi sila sa bahay ay masaya nilang pinagsaluhan ang sardinas na inihain ng kaniyang ina.

Mula noon ay natutunan ni Max na mas pahalagahan ang mga bagay na mayroon siya. Natutunan niya na ibigay sa walang-wala ang sobra, at higit sa lahat ay magpasalamat sa mga biyaya.

Advertisement