Hindi Sumuko ang Doktor upang Mailigtas ang Sanggol na Ipinanganak nang Maaga; Ilang Taon ang Lumipas at Siya Naman ang Magsasalba sa Buhay nito

“Dok, magpahinga naman po muna kayo. Magdamag na po kayong nakabantay sa sanggol na iyan. Ako na po ang titingin sa kaniya muna,” sambit ng nars kay Dok Darwin.

“Nais ko lang makasiguro na ayos ang sanggol na ito. Ipangako mo sa akin na tatawagan mo ako kaagad kapag may napansin kang kakaiba sa kaniya,” sambit ng doktor.

“Talagang nais niyo pong mabuhay ang sanggol na ito, dok, ano? Narinig ko kasi sabi ng ibang doktor ay himala na lamang daw po ang makakasalba sa sanggol na ito,” sambit ng bars habang inaayos ang swero ng sanggol.

“Marahil ay isang himala nga sapagkat hanggang ngayon ay kasa-kasama natin ang batang ito. Sana nga ay mabuhay siya. Alam ko ang pagnanais ng mga magulang niya na maging ligtas na siya. At bilang doktor ay kailangan kong gawin ang higit pa sa makakaya ko para masigurong mabubuhay nga siya,” wika ni Dok Darwin.

Ipinanganak na kulang sa buwan ang sanggol. Halos nag-aagaw buhay na rin ang kaniyang ina nang dalhin sa ospital dahil sa isang aksidente. Kahit na alam nilang maliit ang tiyansa na mabuhay pa ang sanggol ay ginawa ni Dok Darwin ang lahat upang maisalba ang buhay nito. Ngunit magpahanggang ngayon ay wala pa rin makakapagsabi kung talagang mabubuhay ang bata. 

“Hindi mo pa rin ba sinusukuan ang sanggol na iyan, Darwin? Aba, kakayanin pa kaya ng mga magulang niya ang gastusin dito sa ospital?” sambit ni Alvin, kapwa doktor ni Dok Darwin.

“Parang hindi naaakma na ngayon mo sabihin ang tungkol sa gastusin. Walang makakapantay na kahit anong salapi sa buhay ng isang tao. Lalo ng isang inosenteng sanggol na gaya nitong batang ito. Alam kong lumalaban siya. Kasi kung ayaw mabuhay ng sanggol na ito’y dapat matagal na siyang wala,” tugon ni Dok Darwin.

“Ang sa akin lang ay nakatuon na masyado ang atensyon mo sa sanggol na iyan. Baka kung may mangyaring masama diyan ay masyado kang maapektuhan. Tandaan mo kung hanggang saan lang ang kaya nating mga doktor. Hindi tayo ang magtatakda ng buhay ng isang tao,” pahayag ni Dok Alvin.

Advertisement

“Tama ka, hindi tayo ang magtatakda ng buhay ng isang tao at gagawin ko ang lahat para isalba ang buhay nitong sanggol na ito dahil hindi ko itinatakda na mawawala na siya ngayon dahil lang hindi kakayanin ng mga magulang niya ang gastos,” mariing sambit ng doktor.

Lumipas ang mga araw at hindi pa rin bumubuti ang lagay ng sanggol.

“Dok, kumusta na po ang anak ko?” tanong ni Freya sa doktor.

“Ginang, wala pa rin pong pinagbago. Ngunit hindi po natin isusuko ang anak niyo. Gagawin namin ang lahat para maging maayos siya,” sambit ni Dok Darwin.

Kumunsulta sa ibang espesiyalista na ibang panig ng mundo si Dok Darwin para humingi ng ibang opinyon tungkol sa kung ano pang puwedeng gawin sa sanggol upang mapabuti ang kalagayan nito. Ginawa ito ni Dok Darwin ng higit pa sa tungkuling naiatas sa kaniya. 

Hindi naglaon ay nagbunga ang lahat ng pagsusumikap ng doktor. Tila himala ang nangyari dahil unti-unti nang nagreresponde ang katawan ng bata sa mga gamot. Dahil dito ay unti-unti na rin siyang lumalakas. 

Hindi naglaon ay tuluyang bumuti ang kalagayan ng sanggol at makalipas ang limang buwan sa ospital ay makakauwi na rin ito kasama ng kaniyang mga magulang.

“Maraming salamat po, dok! Hindi matatawaran ang lahat ng ginawa ninyo para sa anak ko. Tatanawin ko pong malaking utang na loob ito sa inyo,” sambit ng naluluhang si Freya.

Advertisement

“Ginawa ko lamang ang tungkulin ko, ginang. Masaya rin ako at sa wakas ay makakasama niyo na siya,” saad ng doktor. 

Namuhay ng normal ang batang si James kapiling ang kaniyang pamilya. Nakapag-aral at nakapagtapos. Makalipas ang dalawampu’t limang taon ay bukod sa isa siyang inhinyero ay isa rin siyang volunteer na bumbero. 

Isang araw ay may isang malaking sunog na kailangan nilang respondehan.

“Napakalaki na ng sunog! Wala na tayong maisasalba diyan!” sambit ng isang bumbero.

“May isang tao pa raw na nasa loob ng isang bahay. Matanda na siya at hindi na niya kaya pang makalabas ayon sa kaanak nito!” wika ng isa pang bumbero.

“Ako na ang papasok!” sambit ni James.

“Hindi maari, pare! Sobrang laki na ng apoy na iyan, delikado! Baka ang buhay mo naman ang malagay sa alanganin!” pigil ng isang kasamahang bumbero.

“May isang taong naroon. Alam kong magagawan ninyo ng paraan para makapasok ako sa bahay na iyon. Kailangan natin siyang tulungan! Kailangan nating gawin ang trabaho natin!” sambit pa ng binata. 

Advertisement

Kahit taliwas sa kagustuhan ng mga kasamahan ay agad na lumusob si James sa apoy. Mabilis at maingat niyang ginalugad ang kabahayan upang patunton ang sinsabing kinaroroonan ng matanda. Nang kaniyang matagpuan ang matanda ay halos nawawalan na ito ng hininga dahil sa tindi ng usok.

“Kumapit po kayo at ilalabas ko kayo rito!” sambit ni James sa matanda.

Binuhat ni James ang matanda sa abot ng kaniyang makakaya. Kahit na alam niyang maaaring malagay sa alanganin ang kaniyang buhay ay hindi nito napigilan ang pagligtas sa matanda. Mahirap man ngunit nagawa ni James na mailabas sila sa bahay na natutupok ng apoy.

Agad na dinala ng ambulasya ang matanda sa ospital upang mabigyan ng lunas.

Nang mabuti na ang kalagayan ng ginoo ay agad niyang hinanap ang lalaking sumagip ng kaniyang buhay. Nagtungo siya sa himpilan ng mga bumbero upang personal na magpasalamat. Doon ay natagpuan niya si James.

“Maraming salamat, hijo, sa pagsagip mo sa aking buhay. Malimit na ako nagsasagip ng buhay sapagkat isa akong doktor ngunit sa pagkakataong ito ay ang buhay ko naman ang iyong isinagip. Maaari ko bang malaman ang pangalan ng aking bayani?” wika ng doktor.

 “Wala pong anuman, dok. Ikinalulugod ko pong gawin ang tungkulin ko. Mas masaya pa ako dahil isang doktor pala ang aking nailigtas. Mas marami pa po kayong buhay na matutulungan,” sambit ng binata. 

“Ako nga po pala si Tinyente James Darwin Aragon. Ipinangalan po ako ng aking ina sa isang magiting na doktor. Ayon sa nanay ko, hindi raw sumuko ang doktor na iyon para mailigtas ang aking buhay. Bilang pag-alala sa kabutihang nagawa niya ay idinugtog niya ang pangalang Darwin sa akin. Pangalan ng doktor na sumagip ng aking buhay,” dagdag pa ng binata.

Advertisement

Napaluha na lamang si ang matandang doktor sa kaniyang narinig.

“Ikinagagalak ko na ganito na pala ang narating mo, hijo. Hindi talaga ako nagkamali nang araw na magdesisyon ako na bigyang higit ng atensyon ang kalagayan mo noon. Ako nga pala si Dok Darwin at kung hindi ako nagkakamali ay ang nanay mo’y si Ginang Freya Aragon,” naluluha ngunit nakangiting sambit ng doktor.

Napaluha na rin sa kagalakan si James.  Iba nga naman maglaro ang tadhana. Laking pasasalamat nila sa isa’t isa sapagkat hindi nila akalain na ililigtas ng bawat isa ang kanilang mga buhay.