Inday TrendingInday Trending
Ibinigay ng Mag-Asawa ang Puso ng Anak sa Isang Batang Nangangailangan; Makalipas ang Ilang Taon ay Hindi Nila Inaasahan ang Balik ng Tadhana

Ibinigay ng Mag-Asawa ang Puso ng Anak sa Isang Batang Nangangailangan; Makalipas ang Ilang Taon ay Hindi Nila Inaasahan ang Balik ng Tadhana

Matagal hinintay ng mag-asawang Daniel at Cleo ang kanilang nag-iisang anak si Kevin. May edad na rin kasi ang mag-asawa nang sila ay nagpakasal. Lahat ay ginawa ni Cleo para siya ay mabuntis. Kaya nang biyayaan sila ng isang anak na lalaki ay ipinangako nila sa kanilang sarili na pangangalagaan nila ito at mamahalin higit pa sa kanilang buhay.

Dahil nakakaangat sa buhay ay ibinigay ang lahat ng mag-asawa sa kanilang anak. Karapat-dapat naman si Kevin sa lahat ng ibinibigay sa kaniya ng mga magulang dahil mabait at matalino itong anak.

Nang magtapos ng pag-aaral ang binata ay niregaluhan nila ito ng isang kotse na kaniyang pinapangarap. Lubusan ang ligaya ng anak sa inihandog sa kaniya ng mga magulang. Ngunit hindi akalain ng mag-asawa na ito pa ang magiging mitsa ng pagkawala ng anak.

“Kevin! Kevin! Gumising ka anak. Ang mommy mo ito!” pagtangis ng ginang.

“Kevin! Anak! Gumising ka!” walang sawa sa pagtawag si Cleo sa anak na halos wala nang buhay.

“Misis, hanggang dito na lamang po kayo. Kami na po ang bahala sa inyong anak,” sambit ng doktor.

“Kung alam ko lang na maaksidente ang ating anak dahil sa kotseng iyon ay hindi na sana natin ito ibinigay sa kaniya!” pagsisisi ni Daniel.

“Hindi ko mapapatawad ang sarili ko, Cleo, kapag may nangyaring masama sa ating anak!” sambit ng ama na patuloy din sa pag-iyak.

Walang sawa sa pagdarasal ang mag-asawa na sana ay maging matagumpay ang operasyon. Tila isang mirakulo na lamang kasi ang magsasalba sa buhay ng anak sa tindi ng pinsalang inabot nito sa aksidente. Lubusang nayupi ang sasakyan nito at nahirapan sila nakuha ang binata sa loob ng sasakyan.

“Kayo po ba ang mga magulang ni Kevin?” tanong ng doktor makalipas ang apat na oras na operasyon.

“Ginawa po namin lahat ng makakaya namin. Sa ngayon po ay tila isang lantang gulay na ang inyong anak. Tatapatin na namin kayo. Hindi namin alam kung magigising pa siya. Makina na lamang po ang bumubuhay sa kaniya,” pahayag ng doktor.

Labis ang pagtangis ng mag-asawa. Ngunit hindi pa rin nila isusuko ang kanilang anak. Umaasa pa rin sila na isang araw magigising ito.

“Ni sa hinagap ay hindi ko naisip na maaaring mangyari ito sa ating anak, Daniel. Halos hindi natin siya padapuan sa lamok. Hindi ko matanggap na ganito na ang kaniyang kalagayan,” umiiyak na sambit ni Cleo.

“Ayokong sabihin ito, Cleo. Pero kailangan na nating ihanda ang ating sarili sa posibleng mangyari. Marahil ay ganito lamang talaga ang oras na ibinigay sa atin para siya ay makasama,” naiiyak ding wika ng ama ni Kevin.

Alam ng mag-asawa na nahihirapan na ang kanilang anak.

“Anak, kung nahihirapan ka na ay maaari ka nang sumuko,” sambit ni Cleo.

Dahil hindi maatim ni Daniel ang tagpong iyon ay lumabas muna siya panandalian. Sa tapat ng kanilang silid ay nakita niya ang mag-asawa rin na walang tigil sa pag-iyak.

“Kung pwede ko lang ibigay ang puso ko para sa anak natin ay matagal ko nang ginawa. Hindi ko na kaya pang nakikita ang anak nating nahihirapan,” sambit ng ginang sa kaniyang asawa.

“May awa ang Diyos, mahal. H’wag kang mawalan ng pag-asa,” sambit ng mister nito.

“Daniel! Daniel!” natatarantang tawag ni Cleo sa kaniyang asawa.

“Tumawag ka ng mga doktor at nars. Ang anak mo!” sambit pa ng ginang.

Pagdating ng mga ito sa loob ng silid ng binata ay pilit pang isinasalba ng mga doktor ang buhay ni Kevin ngunit sandali na lamang ay nawalan na ito ng buhay.

Hindi matigil sa pagluha ang mag-asawa. Bigla na lamang naisip ni Daniel ang mag-asawang nasa labas.

“Dok, nangangailangan po ba ng puso ang pasyente na nasa silid sa tapat ng silid na ito?” tanong ni Daniel.

“Cleo kung papayag ka ay nais kong i-donate ang puso ng ating anak sa pasyente. Nang sa ganon ay patuloy pa ring titibok ang puso ng anak natin kahit wala na siya,” sambit ng mister. Pumayag kaagad ang ginang.

“Dok, kung nangangailangan sila ng puso ay pakisagip ang puso ng aming anak. Nais ko po sanang ibigay ang puso niya kung tutugma,” dagdag pa ng ginoo.

“Isang binata din po ang naroon sa tapat ng inyong silid. Gagawin po namin ang nais ninyo,” wika ng doktor.

Kahit na nagluluksa ang mag-asawa ay magaan ang kanilang pakiramdam lalo na ng malaman nilang naging matagumpay ang operasyon ng binatang pinagbigyan nila ng puso ng kanilang anak.

Nang makilala nila ang pamilya nito ay lubusan ang kanilang pasasalamat sa mag-asawa.

“Bata pa lamang ang anak namin ay malubha na ang kalagayanan niya. Pero pilit namin siyang inilalaban. Maraming salamat dahil sa tagal ng paghahanap ay kayo pala ang sagot sa aming mga dalangin,” sambit ng mag-asawang Gomez.

Naging magkaibigan ang mga ito. Anak na rin kung ituring nila ang napagbigyan ng puso ng kanilang anak. Sa ganitong paraan kasi ay alam nilang may isang parte ng kanilang anak na patuloy na nabubuhay.

Makalipas ang ilang taon ay hindi inaasahan na maoospital si Daniel dahil sa sakit sa bato. Lumala na ito at ang tanging makakapagsalba lamang sa kaniya ay isang operasyon. Kailangan lamang ng magbibigay sa kaniya ng bato ngunit hindi sila makahanap.

Nang malaman ito agad ng mag-asawang Gomez ay hindi nagdalawang-isip ang padre de pamilya na ibigay ang isa niyang bato para sa ginoo.

Ikinagulat ito nila Cleo at Daniel.

“Dinugtungan niyo ang buhay ng aking anak. Panahon naman na maibalik namin ito sa inyo. Dahil sa inyong kabutihan sa amin ay gusto ko ring madugtungan pa ang iyong buhay, Daniel,” saad ng ginoo.

Naging matagumpay ang naging operasyon kay Daniel at nailigtas siya mula sa tiyak na kapahamakan.

Hindi akalain ng mag-asawa na ibabalik sa kanila ng pamilyang Gomez ang pabor na kanilang ginawa sa binatang anak nito.

Advertisement