Tinanggal sa Karinderya ang Lalaki dahil sa Pagbibigay Nito ng Tulong sa Matandang Nagugutom; Dahil sa Kabutihang Ginawa’y Higit Pa sa Pagtatrabaho sa Karinderya ang Naging Gantimpala sa Kaniya

“Baldo, pumarito ka nga at ikaw na ang mag-abot ng mga order ng grupo ng kalalakihan sa mesa sa may bandang dulo!” utos ni Aling Desa sa kaniyang tauhang si Baldo.

“Napakaraming tao ngayon kaya h’wag kayong tatamad-tamad sa trabaho kung gusto niyong may swelduhin kayo!” sigaw pa nito.

Agad na sinunod ni Baldo ang kaniyang amo at panandaliang iniwan ang paglilinis ng mesa upang maiabot ang mga pagkain sa mga kalalakihan. Nang makita ni Aling Desa na may uupo sa mesang iniwanan ni Baldo ay agad nitong sinigawan ang binata.

“Hoy, Baldo! Ano ba ang tinatanga-tanga mo pa riyan?! Nakita mong may kakain. Linisin mo ang mesa banda roon!” bulyaw ng ginang. 

“Ang hirap sa inyo. Ang kikitid ng kokote ninyo!” naiinis na sambit ni Aling Desa.

Tubong probinsiya itong si Baldo. Napadpad lamang ito sa Kamaynilaan dahil isinaman ito ng kaniyang kaibigan upang matrabaho rin sa nasabing karinderya. Dahil sa hirap ng buhay sa probinsiya at ni hindi nakatungtong ng hayskul itong si Baldo ay sumama na rin siya upang makatulong sa kaniyang pamilya.

Matagal-tagal na ring naninilbihan ang binata sa nasabing karinderya, kahit mahirap ang trabaho ay pinagsisikapan niya ito. Libre kasi ang tirahan at pagkain nila. Malaking tulong na rin ito para kahit paano ay makapagpadala siya ng pera sa kaniyang pamilya na nasa probinsiya.

Talagang masungit ang kanilang among si Aling Desa. Palibhasa ay mataas ang tingin niya sa kaniyang sarili dahil siya ang may-ari ng karinderya at halos lahat ng tauhan niya ay mga walang pinag-aralan. Malakas kumita ang karinderya ng ginang dahil malapit ito sa mga opisina at paaralan. Lalo pa ngayon na may isang ginagawang gusali malapit sa kanila. 

Advertisement

“Lumayas ka nga rito!” pagtataboy ni Aling Desa sa isang matandang pulubi.

“Lumayas ka rito at mandidiri sa iyo ang mga kumakain! Alis!” muli nitong pagtaboy sa matanda. 

“Baldo! Hindi ba sinabi ko na sa iyo na tingnan ninyo ang mga pumapasok dito sa karinderya. Tingnan mo isang madungis na matandang pulubi ang pumunta dito! Baka mamaya ay magdala pa ng mikrobyo ‘yan sa karinderya ko at mademanda pa tayo kapag nagsisakit ang tiyan ng mga kostumer!” walang tigil sa pagdakdak ang ginang. 

“Hay naku! Lahat na lang ba ay sa akin ninyo iaasa! Wala talaga kayong silbi! Bumalik na nga kayo sa pagtatrabaho!” sigaw nito sa kaniyang mga tauhan.

Hindi naialis ni Baldo ang kaniyang tingin sa kaawa-awang matanda. Ngunit ano naman ang kaniyang magagawa. Mapapalayas siya ng kaniyang amo kung hahayaan niyang pumasok ang matandang ito.

Halos maghahating gabi na rin nung magsarado ang karinderya. Patang-pata ang kanilang mga katawan sa pagod ngunit wala silang magagawa kung hindi gumising muli ng maaga.

Habang isinasarado ni Baldo ang karinderya ay nakita niya ang matandang lalaki na natutulog sa kalsada sa hindi kalayuan.

“Ano pa ang tinutunga-tunganga mo, Baldo? Nag-aabang ka ba ng mahika na magsasarado ng tindahan! Isarado mo na ‘yan at maaga pa tayo bukas!” utos ng amo.

Advertisement

Agad na isinara ni Baldo ang karinderya. Sa kaniyang pagtulog ay hindi pa rin niya maialis sa kaniyang isipan ang nasabing matanda. Nais niya itong bigyan ng tulong dahil naaawa siya sa kalagayan nito. Naisip niya ang kaniyang mga magulang sa probinsiya. Matatanda na rin ang mga ito.

Kinabukasan, tulad ng nakasanayan ay marami na namang kostumer ang karinderya ngunit wala pa ang among si Aling Desa. Hapon na raw ito makakarating sapagkat may aayusin ito. 

Maya-maya ay nariyan na naman ang matandang lalaki na nagpupumilit makahingi ng pagkain.

“Kahit kaunting kanin lamang at sabaw. O kahit anong tira-tira lang nila dito. Gutom na gutom na ako. Parang awa niyo na,” pakiusap ng matandang pulubi. 

Alam ni Baldo na kapag naabutan ng amo ang matandang pulubi na ito na nasa loob ng kanilang karinderya ay mapapagalitan sila. Dahil wala pa naman si Aling Desa ay inabutan ng binata ng kanin, ulam, sabaw at maiinom ang matanda.

“Ito po, ginoo. Para sa inyo po ito. Umalis na kayo rito kasi baka maabutan pa po kayo ng aming amo,” saad ng binata. 

Hindi pa nakakalabas ang matanda at nariyan na ang masungit na si Aling Desa.

“Nagbayad ka ba para sa mga pagkaing iyan?” sambit ng ale.

Advertisement

Hindi nakaimik ang matanda.

“A-ako po ang nagbigay ng pagkain na iyan sa matanda, Aling Desa. Hayaan niyo na po siya,” saad ni Baldo. 

“Kaya pala namimihasa sa pagpunta-punta rito ang matandang ‘yan ay dahil sa’yo! Ninanakawan mo pa ako ng paninda ko!” galit na wika ng amo. 

“Simula ngayon ay sisante ka na! Hindi ko kailangan ng tulad mo rito sa negosyo ko!” dagdag pa ni Aling Desa. 

“Wala po akong ninanakaw sa inyo, Aling Desa. Tanghalian ko po ang ibinigay ko sa matandang pulubi na iyan. Parang awa niyo naman, Aling Desa, wala po akong matutuluyan dito sa Maynila!” pagmamakaawa ng binata.

Ngunit hindi na siya pinakinggan ng kaniyang amo. Tuluyang nawalan ng trabaho si Baldo. Kahit na ganito ang nangyari sa kaniya ay hindi niya sinisi ang matanda. Ang problema lamang ngayon ay hindi alam ng binata kung saan siya pupunta upang magpalipas ng mga araw hanggang siya ay makahanap ng trabaho.

Hindi pa man siya nakakalayo sa karinderya ay isang lalaki ang lumapit sa kaniya.

“Hindi ba ikaw ang lalaking pinalayas ng may-ari ng karinderya?” saad ng ginoo. 

Advertisement

“Ako nga pala si Alex Robles. Ako ang may-ari ng gusali diyan sa tapat,” dagdag pa ng lalaki. 

Hindi makapaniwala si Baldo.

“Kung kayo po ang may-ari ng gusaling iyan ay bakit sa isang hawak na karinderya lamang kayo kumakain?” pag-uusisa nito.

“Dahil gusto kong samahan ang mga tauhan ko. Nais kong maintindihan ang kanilang mga pinagdadaanan nila sa buhay. At alam ko sa pagkain kasama sila ay doon ko sila makakausap na hindi boss ang tingin nila sa akin,” paliwanag nito.

“‘Di ba, wala ka ng trabaho? Bakit hindi ka magtrabaho para sa akin,” alok ng ginoo.

“Ngunit wala po akong naabot. Elementarya lamang po ang natapos ko,” tugon ni Baldo.

“Ngunit may maganda kang kalooban. At iyan ang nais ko,” wika ng ginoo.

Ginawang personal assistant ni Ginoong Alex Robles si Baldo. Ginayakan niya ito at saka tinuruan ng mga kailangang gawin. Hinasa niya ang binata nang sa gayon ay kahit wala itong pinag-aralan ay maging magaling ito sa negosyo. Sa tuwing sasahod ito ay laking tuwa na nararamdaman ng ginoo dahil kahit ginoo na kataas ang naabot ni Baldo at kahit gaano na kalaki ang kinikita nito ay hindi pa rin lumalaki ang ulo nito. Mahilig pa rin siyang tumulong sa mga nangangailangan.

Advertisement

Makalipas ang dalawang taon ay napabalitaan ni Baldo na nalulugi na raw ang karinderya na dati niyang pinagtatrabahuhan at magsasara na raw ito. 

Pagpasok niya sa karinderya ay agad siyang naaninagan ng dating amo. Dahil payak lamang ang pananamit ay agad siyang nakilala nito.

“Wala ka nang babalikang trabaho rito! Magsasara na kami” wika ng ale. 

“Malamang ko ay ikaw ang malas sa negosyo ko, e. Umalis ka na nga rito at naaalibadbaran ako sa’yo!” sambit pa ni Aling Desa.

“Hindi niyo maaaring palayasin si Baldo,” sambit ni Ginoong Alex. 

“At bakit hindi? Totoo namang malas siya!” tugon ng ginang. 

“Hindi niyo maaaring palayasin ang taong bagong may-ari ng lupang ito. Siya ang nakabili ng lupang kinatitirikan ng karinderya ninyo. At hindi siya ang malas kung hindi ang masama mong pag-uugali!” pahayag ng ginoo. 

Lubusang ikinagulat ito ni Aling Desa. Hindi niya akalain na ganito na pala ang inabot ng dati niyang tauhan.

Advertisement

“Hindi po ako nagtatanim ng sama ng loob sa inyo, Aling Desa. Dahil kung hindi po ninyo ako pinalayas ay marahil ay trabahador pa rin ako dito sa inyong karinderya at kayo pa rin ang amo ko. Nagpapasalamat po ako sa lahat ng ginawa niyong pananaboy sa akin!” sambit ni Baldo.

Tuluyan nang napalayas si Aling Desa sa sarili niyang negosyo.

Samantala, ginawa ni Baldo na isang restawran ang nasabing karinderya. Marami itong naging parokyano. Pinipilahan din ang restawran ng mga pulubi at mahihirap sapagkat madalas itong magbigay ng pagkain sa mga nangangailangan.