
Kalabog at Sigawan ang Palaging Naririnig sa Bagong Kapitbahay ng Ginang; Isang gabi ay Biglang Nawala ang Ingay; Ano Kaya ang Dahilan sa Likod ng Biglaang Katahimikan?
Malalim na ang gabi nang magising bigla si Aling Lucy dahil sa lakas ng kulog at kidlat na may kasamang ulan. Bigla niyang naalala ang mga sinampay na maaaring maanggihan ng ulan dahil sa lakas din ng hangin. Hindi na niya ginising pa ang asawa dahil mahimbing na ang pagkakatulog nito.
Pagkalabas niya ay kitang-kita ng dalawa niyang mga mata ang anino ng kapitbahay mula sa liwanag ng bintana kung paano pinagsusuntok ang misis nito. Rinig din ang kalampag kahit na kasabay nito ay kulog at malakas na pag-ulan. Kahit na nababagabag sa bagong lipat na mag-asawa, wala naman siyang magawa dahil pinipigilan siya ng kaniyang asawa na manghimasok sa buhay ng iba. Matapos kunin ang sinampay ay bumalik siya sa kama na parang walang nakita o narinig man lang.
Kinaumagahan, nakasalubong ni ALing Lucy ang bago niyang kapitbahay. Payat iyon habang inaaalalayan ang anak nitong may sakit sa pag-iisip. Awang-awa siya sa sitwasyon ng mag-ina dahil alam niya ang sinasapit ng dalawang ito lalo na ng ina.
“Kapitbahay! Kapitbahay!” masiglang tawag ni Aling Lucy sa babaeng kumaway naman sa kaniya. Nais sana niyang makipagkaibigan man lang ngunit hindi iyon nagtagal sa kaniyang pwesto at mabilis na umalis kaagad palayo.
Isang buwan pa lang ata silang nagtitigil sa bahay na iyon subalit walang araw na hindi naririnig ni Aling Lucy ang mga kalabog at anino ng lalaking nananakit sa asawa nito. Napabuntong hininga na lamang si Aling Lucy sa kalagayan ng mag-ina. Bigla namang kasunod ng mag-ina ay ang paglabas ng mister nito na bumati sa kaniya ng magandang umaga. Bilang tugon, pumeke ng ngiti ang ginang at binata rin iyon pabalik. Subalit sa isip-isip niya, kinamumuhian niya ang lalaki dahil sa ginagawa nito sa kaniyang mag-ina.
Dahil sa kagustuhan ni Aling Lucy na tulungan ang kapitbahay, ipinagkalat niya ang nangyayari tuwing sasapit ang kalaliman ng gabi. Kalat na kalat na ngayon sa kanilang village ang mga kalabog na nangyayari tuwing gabi. Subalit marami ang nagsabi na hayaan na lamang dahil buahy mag-asawa nila iyon. Muli na namang nabigi si Aling Lucy na humanap ng kakampi para matulungan ang mag-ina.
Sa tuwing sasapit ang gabi, hindi na halos makatulog si Aling Lucy. Pakiramdam niya ay pinapakiramdaman na niya palagi ang anumang maaaring mangyari sa kapitbahay. Lumabas siya upang kunan sana ng litrato at bidyo ang magaganap sa gabing iyon. Subalit isang kalabog lamang ang naganap at hindi niya iyon nakuhaan. Naghintay pa siya ng ilang sandali hanggang sa hindi na niya namalayan na nakatulog na pala siya kakaantay sa mangyayari.
Nagising si Aling Lucy na tinatapik siya ng kaniyang asawa. Nagalit pa nga iyon dahil matagal na nitong sinasabi na lubayan na ang buhay ng kaniyang kapitbahay at magpokus na lamang sa buhay nila. Ang bawat pamilya naman daw talaga ay may kani-kaniyang problema, kaya hindi niya dapat panghimasukan ang mga iyon. Wala namang sagot si Aling Lucy dahil tama din naman iyon.
Dumaan ang buong araw, hindi naman na sinasadya ni Aling Lucy na antabayanan pa ang paglabas ng mag-ina o ng mister nito subalit ganoon na nga ang lumabas. At sa buong maghapon na iyon, bigo siyang masilayan ang mukha ng sinuman mula sa bahay na iyon. Nagsimula na siyang magtaka dahil wala man lang siyang marinig kahit na kaluskos sa kalapit na bahay. Napapaisip na ng kung ano-ano ang ginang at halos hindi na mapakali.
Maghapon at buong gabi, ito ang bukambibig ng ginang na si Aling Lucy. Natatakot siyang baka kung ano na palang nangyari sa mag-iina na nasa loob. Baka sakali, naghihintay lamang ang mga iyon na iligtas sila mula sa marahas na kamay ng asawa nito. At dahil hindi mapakali, muli siyang lumabas ng bahay at inantabayanan ang maaaring mangyari sa loob. Subalit inabot na siya ng pagputok ng araw na wala pa rin siyang maramdaman na kaluskos o marinig man lang katulad ng nakasanayan niya. Dito na naging desidido ang ginang na mayroon na ngang nangyayaring masama sa loob ng bahay.
Maagang-maaga, matapos pumasok sa trabaho ng kaniyang asawa at pumasok ng mga anak, kinuha ni Lucy ang litrato na kaniyang mga nakuha noong nasasaksihan niya ang pangmamaltrato mula sa anino sa bintana. Mabilis, kabado at halos hindi makapagsalita nang ayos ang ginang nang magtungo siya sa barangay. Doon, ibinahagi niya ang lahat ng kaniyang nalalaman na nagpakilos naman sa mga opisyal na naroon.
Agad na inaksiyunan ng mga opisyal kasama ng mga pulis na pasukin ang bahay ng misteryosong kapitbahay. Pinuwersa nila ang pinto at bumungad sa kanila ang mabahong amoy ng nabubulok na hayop. Pagpasok sa isang kwarto, naroon nakahandusay sa sahig ang haligi ng tahanan na may saksak sa likod at naliligo sa sarili nitong mga dugo. Muli nilang hinanap pa ang mag-ina at nakita ring nakahandusay sa sahig ng banyo ang ina na may ilang saksak din sa dibdib nito. Nakaupo naman na naglalaro ang anak ng mag-asawa na may sakit sa pag-iisip.
Napag-alaman na totoo ngang binubugbog ang misis ng kaniyang mister hanggang sa umabot na sa puntong nasaksak na ng lalaki ang kaniyang asawa. Bilang ganti naman ay sinaksak din siya ng kanilang anak na wala namang kamuwang-muwang sa mga nangayayari.
Lumabas ang kwento na ito sa balita at hindi lamang sa kanilang village. Nagbigay ito ng alerto sa lahat na kung mayroong dapat na gawin upang matulungan nang maaga, gawin kaagad. Dahil baka huli na ang lahat at pagsisisi na lamang ang tanging maiwan kung hindi kaagad maaaksiyunan.

Kung Kailan Tumanda ay Saka Naman Biglang Nahilig ang Ginang sa Paglalaro; Masama Nga Bang Magpaka-Bagets si Nanay?
